Umalma ang Child Rights Network (CRN) sa panukalang pagbawalan ang paggamit ng social media ng mga bata sa Senate Bill 2066 o Social Media Safety for Children Act ni Sen. Sherwin Gatchalian
Nilalayon umano panukalang batas magkaroon ng espesyal na proteksiyon sa mga bata laban sa lahat ng uri ng abusong makakaapekto sa kanilang pag-unlad, kabilang na ang online sexual abuse or exploitation.
Ayon kay CRN convenor Ma. Aurora Quilala, dapat mas bigyan ng pansin ang wastong paggamit nito at magkaroon ng mga panuntunan sa mga makikita rito.
“Hindi dapat i-block ang mga bata mula sa digital world. Dapat nagagamit nila ito nang safe at swak sa pangangailangan ng edad nila,” ani Quilala sa Ingles.
Dagdag pa niya na may mga batas na ang Pilipinas pagdating sa usapin ng proteksiyon sa paggamit at pakikisangkot ng mga bata at kabataan sa social media.
Ayon sa grupo, kinakailangan ng koordinasyon sa Department of Information and Communications Technology, Department of Social Welfare and Development at iba pang ahensiya upang mas mapalaganap ang wastong paggamit ng social media.
Naniniwala naman ang Citizen Watch Philippines na imbis na pagbawalan ang mga bata sa paggamit ng social media, mas nararapat na magkaroon ng tamang gabay at regulasyon habang pinapanatili ang pagkakaroon ng importanteng impormasyon mula sa social media.
Dagdag pa ng grupo, nangangailangan ng mas matinding proseso sa pagkakaroon ng tamang beripikasyon kung sakaling maipatupad ito. Nangangamba silang marami pa ring maiisip na paraan ang mga bata na makakuha ng access sa social media sa pamamagitan ng pamemeke ng dokumento, identidad at paggamit ng mga ilegal na aplikasyon.
Bagaman marami na ang mga pag-aaral sa wasto at tamang paggamit ng social media para sa mga bata, naniniwala si Quilala na ang proteksiyon at tamang pagkatuto ay dapat na magmula sa tahanan.
