Tinanggihan ng dating Court of Appeals (CA) Special 8th Division noong Ago. 2 ang inihaing petisyon para sa mga writ of amparo at habeas data ng tanggol-kalikasan na sina Jonila Castro at Jhed Tamano dahil umano sa kakulangan ng ebidensiya sa kabila ng malinaw na pagdukot sa kanila ng militar noong Setyembre 2023.
Mariin itong kinondena ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) dahil naglalagay lang umano ang desisyong ito ang buhay, kalayaan at seguridad nina Castro, Tamano at ng marami pa sa matinding panganib dulot ng panggigipit at paniniktik ng militar.
“Ang sinasabi ng desisyon na kakulangan sa ebidensiya para suportahan ang mga alegasyon ng pagdukot ng estado sa dalawa ay taliwas sa mas malawak na dokumentadong padron ng pag-atake ng estado laban sa mga tanggol-kalikasan, ” pahayag ng organisasyon.
Ayon sa datos ng Global Witness noong 2023, Pilipinas pa rin ang pinakadelikadong bansa sa Asya para sa mga tanggol-kalikasan.
Patunay sina Castro at Tamano rito sapagkat sa parehong taon, matapos bisitahin ang mga apektadong komunidad dahil sa reklamasyon sa Manila Bay, marahas silang dinukot sa Orion, Bataan.
Matapos ang 17 araw, inilitaw ang dalawa noong Set. 19 sa isang press conference na ipinatawag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) at Armed Forces of the Philippines (AFP) at binansagang “rebel surrenderees.” Ngunit sa mismong press conference, pinabulaanan ng dalawa ang kanilang pagsuko bagkus binigyang linaw na dinukot sila ng mga militar.
Nitong Pebrero, tinangka silang arestuhin matapos sampahan ng Department of Justice ng kasong grave oral defamation, ngunit bigo ang estado matapos magpiyansa ang dalawa sa korte sa Doña Remedios Trinidad sa Bulacan.
Ani Global Witness senior campaigner for the land and environmental defenders Rachel Cox, ipinakita lang ng desisyon ng CA ang pagsasawalang-bahala sa buhay at kapakanan ng mga tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang pantao.
“Walang sinuman ang dapat gipitin, takutin o atakihin dahil sa pagpapahayag ng kanilang mga alalahanin tungkol sa pinsalang dulot sa tao o kalikasan. Ang dalawang kabataang babae ay dapat malayang makapagsalita nang ligtas—isang karapatang dapat tiyakin ng pamahalaan ng Pilipinas. Ang pasyang ito’y isang matinding paalala na hindi ito nangyayari,” aniya sa isang pahayag sa Ingles.
Samantala, iginiit ang Kalikasan PNE na muling suriin at baliktarin ang desisyon ng CA. Gayundin, panawagan nila ang pakikiisa ng mamamayan sa laban nila Castro at Tamano, maging ang pagbuwag sa NTF-Elcac sa pagkamit ng hustisya at ligtas na lipunan para sa lahat.
Sa dissenting opinion ni Court of Appeals Associate Justice Emily San Gaspar-Gito sa kaso nina Castro at Tamano, sinabi ng hukom na may sapat na batayan ang korte para ibigay ang hinihinging proteksiyon sa ilalim writ of amparo ng dalawang tanggol-kalikasan.
Kinastigo rin ng hukom sa kanyang dissenting opinion ang bigong pagsasagawa ng imbestigasyon ng estado sa kanilang pagkawala sa pagitan ng Set. 2 hanggang Set. 12 at pinuna ang pagtanggi ng Orion Police Station sa Bataan na makapagsampa ng police report ang mga magulang ng dalawang dinukot na aktibista.