Ang paggawa, para sa mamamayan ng Timog Katagalugan ay hindi lang paraan upang matustusan ang pang araw-araw na gastusin, ito rin ay isang uri ng pakikibaka para mabuhay.

Ayon sa Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (Pamantik-KMU), nakararanas ng krisis sa sahod ang mga mangagagawa sa mga rehiyon ng Calabarzon at Mimaropa kung saan pilit nilang pinagkakasya ang P450 hanggang P600 kada araw sa kanilang pamilya kahit madalas, hindi ito nagiging sapat sa gitna ng implasyon at pagtaas ng mga bilihin.

Samantala, sa sektor ng agrikultura sa Timog Katagalugan, mabigat na pasanin para sa mga magsasaka ang pagtaas ng presyo ng langis, binhi, abono at pestisidyo, dagdag pa ang patuloy na pangangamkam ng lupa at land use conversion. Ayon sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK), kulang na kulang ang suporta sa agrikultura ng pamahalaan.

Dulot din sa sigalot at krisis sa Kanlurang Asya, maraming mga tsuper sa Timog Katagalugan ang nagtigil-pasada dahil ang kanilang kinikita ay napupunta lang sa pambili ng krudo. Sunod-sunod din ang naging transportation strike sa pangunguna ng transport groups tulad ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston).

Sa kabila ng krisis sa paggawa at ekonomiya— kulang na pasahod, kontraktuwal na trabaho at impormalidad— patuloy pa rin sa buhay ang mga manggagawa sa Timog Katagalugan habang ipinaglalaban ang nararapat sa kanila.
