Pagkain mula Gaza, pangkabuhayan sa Pilipino-Palestinong refugee – Pinoy Weekly

April 15, 2024


Itinampok sa isang Halal food bazaar ang Little Gaza Kitchen, komunidad na binubuo ng mga Pilipino-Palestinong refugee matapos matigil ang suporta mula sa gobyerno.

 Nitong Abril 10, kasabay ng pagdiriwang ng Eid’l Fitr o pagtatapos ng Ramadan, muling nabigyan ng pagkakataon ang mga refugee na ibahagi sa mga Pilipino ang mga pagkaing Palestino sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City.

Si Mahadia Dalal, isang Palestinang bahagi ng Little Gaza Kitchen. Stella Mae Marcos/Pinoy Weekly

“In Gaza, it’s Muslim, the culture is infused in the celebration, every country has its own culture, other than you know the religion, religion is the same however culture makes a different flavor for each celebration,” ani Mahadia Dalal, isang Palestinang bahagi ng Little Gaza Kitchen.

Ibinida ng mga Pilipino-Palestino ang samu’t saring pagkain mula Gaza. Ilan dito ang kabsa at biryani, pagkaing naglalaman ng basmati rice at manok na nuot sa pampalasa, at ang roz bil laban, isang popular na panghimagas na gawa sa kanin, gatas, rose water, honey at mani.

Kabsa at biryani na inihanda ng mga Pilipino-Palestinong refugee sa Halal bazaar sa Quezon Memorial Circle noong Abril 10. Stella Mae Marcos/Pinoy Weekly

Sa pagtigil ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development at Department of Foreign Affairs noong Marso, nagdesisyon ang grupo na bumuo ng sariling pangkabuhayan dahil sa kawalan ng suportang pinansyal upang makapagsimula muli.

“Lahat na kami [dito ay] mga Gazawin. Mahirap din kahit paano [dahil] gusto din namin na sarili ba namin ‘yong kita kaya ito,” kuwento ni Annel Abu Tawila, isa sa kababaihang Pilipino-Palestino na nagluluto para sa Little Gaza Kitchen.

Si Annel Abu Tawila, isa sa kababaihang Pilipino-Palestino na nagluluto para sa Little Gaza Kitchen. Stella Mae Marcos/Pinoy Weekly

Noong Nobyembre 2023, na-repatriate ang mga Pilipino-Palestino kasama ang kanilang pamilya matapos maranasan ang noong isang buwang walang habas pag-atake ng Israel sa Gaza mula Okt. 7. Sa kasalukuyan, nanatili ang ilang refugee sa Don Antonio Heights sa Quezon City.

“We all reside in the same compound, we are 16 families, consisting of 69 individuals, we are all there. However, there are also other Palestinians who came in Gaza who are also residing in other places in the Philippines,” ani Dalal na nakaligtas mula sa kaguluhan sa Gaza kasama ang kanyang asawa’t dalawang anak.

Hindi natatapos sa dalawang araw na bazaar ang Little Kitchen Gaza. Patuloy na mag-oorganisa ang komunidad kaagapay ang Moro-Palestinians Cooperation Team at Project Urduha upang iangat ang kabuhayan ng mga refugee.Para suportahan ang kabuhayan ng mga Pilipino-Palestino, maaaring bisitahin ang kanilang Facebook page na A Taste of Gaza upang malaman ang iba pang detalye tungkol sa kanilang munting negosyo.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss