Pagkakaroon ng National Farmers Day, pasado na sa Kamara

Pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kongreso ang National Farmers Day o House Bill 7208 o DECLARING JANUARY 22 OF EVERY YEAR A SPECIAL WORKING HOLIDAY IN THE ENTIRE
COUNTRY TO BE KNOWN AS “NATIONAL FARMER’S DAY”. Inaprubahan na sa plenaryo ng Kongreso noong ika-6 ng Marso ang panukalang batas na unang inihain sa Mababang Kapulungan noon pang 2003.

Makasaysayan ang petsang Enero 22 para sa mga magsasaka dahil naging simbolo ito ng kanilang sama-samang pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa.

Matatandaan na Enero 22, 1987 nang magmartsa mula sa dating Ministry of Agrarian Reform patungong Malakanyang ang may lampas 20,000 magsasaka mula sa Central Luzon at Southern Tagalog upang hilingin kay yumaong pangulong Cory Aquino ang libreng pamamahagi ng lupa. Subalit sa halip na pakinggan ang mga magsasaka, nagpaulan ng bala ang noo’y Philippine Constabulary na naging dahilan ng pagkamatay ng 13 magsasaka sa paanan ng Mendiola. Naging kilala ang pangyayaring iyon bilang Mendiola Massacre.

Mahalaga na magkaroon ng National Farmers Day sa bansa upang maging paalala sa napakahalang papel ng mga magsasaka sa lipunan.

Nakatakdang maghain sa Senado ng counterpart bills para sa January 22 National Farmers Day. ###


Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!