Pagraratsada sa senado ng MIF, kinondena

May 25, 2023


By JD. AMARANTE, L. BELO, L.A. ELEAZAR
Manila Today

Nobyembre 2022 nang ihain ng pitong mambabatas kabilang sina Martin Romualdez at Sando Marcos, kapwa malapit na pamilya ng kasalukuyang administrasyong Marcos Jr., sa kamara ang kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF) na ngayo’y kasalukuyan nang gumugulong sa senado para sa ikalawang pagdinig.

Hindi naman nag-atubili si Marcos Jr. na agad itong sinang-ayunan para itaguyod ang iba’t ibang “economic development” sa bansa.

Kumpara noong nakaraang taon kung saan ibinasura sa unang bersyon ng MIF sa kamara na manggagaling sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), PAG-IBIG ang pondo para rito na aabot sa P75 bilyon, tinaasan naman ang kapital sa halagang 500 bilyon kabilang pa rin sa pagkukunan ng kabuoang pondo ang pensyon ng mamamayan.

“Pera ito ng mamamayang Pilipino, at pera ito ng mga mangagawa, ng mga matatanda,” ani Gabriel Yanson, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) National Capital Region.

Kabilang ang BAYAN NCR sa iba’t ibang progresibong grupo kasama ang hanay ng mga manggagawa at maralitang lunsod na nagtungo sa Senate of the Philippines headquarters sa Pasay City upang tutulan ang pagraratsada ng MIF.

Dagdag ni Yanson, may kasaysayan na ng katiwalian ang pamilya ng administrasyong Marcos Jr.

“Sa halip na pabilisin ang pagpapasa ng MIF mainam na bigyang prayoridad ang pagtugon sa sosyo-ekonomikong krisis sa bansa maging ang patuloy na karahasan ng mga pulis at militar sa mga komunidad,” ani Yanson.

Daing din ni Nanay Priscilla Nuestro, residente sa Quirino St. sa Navotas, ang kalagayan ng kanilang komunidad na may banta ng demolisyon.

“Ngayon, kami ay kakaba-kaba na kailangan naming mag-barikada, magbantay dahil sa harassment na ginagawa sa amin,” pagbabahagi ni Nanay Priscilla.

Hamon naman niya kay Marcos Jr. na bigyang pansin sa kagyat ang isyu ng maralitang Pilipino.

“Hanggang ngayon na siya ay nakaupo na, mag one-year siyang nakaupo. Sana po mapakinggan ni Pangulong Bongbong Marcos ang aming hinaing at tama na. Hindi tama ang MIF, hindi tama ang pagnanakaw, ang pang-aapi at pang-aapak sa karapatan ang ginagawa sa aming mahihirap,” dagdag ni Nanay Priscilla.



Source link

Don't Miss