Uncategorized

Pagtatayo ng sanitary landfill sa Laguna, tinutulan – Pinoy Weekly

Pagtatayo ng sanitary landfill sa Laguna, tinutulan – Pinoy Weekly


Nagkilos-protesta ang Pagkakaisa at Ugnayan ng Mamamayan Tutol sa Landfill (Pumatol) kasama ang mga residente ng Barangay Imok, Calauan, Laguna at kalapit na komunidad nitong Abril 6 sa Laguna Provincial Capitol sa bayan ng Sta. Cruz upang tutulan ang pagpapatayo ng regional landfill sa kanilang lugar.

“Ayaw namin maging basurahan ng rehiyon ang lalawigan ng Laguna,” ayon sa Pumatol.

Nagsagawa rin ng noise barrage ang mga residente ng Barangay Imok at ang grupong Pumatol habang hinihintay ang pagsasapinal ng desisyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Laguna tungkol sa landfill noong Abril 8.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Laguna, dapat manguna ang Sangguniang Panlalawigan at mga miyembrong sina Tuti Caringal, Bong Bejasa at Karla Adajar sa pagtatanggol sa mga karapatan ng kanilang mga kababayan sa Laguna.

Nagkaisa ang Sangguniang Panlalawigan na ipawalang bisa ang permisong ipinagkaloob ng Sangguniang Bayan ng Calauan sa development permit ng landfill.

Sabi ng mga residente, hindi dapat ituloy ang 84 ektaryang South Luzon Waste Management Corporation (SLWMC) dahil sa dulot nitong panganib sa kanilang kabuhayan, kalusugan at kalikasan.

Pinahintulutan ng pamahalaang lokal ng Calauan ang development permit ng SLWMC para sa pagsisimula ng proyekto nitong Marso 11 sa kabila ng oposisyon ng mga residente, magsasaka at mangingisda sa munisipalidad pati na rin ang ilang komunidad sa San Pablo City. 

Hindi nagkomento ang mga opisyal ng SLWMC sa naganap na mobilisasyon.

Nagpahayag din ng suporta ang iba’t ibang grupo tulad ng National Anti-Poverty Commission Youth and Students Sector at Kaya Natin Youth-San Pablo City kontra sa pagpapatayo ng nasabing regional landfill.

“Nananawagan ang Bayan Laguna sa pamahalaan ng probinsya na ipakita nang matatag ang kanilang paninindigan at makipag-isa sa mga tao ng Calauan,” pahayag ng Bayan Laguna.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning