Uncategorized

Pakikibakang Pilipino, Palestino, walang pinag-iba – Pinoy Weekly

Pakikibakang Pilipino, Palestino, walang pinag-iba – Pinoy Weekly


“Mga terorista.”

Pamilyar na pamilyar sa ating mga mata at tainga ang makabasa at makarinig ng ganitong klaseng pangmamaliit sa mga Palestino at ibang indibidwal na nakikibaka para sa dalawang taong walang habas na pambobomba ng Israel sa Palestine. 

Matatandaang isinagawa ng mga hukbong mapagpalay sa Palestine ang Daluyong ng Al-Aqsa noong Okt. 7, 2023 bilang marahas na pagkondena sa lampas 75 na taong pangangamkam ng Israel sa kanilang sariling lupain.

Bago ito, matagal nang ikinulong ng Israel ang mga Palestino sa loob ng Gaza at West Bank sa pamamagitan ng paggawa ng mga de-kuryenteng bakod at matataas na pader upang hindi makaalis ang mga Palestino doon. 

Pero imbis na pakinggan ang hinaing ng mga Palestino mula noong nanawagan sila sa karumal-dumal na pagpatay at pangangamkam ng lupa ng Israel, pangungutya pa ang natanggap nila mula sa mga Zionista at karahasan ang tugon Israel sa mga Palestino.

Sa kasalukuyan, umabot na sa higit 67,000 ang bilang ng mga namatay sa henosidyong ginagawa ng Zionistang Israel ayon sa Gaza Health Ministry, kung saan menor de edad ang karamihan. Halos 170,000 naman ang naitalang mga nasugatan.

Patuloy rin ang food at aid blockade ng Israel sa mga organisasyon na nais magpaabot ng tulong sa mga sibilyang naipit sa pag-atake sa Gaza, kaya malalang gutom at humanitarian crisi ang kinakaharap ng mga Palestinong naroon. 

Naririnig din natin ang bansag na “terorista” sa ating sariling bansa. Idinidikit ito sa salitang “komunista” at ginagamit na sandata ng estado upang i-red-tag at patahimikin ang mga kritiko nito sa bisa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) at paggamit sa mga militar at pulisya upang ikulong o paslangin ang mga ito.

Pilit itinitimo sa isipan ng mamamayang Pilipino na hindi sagot ang armadong pakikibaka upang labanan ang lumalalang kondisyon at sistema sa bansa, na siyang naging hakbang ng mga Palestino kontra naman sa Israel sa pamamagitan ng Daluyong ng Al-Aqsa. 

Puno ng paghihimagsik laban sa dayuhang pananakop ang kasaysayan ng Pilipinas. Dumaan ang bansa sa 333 taong kolonyalismo sa ilalim ng España; sumunod sa Amerika sa bisa ng Kasunduan sa Paris noong 1898; ilang taon sa ilalim ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig; at ngayon nama’y patuloy ang kontrol ng Amerika mula noong “iniligtas” tayo mula sa mga Hapon.

Wala itong pinagkaiba sa sitwasyon ng Palestine na napailalim sa kapangyarihan ng United Kingdom matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig noong 1922. Sinuportahan ng dating British Foreign Secretary Arthur Balfour ang “isang bansang tahanan ng mga Hudyo” at tinulungan ang mga Zionista na maisakatuparan ito.

Zionismo ang tawag sa paniniwala ng ilang maliit, pero mayayamang Hudyo sa Europa na dakila ang kanilang lahi kaysa sa iba, gaya sa kung papaano itinatag ang white supremacy sa Europa at Amerika.

Naisakatuparan ito ni Balfour noong makipag-ugnayan siya kay Lionel Walter Rothschild, isang lider-Zionistang may-ari ng isang malaking bangko sa Europa, at kinilala ito bilang Balfour Declaration na siyang itinuturong ugat ng okupasyon ng Zionistang Israel sa Palestine. 

Hanggang ngayon, bakas ang kontrol ng United States (US) sa Pilipinas sa bisa ng mga neoliberal na polisiya sa ekonomiya gaya ng walang katapusang pagpapautang, panghihimasok ng mga Amerikanong kapitalista , at pakinabang sa militar bunga ng Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement, Enhanced Defense Cooperation Agreement at iba pang kasunduan upang palawigin ang presensiyang militar ang US sa ating bansa.

Sa henosidyong ginagawa ng Israel, partikular sa West Bank at Gaza, tuloy-tuloy ang tulong-pinansiyal at militar na ipinapaabot ng Amerika sa Israel Defense Forces, habang patuloy naman ang pagbili ng mga armas ng rehimeng Marcos Jr. sa Israel at US. 

Ayon kay Sandugo chairperson at lider-Moro na si Amirah Lidasan, ang mga armas na ito ang ginagamit para palayasin ang mga katutubo at Moro sa Mindanao. 

“‘Yong mga howitzer na pinagmamalaki ng 6th Infantry Division [ng Philippine Army] doon sa amin sa Maguindanao, nagpapaputok sila doon. Galing iyon sa mga Israeli weaponry na [ibinibenta], tapos ginagamit [din] nila ‘yon bilang panakot sa mga komunidad doon sa amin sa Bangsamoro”, saad ni Lidasan.

Bagaman may kasalukuyan pag-uusap hinggil sa ceasefire sa pagitan ng Israel at Palestine, hindi pa rin kampante ang mamamayang Palestino dahil ilang beses na ring nagkaroon ng tigil-putukan sa pagitan ng dalawang panig pero may mga pagkakataon pa ring nagsasagawa ng airstrikes ng Israel sa Gaza.

Mababakas sa mga ito na nauunawaan ng Pilipinas ang kasalukuyang kalagayan ng mga Palestino. Kaya naman panawagan ng mga progresibong grupo, itigil ang karahasan laban sa mga mamamayan ng Pilipinas at Palestine, iwaksi ang panghihimasok na imperyalistang US, kondenahin ang Zionismo at si Netanyahu, at tumindig ang pamahalaan ng Pilipinas at kilalanin ang krisis sa Palestine.

Puna ni Lidasan, imbis na tumindig ang Malacañang sa laban sa giyera, puro “pahayag” lang ang ginagawa nito. Aniya, dapat “itigil ang pagbili ng mga armas mula sa parehong Israel at US” at kinakailangan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na direktang mag-usig sa Israel at US na itigil ang ginagawang pambobomba sa Palestine. 

Sa kabila nito, matagumpay na nakasali ang ilang Pilipinong Moro sa Global Sumud Flotilla, isang misyong binubuo ng mga barko at bangkang naglalayong basagin ang blockade ng Israel sa Gaza upang maghatid ng tulong at pakikiisa sa mamamayang Palestino.

Maliban rito, kabi-kabila rin ang mga proyektong isinasagawa ng ilang progresibong grupo sa Pilipinas bilang pakikiisa sa mga Palestino, kagaya ng mga benefit concerts ng mga artista ng bayan at pagtatatag ng Philippines-Palestine Friendship Association.

Bagaman naipagpaliban ulit ang eleksiyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ipinanawagan din ni Lidasan ang suporta mula sa mga tumatakbong partido politikal sa rehiyon na isama sa kanilang adyenda ang pakikiisa sa mamamayang Palestino at makasama sa panawagang itigil ang henosidyo.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning