
Ilang araw bago ang ikalawang State of the Nation Address (Sona) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nagkilos-protesta ang mga magbubukid at mangingisda upang ipakita ang kalagayan ng agrikultura sa bansa.
Sa pagkilos sa harap ng Department of Agriculture sa Quezon City nitong Hulyo 18, ipinahayag ng Amihan, pederasyon ng mga kababaihang magbubukid sa bansa, na kailangan tutukan ng ahensiya ang kaseguruhan sa pagkain na nakabatay sa pagpapalakas ng lokal na produksyon sa halip na umasa sa importasyon.
“Sa bigas pa lang, imbes na tuparin ang pangako niyang P20 [kada] kilo, patuloy na tumataas ito sa mga palengke na hindi abot-kaya ng maralitang mamamayan,” wika ni Amihan secretary general Cathy Estabillo.
Pinuna rin ni Estabillo ang mga patakarang ipinagpapatuloy ng rehimeng Marcos Jr. na lalong naglulugmok sa mga magbubukid tulad ng Rice Liberalization Law na nagdala lamang ng pagkalugi sa mga magsasaka ng palay, patuloy na importasyon ng mga produktong agrikultural at kawalan ng production subsidy para sa pagpapaunlad ng lokal na produksiyon.
Matapos nito, naglunsad ng State of the Peasant Address (Sopa) ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Amihan at Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa University of the Philippines Diliman.

Ipinaliwanag ng mga magbubukid at mangingisda sa Sopa ang panawagan na bigyang prayoridad ang pagsuporta sa sektor ng agrikultura at ipahayag ang pagtutol sa pagpirma ni Marcos Jr. sa Maharlika Investment Fund (MIF) sa parehong araw.
“Hanggang ngayon, 51 years ng PD27 (Presidential Decree 27) [at] isang taon ni Marcos Jr., ito pa din ang panawagan: tunay na reporma sa lupa, lupa ay laya,” ani KMP chairperson Danilo Ramos.
Inihalintulad din ni Ramos ang Coco Levy Fund sa MIF na hindi malayong maging daluyan ng korupsiyon at pandarambong.
Ibinaon ng Coco Levy Fund sa utang sa maraming magsasaka ng niyog at napilitang magsara sa maraming rural bank dahil sa maling pamamahala sa pondong para sana sa pagpapaunlad ng pagniniyog noong panahon ni Marcos Sr.
Dagdag pa dito, iminungkahi ng mga magbubukid ang “apat na dapat” solusyon sa krisis sa bigas sa bansa.
Iginiit nila ang pagpapalawak sa mga palayan at lupang sakahan para sa food production; pagbibigay ng ayuda, subsidy, at post-harvest facilities at irigasyon; pasiglahin ang lokal na produksiyon, hindi importasyon o liberalisasyon sa agrikultura; at pagpapatupad sa Genuine Agrarian Reform Bill at Rice Industry Development Act.
Nakatakdang lumahok ang mga organisasyon ng magbubukid at mangingisda sa malawakang pagkilos ng iba’t ibang sektor sa darating na ikalawang Sona ni Marcos Jr. sa Hulyo 24.
