Pamilya ng OFWs sa Lebanon, nanawagan ng agarang repatriyasyon – Pinoy Weekly


Nagpiket sa harap ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Okt. 10 ang mga kaanak ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Lebanon upang makipagdiyalogo hinggil sa agarang pagpapalikas ng mga Pinoy na naiipit sa pambobomba ng Israel sa nasabing bansa.

Kaisa ang grupong Migrante International, hiniling ng mga kaanak ng OFW sa DFA ang agarang pagpapauwi ng lahat ng OFW mula sa Lebanon dahil sa tumitinding tensiyon sa pagitan ng Israel at Hezbollah sa timog Lebanon.

“Sana mabigyan ng kaliwanagan na mabigyan ng pagkakataon na makauwi sila para sa mga pamilya nila dito sa Pilipinas. Para maibsan ‘yong pag-aalala namin,” ani Yvee Hementiza, kaanak ng OFW na nasa Lebanon.

Nanawagan din sila na pabilisin ang proseso para sa repatriyasyon at magbigay ng tulong sa mga OFW sa pagkuha ng kanilang exit clearance.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nakikipag-ugnayan na ang Pilipinas sa immigration ng Lebanon upang pauwiin ang 192 Pinoy. Inaasahan silang kauwi mula Okt. 11 hanggang Okt. 28.

Nasa 11,000 Pinoy naman pinili umanong manatili sa takot na mawalan ng trabaho. Bukod pa rito, nananatiling Alert 3 pa rin ang sitwasyon sa Lebanon.

Sa Alert Level 3, maaaring i-proseso ng DFA ang repatriyasyon sa boluntaryong batayan, habang obligado naman ang lahat na sumunod sa repatriyasyon kapag naitakda na ito sa Alert Level 4.

“Put your act together, DMW. Naiipit na sila sa sigalot doon. Marapat na kumilos na ang gobyerno ng Pilipinas para pabilisin ang pagpapauwi sa ating mga kababayang nanganganib ang buhay,” ani dating Gabriela Women’s Party Rep. Liza Maza ukol sa palpak na agarang repatriyasyon ng gobyerno ng mga OFW sa Lebanon.

Pinabulaanan din ng Migrante International ang mga pahayag ng DFA at DMW. Ayon sa grupo, maling gawing batayan ng mga ahensiya ang kagustuhan ng iilang mga Pilipino na piniling manatili kahit itaas na sa Alert Level 3 ang nasabing bansa. Kung hindi umano ito aaksiyonan ng DFA, baka abo ng uuwi ang mga Pinoy sa Pilipinas.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!