Pormal na inireklamo ng mga tanggol-magsasaka ang patuloy na pananakot at panliligalig ng mga sundalo ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) sa mga magsasaka sa lalawigan ng Batangas.
Nagsampa ng reklamo ang Alyansa ng mga Magsasaka para sa Kumpensasyon (AMK) at Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform-Batangas (Sugar-Batangas) sa Commission on Human Rights sa Quezon City nitong Set. 4 dahil sa panibagong insidente ng red-tagging at harassment sa mga lider-magsasaka sa probinsiya.
“Ang hakbang na ito ay bilang tugon sa nagpapatuloy na [harassment] at red-tagging ng 59th Infantry Battalion [ng] Philippine Army sa aming mga organisasyong nagsisilbi sa mga magsasaka at mangingisda,” pahayag ng mga grupo ng magsasaka.
Ayon kay Ayrene Marasigan, tagapagsalita ng AMK, pananakot ng militar ang tugon ng pamahalaan sa mga panawagan ng mga magsasaka at mangingisda sa Batangas para sa bayad-pinsala sa pagsalanta ng mga dumaang kalamidad sa kanilang kabuhayan.
“Kinausap ng dalawang nagpakilalang sundalo ang aking asawa, ang isa ay nagpakilalang ‘Ian Marasigan.’ Pinipilit nila ang aking asawa na maging ‘mata’ sa aming samahan,” sabi ni Marasigan.
Pinagbantaan din ng mga sundalo ang buhay at kaligtasan ng mag-asawa kung magpapatuloy sila sa kanilang gawain sa organisasyon ng mga magsasaka.
Pinaratangan din ng mga sundalo na miyembro ng New People’s Army ang mga tanggol-magsasaka na sina Louie Quiroz, Ahla Fortuno at Hailey Pecayo. Bago ito, ni-red-tag din ng militar si Desiree Dimailig ng Sugar-Batangas noong Pebrero.
Sabi ni Quiroz, dagdag pinsala ang pananakot at pagpaparatang ng militar sa kanilang mga magsasaka matapos masalanta ng bagyong Kristine noong nakaraang taon.
“Nasira na nga ang aming kabuhayan, nais pa nilang masira ang aming buhay. Nakakabahala, kung may mangyari sa aming masama, walang ibang sisisihin kundi ang 59th IBPA,” ani Quiroz.
Binatikos din nga mga grupo ng magsasaka ang malubhang korupsiyon sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang lalawigan na nagpalala sa pagbaha na sumira sa kanilang kabuhuhayan.
Nananawagan ang AMK at Sugar-Batangas na ibigay na sa mga magsasaka ang karampatang kompensasyon sa mga nasirang pananim dahil sa kalamidad, imbis na paglaanan ng pondo ang mga kurakot na proyekto.
“[Kompensasyon, hindi korupsiyon!] Ilaan na lang sa sektor ng agrikultura ang pondo para sa mga flood control project ng DPWH, [Confidential and Intelligence Funds] at [badyet ng Armed Forces of the Philippines],” wika ni Marasigan.
