Para po! Mga drayber, naisipahintoang jeepney modernization

September 5, 2024


Ni RENALYN RAMIREZ

Pinagsisisihan ni Antonio ‘Ka Nuya’ Nuya, Jr., isang 72 anyos na driver-operator mula Brgy. Damayang Lagi, Quezon City, na nagpakonsolida siya ng kanyang jeepney. Ngayon, nais sana niyang bawiin ang prangkisa ng kanyang jeep mula sa kooperatibang kanyang sinalihan. Ngunit, hindi niya ito magawa dahil may pinirmahan siyang kasulatang nagsasabing kusang-loob niya na itong isinuko.

Nang bumalik siya sa kooperatiba para sana i-withdraw ang konsolidasyon, sinisingil na siya ng P20,000. Dahil hindi makapaglabas ng ganito kalaking halaga, hanggang ngayon ay hindi niya hawak ang sarili niyang prangkisa.

“Hindi ko na binasa ‘yung pinipirmahan ko, diretso lang. Tapos noong nabasa ko na, ayun nga. Kaya nagsisi ako, gusto kong bawiin,” saad ni Ka Nuya.

Dahil dito, isa si Ka Nuya sa mga lumagda sa mass withdrawal sa consolidation na inihain ng Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at mga PUV operators sa opisina ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) noong Agosto 27.

Limang taon nang driver-operator si Ka Nuya. Nagkaroon siya ng isang unit dahil sa kasunduang boundary-hulog sa dati niyang operator. Naging sariling pag-aari niya ito pagkatapos hulugan nang tatlong taon.

Noong Disyembre 29, 2023, napilitang siyang magpa-consolidate at umanib sa isang kooperatiba.

“Kasi ang sabi noon, sa katapusan ng Disyembre, deadline na at hindi na ako makakabyahe raw. Kaya napilitan akong pumasok sa consolidation,” pahayag niya. “Eh syempre natakot ako. Eh hindi na ako makakabyah, eh saan ako kukuha ng pangkain? Saan ako kukuha ng pang-araw-araw?”

Mayoryang huwad

Kung tutuusin, kabilang si Ka Nuya sa 83 porsyento ng mga drivers at operators na sinasabi ng LTFRB na nagpakonsolida na. Pero kahit siya at kanyang mga kasamahan, hindi naniniwalang totoo ang tinatawag ng pamahalaang “mayorya” sa sektor ng transportasyon.

“Isinama kasi nila ‘yong application, na hindi totally consolidation, kaya umabot ng 83 percent,” pahayag ni Allan Figueroa, isang jeepney driver na kasamahan ni Ka Nuya sa rutang Cubao Remedios – Cubao Taft.

Bogus o isang pandaraya ang tawag ng samahan nina Ka Nuya sa PTMP.

“Bogus talaga ‘yung programa kasi hindi napag-aralan nang husto,” sabi ni Figueroa. “Inuna ang phase out kaysa route rationalization.”

Batay sa Senate Resolution No. 1096 na inihain ng 22 senador noong Hulyo 31, tanging 174 lamang ng 1,574 na lokal na pamahalaan ang may aprubadong ruta.

Sinabi rin ni Figueroa na hindi ang interes ng mga driver at operator ang isinasaalang-alang ng programa.

“Talagang bogus ‘yung PUV modernization program kasi totally hindi naman kagandahan ng drivers at operator ang ipinapakita diyan kundi sariling interes. Gusto nila kaming maging sunud-sunuran…gusto nila kaming tau-tauhan ng mga negosyanteng mayayaman,” dagdag niya.

Unlad o utang?

“Bakit nananatili ang mga jeep? Dahil ayaw pumasok ng ating mga operator sa programa sapagkat mababaon sila sa utang.”

Ito ang paliwanag ni PISTON president Mody Floranda sa isang press conference noong Agosto 12 sa kung bakit may mga driver at operator pa ring ayaw magpa-consolidate.

Sa panayam ng CNN kay Manibela chairperson Mar Balbuena noong Enero, halos isang libong mga driver at operator na ang hindi nakababyahe dahil sa malaking utang. Batay umano ito sa tala ng Development Bank of the Philippines (DBP) at Land Bank of the Philippines.

Sa datos ng Land Bank noong Enero 2023, mayroon na silang naaprubahang P6.9 bilyong pautang sa kanilang SPEED PUV Program. Ang PASADA Program naman ng DBP ay mayroon nang pautang na P8.57 bilyon noong Hunyo 2023.

Pero tila hindi lang mga driver at operator ang mababaon sa utang dahil sa PTMP, kundi kahit ang bansa mismo. Noong Disyembre 2023, nag-anunsyo ang Asian Development Bank (ADB) na magpapa-utang sila ng USD 10 bilyon sa Pilipinas bilang ‘climate finance’ sa pagitan ng 2024 hanggang 2029.

Sa ilalim nito, isa sa mga susuportahan ng ADB ang ‘low-carbon transport’ o sistema ng transportasyong mas mababa ang dulot na polusyon. Isa sa mga paraan sa pagsasagawa nito ang jeepney modernization kung saan kailangang Euro 4-compliant o electric ang makina ng mga jeep para payagang makabyahe.

Ibig sabihin, uutangin ng Pilipinas sa ADB ang programang modernisasyon ng transportasyon.

Nakasaad din sa franchise consolidation guidelines ng PTMP na hindi maaaring mag-apply ng sariling prangkisa ang mga indibidwal na operator. Kaya ayon sa isang policy brief ng University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies (UPCIDS) noong 2023, malaki ang posibilidad na makuha ng mga korporasyon ang kontrol sa sektor ng transportasyon dahil sa sistema ng PTMP.

Habang napapasa-kamay ng mga kooperatiba ang mga prangkisa ng jeep, nawawalan naman ng pag-aari at kontrol sa kanilang kabuhayan ang mga drivers at operators na tulad ni Ka Nuya.



Source link

Don't Miss

Rights groups call for a safer environment for children

By DOMINIC GUTOMANBulatlat.com MANILA – Half a million Filipino children

VERA FILES FACT CHECK: NO Marcos, Duterte order to close UP Diliman

A week before the University of the Philippines (UP) Diliman