Uncategorized

Para sa karapatan sa malayang pagbabalita – Pinoy Weekly

Para sa karapatan sa malayang pagbabalita – Pinoy Weekly


Isa’t kalahating dekada na mula nang magulantang ang buong mundo sa balita ng pinakamalagim na minsanang pamamaslang sa mga mamamahayag sa kasaysayan: ang Ampatuan massacre. Ngayon, sa 200 suspek—mga kaanak ni Andal Ampatuan Jr. at kaalyado nilang mga pulis— nasa 80 pa ring hindi matunton at wala pa sa 50 ang nahatulan, nagsisilbi itong palatandaan sa kapos na hustisya at banta sa kalayaan sa pamamahayag sa Pilipinas.

Nob. 23, 2009 minasaker sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao del Sur (noo’y iisang lalawigan) ang 58 na sibilyan, kabilang dito ang mga motoristang kasabay lang sa kalsada ang convoy ng asawa at mga kapatid ni Esmael Mangudadatu, katunggali sa pagkagobernador ni Ampatuan Jr. para sa halalan 2010 at 32 na mamamahayag na kasama nila. Ipapasa sana ng convoy ang papeles para sa kandidatura ni Mangudadatu na hindi sumama dahil nakatanggap ito ng banta sa buhay. 

May mga checkpoint sa mga kalsadang dinaanan ng convoy ng mga Mangudadatu. Kaya naman may hindi bababa sa 60 na pulis ang dawit sa kaso, kasama na ang noo’y hepe ng 15th Regional Mobile Group na si Police Chief Inspector Sukarno Dicay, na kasama pa nga sa pagpupulong ng mga Ampatuan para planuhin ang masaker, ayon sa salaysay ng isang testigo.

Mula pa lang sa mga detalye na ito, makakabuo na ng sanga-sangang tanong tungkol sa kalayaan sa pamamahayag (at pati sistema ng hustisya) sa Pilipinas: May laban ba ang karaniwang Pilipino sa mga dambuhala ng gobyerno? Sino ang matatakbuhan ng mga biktima kung ang kinauukulan mula sa iba’t ibang sangay ang salarin?

Usad pagong ang kaso, dahil sa kahina-hinalang pagpatay sa ilang witness at sa dami ng lilitisin. Namatay ang itinuturong mastermind na si Andal Ampatuan Sr. noong 2015 bago pa mahatulan. Kaya laking tuwa ng marami nang dumating ang Disyembre 2019 at nahatulan sa wakas sina Ampatuan Jr., kapatid niyang si Zaldy, ilang mga kaalyado sa politika at pati ilang sangkot na opisyal ng Philippine National Police. Para sa napatunayang planong pamamaslang, parusang reclusion perpetua at danyos sa kaanak ng mga biktima.

Taon-taon mula noong 2009 at kahit pa matapos ang 2019, lumilikha ang midya, mga mag-aaral ng peryodismo at mga tanggol-karapatan ng iba’t ibang programa para ipagpatuloy ang panawagan sa hustisya. At halos taon-taon rin mula noon, may bagong mga pangalan ng pinaslang na peryodista sa iba’t ibang dako ng bansa ang isanasama sa pag-alala at panawagan. 

Malungkot mang sabihin, hindi eksklusibo sa panahon ng halalan o sa iisang termino ng sinumang pangulo ang banta sa mga mamamahayag at sa kalayaang magbalita.

Ngayong taon na lang nitong Oktubre, patay sa pamamaril malapit sa kanyang tahanan sa Zamboanga City si Ma. Vilma Rodriguez, radio program anchor ng Barangay Action Center sa 105.9 E-Media Production Network, Inc. Pang-apat na si Rodriguez sa naitalang pinaslang na alagad ng midya sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Mula Hulyo 2022 hanggang Abril 2024, may naitalang 135 na insidente ng pag-atake at pagbabanta sa mga mamamahayag, ayon sa ulat ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) na sinuri at sinulat katuwang ang Philippine Center for Investigative Journalism, Philippine Press Institute, MindaNews at National Union of Journalists of the Philippines. Mas malaki ang numero na ito kumpara sa unang 22 buwan ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasama sa ulat ng CMFR ang mahalagang punto ni CMFR executive director Melinda Quintos de Jesus: sa kabila ng ipinapakitang istilo ni Marcos Jr. na kaiba kay Duterte, hindi pa natutumbasan ng kaukulang kilos at plano ang pangakong pagkilala sa pagbabalita bilang pundasyon ng demokrasya.

Kaya ngayong taon, muling magtitirik ng kandila at nananawagan ang midya, mga tanggol-karapatan at mga dumedepensa sa demokrasya: Itigil ang pag-atake sa mga mamamahayag, singilin ang hustisya para sa lahat ng biktima, at patuloy na ipaglaban ang malaya at mapagpalayang midya.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning