Pararangalan ng Ramon Magsaysay Award si Fr. Flaviano Antonio Villanueva ng Society of the Divine Word para sa kanyang nagpapatuloy na gawain ng pagtulong sa mga mahihirap na mamamayan at pagkanlong sa mga pamilya ng mga biktima ng giyera kontra droga ni Rodrigo Duterte.
Tinawag na “matapang na propeta ng ating panahon” ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines president at Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David si Villanueva sa kanyang pagbati.
“Ang pagkilalang ito’y pagpapatibay sa kanyang propetang ministeryo sa mahihirap, lalo na ang kanyang matapang na gawain sa pagbibigay dignidad sa mga biktima ng extrajudicial killing at kanilang mga pamilya, at sa kanyang walang kapagurang adhikain sa karapatang pantao, katarungan at malasakit,” ani David sa wikang Ingles.
Sa pamamagitan Program Paghilom ng Arnold Janssen Kalinga Foundation, na si Villanueva ang tagapagtatag at pangulo, tinutulungan ang mga naulilang kaanak ng mga pinaslang upang bumangon mula sa dagok ng pagwala ng kanilang mahal sa buhay.
Binibigyan ng nasabing programa ng pagkakataon ang mga naulila na makakuha ng suporta sa espiritwal, pisikal, panlipunan at sikolohikal na paghilom mula sa dinanas na pagkawala. Mayroon ding tulong legal at tulong kabuhayan ang programa.
Bago pa man ang giyera kontra droga, nagbibigay na ng tulong sa mga mahihirap at walang tirahan si Villanueva sa pamamagitan ng Kalinga Program nang maitatag niya ang Arnold Janssen Kalinga Foundation noong 2015.
Noong 2021, ginawarang din ang paring misyonero ng Human Rights Tulip Award ng pamahalaan ng The Netherlands para sa kanyang gawain sa karapatang pantao.
Itinuturing na “Nobel Prize of Asia” ang Ramon Magsaysay Award at isa sa pinakamataas na karangalang iginagawad sa mga Asyano para sa kanilang paglilingkod sa mga mamamayan.
