Uncategorized

Patnubay sa Botante: 4 – Kodao Productions

Patnubay sa Botante: 4 – Kodao Productions


Malinis ang rekord ng Bayan Muna at ni isang singkong duling ay walang nawala sa lahat ng proyekto nito. Walang “rewards” para sa mga informers, walang Mary Grace Piattos.

Ni Diego Morra

Tunay na desesperado na ang mga kalaban ng demokrasya dahil ginagamit na nila ang kanilang mga galamay sa Facebook upang maghasik ng lagim, gaya ng post nila na “disqualified” na raw ang Bayan Muna sa eleksyon bilang partylist. Ito ay pagpapatuloy lamang ng operasyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ng militar na mabura ang Bayan Muna sa halalan ng Mayo 12, 2025.

Nakakalat ang pirma ng NTF-ELCAC sa post na ito, gaya ng lumitaw na mga galamay nito ang naghain ng kaso sa Comelec noong Oktubre 21, 2019 upang mawala ang Bayan Muna bilang partylist. Bukod sa kasong ito na ibinasura ng Comelec noong 2020, tanging mga elemento lamang ng pamahalaan ang mapaghihinalaan sa libu-libong kaso ng “red-tagging” at iba pang uri ng “harassment” laban sa Bayan Muna at sa sukdulan ay ang pagdukot at pagpatay sa 200 mga lider at kasapi nito, kabilang na ang mga lokal na opisyal, sa Mindoro, Cordillera, Eastern, Western at Central Visayas simula pa noong 2019.

Tinuligsa ng Comelec ang palsipikadong ulat sa Facebook na hindi man lamang tinanggal ng kompanya kahit na maliwanag na walang kasong “disqualification” laban sa Bayan Muna. Matatandaan na nagbanta si National Security Adviser Eduardo Año na babakbakan nila ang Bayan Muna, Makabayan Coalition at iba progresibong partylist na matagal na niyang nais na mawala sa larangang parlamentaryo at maging sa lansangan. Si Año ay naging “understudy” ng nakakulong na dating Maj. Gen. Jovito Palparan. Si Palparan ay convicted sa kasong pagdukot kina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno noong Hunyo 26, 2006 sa Hagonoy, Bulacan. Nadawit din si Año sa pagdukot kay Jonas Burgos noong Abril 28, 2007. Ang banta ni Año ay lilipulin niya ang mga kasapi ng Bayan Muna at iba pang partylist dahil sila ang kumakatawan sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) na aniya ay nauubos na.

Pareho ang estilo ng banat sa Facebook at ang mga deklarasyon ni Año sa kanyang artikulo na tahasang nagsabi na gagamitin ang ligal at iba pang paraan upang kasuhan, hulihin at litisin ang mga kasapi ng Bayan Muna at Makabayan Coalition. Hindi maaaring magkubli si Año sa kanyang hayagang paninira sa Bayan Muna at mga grupong progresibo, gaya ng mga intriga na ikinakalat ni Jonathan Malaya na dating tauhan nila Duterte na ngayo’y nagsisilbi sa administrasyon ni Marcos Jr. Ang tanging halaga ni Malaya ngayon ay ang kanyang pagbanat sa Tsina dahil sa pagnanasa nitong mangamkan ng teritoryo ng Pilipinas.      

Bukod na palpak na tsismis sa Facebook at iba pang kabuktutan sa social media, pilit na ginagawa nila Año na ulitin ang kanilang operasyon na manuhol upang magkalat ng “black propaganda” ang mga lisyang vloggers, gaya ng ginawa nila noong 2022 sa pakikipagkutsabahan sa pangkating Duterte. Maliban sa pagsasabing maghahain sila ng libu-libong kaso laban sa Bayan Muna batay sa kanilang ebidensyang mula sa mga pantasya ni Aesop at Lola Basyang, nagagamit nila ang mga operasyong ito upang talbusin ang sobra-sobrang budget ng NTF-ELCAC at ng kanilang di-umanong Barangay Development Project (BDP.)       

NTF-ELCAC vice chairperson Eduardo Ano (Larawan mula sa Facebook page ng NTFELCAC)

Hilong-talilong na itong sila Año sapagkat tumambad na sa mga botante na ang mga kandidato para sa Senado ng pangkating Marcos Jr. at Duterte ay dalawang mukha lamang ng isang kusing. Ang mga ito ay hindi babaguhin ang mga batas upang itaas ang minimum wage, ayusin ang pondo ng Philhealth upang arugain ang mga hikahos at maysakit, ang mga gutom dahil sa kawalan ng trabaho at ang mga taong biktima ng pangangamkam ng lupa, pangungurakot ng mga nasa pamahalaan at yaong mga political dynasty. Simula pa noong 2016, ang administrasyong Duterte ay pinalobo ang utang ng bansa dahil sa pangungurakot sa pondo laban sa pandemyang Covid 19. Ngayon, ipinagpapatuloy ni Marcos Jr. ang pangungutang at pagpapataw ng sanlaksang buwis sa buto’t balat na si Juan de la Cruz.

Upang harangan ang imbing pakay ni Año, ng NTF-ELCAC at ang militarista sa hanay ng pamahalaang Marcos Jr., nararapat lamang na ihalal ang mga kandidato sa Senado ng Makabayan Coalition na sina: Jerome Adonis; Jocelyn Andamo; Ronnel Arambulo; Arlene Brosas; Teddy Casino; France Castro; Mimi Doringo; Mody Floranda; Aminah Lidasan; Liza Maza, at; Danilo Ramos. Sa partylist, ang pambato ng sambayanan ay Bayan Muna. Mula pa noong 1999 ay naging matapat na tagapagtanggol ng sambayanan ang Bayan Muna at kahit anong panggigipit ang gawin ng estado, hindi nababawasan ang tapang ng partylist na itaguyod ang interes ng mga inaapi.

Nakita na ng mga mamamayan ang walang-habas na pangungurakot ng pangkating Duterte at Marcos Jr. Tukoy-na-tukoy ito sa mga nawalang daan-daang milyon sa Office of the Vice President (OVP) na hawak ni Sara Zimmerman Duterte Carpio at sa Department of Education (DepEd). Gayun din, lumitaw ang maniobra sa paghugis ng pambansang budget sa taong ito at ang paglalagak ng sangkatutak na proyekto na popondohan ng unprogrammed appropriations (UAs) mula sa panibagong utang. Sa ilalim nila Marcos Jr. at Duterte Jr. ay tiyak na malulunod ang bayan. Mabuti na lamang na naririyan ang Makabayan Coalition upang abatan ang kurakutan. Malinis rin ang rekord ng Bayan Muna at ni isang singkong duling ay walang nawala sa lahat ng proyekto nito. Walang “rewards” para sa mga informers, walang Mary Grace Piattos. #



Source link

Kodao
Kodao

Kodao Productions is an award-winning multi-media production outfit. It produces videos on burning social issues in the Philippines, such as environmental destruction, human rights, and other civil liberties. Aside from videos, Kodao also produces radio programs for national radio networks and community radio stations throughout the country. Both its video and radio productions have been awarded and cited by private and government institutions.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning