Patuloy ang pakikibakang Palestino laban sa henosidyo


Ni NEIL AMBION
Pinoy Weekly

Umabot na sa 41,909 Palestino ang naitalang pinatay sa 365 araw nang giyerang henosidyo ng Israel sa Gaza. Ayon sa Gaza Health Ministry, 69% ng mga biktima’y mga bata (16,756) at kababaihan (11,346). Lampas 17,000 bata na ang naulila sa isa o parehong magulang.

Pinangangambahang nasawi na rin ang higit 10,000 pang nawawala at nakabaon sa mga pinulbos na gusali at tahanan. 

Nasa 97,303 na ang sugatan. Ayon sa World Health Organization, higit 22,500 sa mga ito ay mga pinsalang may pangmatagalang epekto sa pamumuhay (life-altering injuries) at hindi pa malapatan ng lunas dahil sa kawalan ng akses sa serbisyong medikal.

Winasak at hindi na mapakinabangan ang 114 na ospital sa Gaza. Mahigit 162 institusyong medikal at 131 ambulansiya na rin ang binomba ng Israel. Kabilang sa naitalang pinatay ang 986 na mga doktor, nars, manggagawang pangkalusugan, at iba pang medical at emergency personnel at volunteers.  

Tinatayang 1.7 milyon sa 2.3 milyong Palestino na rin sa Gaza ang tinamaan na ng mga nakahahawang sakit dahil sa kawalan ng serbisyong medikal, malinis na tubig at sewage system.

Nakararanas ngayon ng kakulangan sa pagkain ang 2.15 milyon o 96% ng populasyon ng Gaza. Higit 495,000 naman ang nahaharap na sa malalang kagutuman, ayon sa Integrated Food Security Phase Classification.

Ilang buwan na ring walang mapagkunan ng malinis na tubig ang 95% ng populasyon dahil winasak ng Israel ang mahigit 700 na igibang balon.

Sa kabuuan, umabot na sa 75,000 toneladang bomba ang pinaulan ng Israel sa Gaza mula Oktubre 7, 2023. Tinatayang nasa $33 bilyon ang halaga ng dulot nitong pagkawasak. Ayon sa United Nations (UN), aabutin ng 15 taon bago matanggal ang higit 40 milyon metriko toneladang guho.

Pinulbos ng mga airstrike at pagsalakay ng Israel Defense Forces (IDF) ang 150,000 kabahayan. Higit 1.9 milyong Palestino ngayon ang sapilitang lumikas, kabilang ang mga dati nang ilang ulit na nagbakwit dahil sa 75 taon nang proyektong pagpuksa ng Zionistang Israel sa lahing Palestino.

Winasak rin ang 123 eskuwelahan at unibersidad (87% ng kabuuang institusyong pang-edukasyon), habang 335 naman ang nagtamo ng pinsala. Tinatayang nasa 11,500 estudyante at 750 guro ang kabilang sa mga pinatay.

Umabot naman sa 175 mamamahayag ang naitalang pinatay ayon sa Gaza Media Office.

Noong Enero 2024, sinabi ng International Court of Justice na posibleng maituring na henosidyo o pagpuksa ng isang buong lahi ang ginagawang pagsalakay at pambobomba ng Israel sa Gaza. Inutusan rin ng korte ang Israel na itigil ang mga gawain nitong maituturing na henosidyo laban sa mga Palestino.

“Ang mga aksiyon ng Israel matapos ang pagsalakay noong [Okt. 7, 2023] ay walang dudang henosidyo, isang sinadya at sistematikong pagpuksa sa lahing Palestino,” sabi ni Pastor Alan Sarte, secretary general ng Philippine-Palestine Friendship Association (PPFA).

Bakwit

Mag-iisang taon na rin mula nang sapilitang lumikas sa Pilipinas mula sa Gaza ang Filipino-Palestinian na gurong si Mahadia Abu Dalal. Naghahanda nang pumasok sa eskuwelanang magsimula ang pagsalakay ng Israel noong Okt. 7, 2023.

“Papasok na ng eskuwelahan ang mga bata nang nangyari [ang pambobomba]. Apat sa mga estudyante ko ang namatay. Mula noong araw na iyon, naging madiliim ang buong sanlibutan. Puro dugo at kamatayan,” aniya.

Sa isang webinar ng PPFA at International League of Peoples Struggles (ILPS) nitong Okt. 1, ikinuwento niya kung paano sila nakaalis ng Gaza.

“Makalipas ang limang araw, tinawagan kami ng Philippine Embassy at sinabing kailangan na naming lumikas agad dahil baka kami na ang mapatay,” aniya.

Sa pagsalakay kasi ng Israel, wala aniyang kinikilala kung dayuhan, Palestino o kahit UN worker pa.

“Tinitira nila kahit sinong gusto nilang tirahin. Kahit anong gumalaw sa kalsada, bobombahin o babarilin ng sniper,” sabi niya.

Lumikas siya kasama ang dalawang anak papuntang Rafah sa timog Gaza, ang tanging lagusan para makatawid ng Egypt at makalipad papuntang Pilipinas. Nagpaiwan ang asawa niya para asikasuhin ang iba pang kaanak.

Sinabi sa kanila ng embahada na maghintay lang sa border. Noong araw na iyon, sinalakay ng mga tangke ng Israel ang Rafah border.

“Maraming namatay noong araw na iyon,” aniya.

Mabagal aniya ang aksiyon ng Philippine Embassy. Nobyembre na nang muli silang ugnayan.

“Ubos na ang pag-asa sa sitwasyon namin. Nauubos na ang pagkain, walang tubig kahit saan,” ani Dalal.

Nang makalikas sa Pilipinas, wala na siyang ugnay sa asawa at iba pang kaanak sa Gaza. Hanggang sa makita niya sa balita ang kanyang bahay.

“Nakita ko ang bahay namin. May before and after na [retrato]. Ipinakitang binomba ang bahay, pinulbos at gumuho sa lupa. Nakita ko ang asawa ko sa report ng Al Jazeera, sugatan at puno ng dugo ang mukha,” aniya.

Sabi ng nakausap niyang kaibigang mamamahayag sa Gaza, marami sa mga kaanak niya ang napatay sa naturang pambobomba.

“Nakakagulat talaga itong nangyari sa akin. Sa mga pelikula lang ito nangyayari,” ani Dalal.

Daluyong ng Al-Aqsa

Pinaulanan ng bomba ng Israel ang Gaza noong Okt/ 7, 2023 bilang tugon sa matagumpay na pagsalakay ng Al-Qassam Brigades, armadong sangay ng Palestinian Islamic Resistance Movement (Hamas), sa mga kampo ng IDF sa hangganan ng mga okupadong teritoryo ng Israel.

Lumahok sa naturang pagsalakay, na tinaguriang Al-Aqsa Flood o Daluyong ng Al-Aqsa, ang iba pang kilusang mapagpalaya sa Palestine. Binuo nila ang Palestinian Resistance na sumagupa sa mga pagsalakay ng IDF sa nakalipas na taon.

“Ang Al-Aqsa Flood ay isang operasyong militar na inilunsad ng Al-Qassam Brigades, na binubuo ng higit 1,200 na batikang mandirigma. Layon nitong salakayin ang Gaza Division [ng IDF] na nakaistasyon sa palibot ng Gaza at nagpapatupad ng malupit na pagsalakay mula pa 2007,” sabi ni Hamas senior leader Mousa Abu Marzouk sa panayam ng pahayagang Mondoweiss.

Layon aniya ng Al-Aqsa Flood na wakasan ang 75 taong okupasyon ng Israel sa Palestine at maitatag ang nagsasariling estado ng mga Palestino, kasama ang Jerusalem bilang kabisera.

Para kay Dalal, hindi lang sa pagsalakay ng Israel noong Okt. 7 nagsimula ang pagpuksa sa mga Palestino. Nangyayari na aniya ito mula pa 1948.

“Ang Okt. 7 ay natural na reaksiyon ng mamamayang Palestino sa lahat ng agresyon at karahasan na ginagawa laban sa mga Palestino mula pa noon,” aniya.

Itinatag ang Estado ng Israel sa lupain ng Palestine noong 1948 kasunod ng pagmasaker ng mahigit 15,000 at sapilitang pagpapalayas sa mga Palestino sa tinawag na “Nakba” o “delubyo” sa wikang Arabo mula 1947. Mula noon, maraming beses nang madugong sinalakay at malawakang inokupahan ng Israel ang mga teritoryo ng Palestine sa ilalim ng Zionistang proyekto ng pagpuksa sa lahing Palestino.

“Ang pagsalakay ng Al-Aqsa Flood ay hindi nagmula sa wala. Bunga ito ng 76 taong pangangamkam ng lupa, etnikong pagpuksa, pagpapalayas at araw-araw na paglabag sa karapatang pantao ng Zionistang Israel laban sa mga Palestino,” ani Sarte.

Kinikilala ng internasyonal na batas ang karapatan ng mga Palestino na maglunsad ng armadong pakikibaka laban sa militaristang okupasyon kanilang teritoryo. Samantala, nauna nang ipinagbawal ng UN ang pagpapalawak ng okupasyon ng Israel sa mga teritoryo ng Palestine.

Ayon kay Marzouk, matagumpay na napigilan ng Al-Aqsa Flood ang proyekto ng Israel na palawakin ang dominasyon nito sa buong gitnang silangan.

“Niyanig ng [operasyong Al-Aqsa Flood] ang Zionistang estado ang binago ang mukha ng rehiyon,” sabi ng tagapagsalita ng Al Qassam Brigades na si Abu Obedia sa kanyang talumpati sa anibersaryo ng Al-Aqsa Flood.

“Pinagod natin ang talunang hukbo ng kaaway sa Gaza sa nakalipas na taon matapos ang kahiya-hiya nilang pagkatalo noong Okt. 7, at inalisan natin ito ng malaking porsiyento ng kakayahan sa lupa at napatay natin ang daan-daan sa ipinagmamalaki nitong mga ‘elite’ na puwersa,” aniya.

Napatunayan din aniya ng kanilang harapang pakikipaglaban ang kapalpakan ng mga tangke, eroplano at intelligence ng Israel.

Sa ngayon, patuloy ang paglaban ng Palestinian Resistance sa mga mananalakay na IDF sa Gaza at mga okupadong teritoryo ng Palestine sa West Bank.

Nagpapatuloy

Sa kabila ng panawagan ng buong mundo para sa tigil-putukan sa Gaza, pinalawak pa ng Israel ang giyerang henosidyo laban sa mga Palestino at mga tagasuporta nito na itinuturing nitong hadlang sa paglawak ng Zionistang proyekto sa rehiyon.

Sinimulan na ng Israel ang pagsalakay at pananakop sa Lebanon. Babala pa ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, sasapitin ng Lebanon ang pagkawasak “gaya ng Gaza.”

Kailangan aniyang puksain ang Hezbollah, pinakamalaking rebolusyonaryong pampolitikang partido sa Lebanon na tagasuporta ng Palestine, para makabalik ang mga mamamayang Israeli sa kanilang mga okupadong bayan sa hilagang Israel.

Kalahok ang Hezbollah sa Al-Aqsa Flood mula pa Oktubre 2023. Sinasalakay nito ang mga pasilidad militar ng IDF sa hilagang Israel bilang suporta sa Palestinian Resistance sa Gaza.

Mula Setyembre, walang puknat ang mga airstrike ng Israel sa Lebanon. Mahigit 2,000 na ang naitalang patay, kabilang ang 127 na bata at 261 na kababaihan. Libo-libo na ang nawalan ng tahanan at sapilitang nagbakwit.

Napatay sa airstrike ng Israel sa Beirut, kabisera ng Lebanon, si Hassan Nasrallah, lider ng Hezbollah at prominenteng pinuno sa Gitnang Silangan. Ayon sa Hezbollah, pinatay si Nasrallah ilang araw matapos itong manguna sa pagbuo ng kasunduan ng tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hamas.

Kasabay ng pagsalakay sa Lebanon ang pagkalat ng mga patalastas ng mga ibinebentang bahay-bakasyunan para sa mga Israeli sa mga binobombang siyudad sa Lebanon.

Sinalakay at binobomba na rin ng Israel ang Yemen at Syria.

Ayon sa Communist Party of the Philippines (CPP), pinalalawak ng Israel ang giyera sa Gitnang Silangan nang may buong suporta ng United States (US).

“Taglay ang patagong suporta ng US, pinatindi pa ng Israel ang digmaan sa Middle East sa pamamagitan ng pag-atake sa Lebanon, Yemen, Syria at Iran, na ang mamamayan at mandirigmang lumalaban ay sumusuporta sa mamamayang Palestino laban sa henosidyo ng Israel,” pahayag ng CPP.

Dagdag nito, bahagi ng estratehikong layunin ng US ang pagpapanatili sa kapangyarihan ng Israel sa buong rehiyon para protektahan ang interes nito sa industriya ng langis at iba pang negosyo.

“Bilang proxy ng US, layunin ng estadong Zionista ng Israel na udyukin ang mas malawak na digmaan sa Middle East, na tumatarget sa mga bansang matatag na nagtatanggol sa kanilang soberanya, lalo na ang Iran, na hayagang idineklara ng US na kaaway nito,” anang CPP.

Sa kanyang talumpati sa anibersaryo ng Al-Aqsa Flood, sinabi ni Al Qassam Brigades spokesperson Abu Obedia na ang nakalipas na taon ay taon ng “kabayanihan at pagsasakripisyo.”

“Sa kabila ng brutalidad ng kaaway at ng mga puwersa ng pang-aapi at krimen sa likod nito, sa pangunguna ng gobyerno ng Amerika at iba pang Kanluraning gobyerno, pinagpupugayan namin ang ating magiting na mamamayan. Hindi masasayang ang inyong mga sakripisyo,” ani Obedia.

Nagpahayag din at nangako ang iba pang mga rebolusyonaryong organisasyon na bahagi ng Palestinian Resistance na ipagpapatuloy ang pakikibaka hanggang sa ganap na pagpapalaya ng Palestine, mula Ilog Jordan hanggang Dagat Mediterranean.

Patuloy naman ang pagsuporta ng mamamayang Palestino sa nagpapatuloy na Al-Aqsa Flood. Umaasa silang sa pagtatagumpay ng kanilang pakikibaka, mawakasan na ang Zionistang henosidyo at makabalik sa kanilang bayan at tahanan makalipas ang 365 araw at 75 taon.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!