Peligrosong buhay ng binansagang ‘terorista’ – Pinoy Weekly

May 2, 2024


Hindi raw makapagsalita noong una si Jennifer Awingan-Taggaoa nang kinita niya ang kanyang asawa sa Baguio City noong Hulyo 2023. Enero ng parehong taon, inaresto si Taggaoa dahil isa raw siya sa mga utak ng isang raid ng New People’s Army (NPA) sa Abra. Ngunit na-dismiss din ang kaso sa buwan ng Mayo dahil kulang ang ebidensiya.

Ang problema, makalipas ang dalawang buwan, na-designate sina Taggaoa, Steve Tauli, Sarah Abellon-Alikes at Windel Bolinget, mga lider ng Cordillera People’s Alliance (CPA), bilang terorista noong Hulyo 10, 2023.

Ginawa ito ng Anti-Terrorism Council (ATC) sa bisa ng kontrobersiyal na Anti-Terrorism Law (ATL) na ipinasa ni Duterte noong Hulyo 2020.

Bira ng mga kritiko, ang ATL ay para bang ikalawa at ‘di deklaradong Martial Law sa bansa. Pinamumunuan ang ATC ng Executive Secretary kasama ng mga kinatawan ng mga ahensiya ng gobyerno. 

Si Jennifer Awingan-Taggaoa, isa sa apat na lider ng Cordillera Peoples Alliance na binansagang “terorista” ng Anti-Terrorism Council. John Halpern

Higit pa sa karaniwang red-tagging ang bansag na terorista paliwanag ni Baguio City Councilor Jose Molintas, na nagsisilbing abogado rin ng apat.

“Mas masahol ito. Kasi sa ibang kaso, may korte naman at due process. Dito wala, kung sabihan kang terorista, bahala ka na. Walang malinaw na paraan para linisin ang pangalan mo,” ani Molintas.

Dulot ng designation, ang apat na katutubong aktibista’y hindi na madalas umuwi sa kanilang bahay, nililimita ang pagpapakita sa publiko, may limitadong komunikasyon sa mga pamilya at nawalan ng akses sa kanilang mga bank account. Lahat ito’y dahil sa panganib sa kanilang mga buhay, walang ligtas na oras sa buhay ang mga binasagang kaaway ng estado.

Nagpasya si Taggaoa kasama ang kanyang mister na huwag munang umuwi sa araw na lumabas ang desisyon ng ATC. Panay bilin na lamang sa kanyang mga anak at kapatid na maging mapagbantay, habang palipat-lipat siya ng tirahan, punong-puno ng pag-aalala. 

“Masahol pa sa kriminal ang turing sa amin,” hirit ni Bolinget, kasalukuyang tagapangulo ng CPA. Kuwento niya, mismong ang kanyang mga kamag-anak ay natatakot na makipag-usap sa kanya dahil ang pakikipagtulungan sa isang “terorista” ay isa ring krimen sa ilalim ng ATL.

Noong Agosto 2023, naghain ng apela si Molintas sa ATC para sa apat na ibinasura nang walang pagdinig.

Pagdating ng Nobyembre, dinala na nila ang kanilang kaso sa Baguio Regional Trial Court (RTC) kung saan kasalukuyang nakasalang ang kanilang hinaing.

Bira pa ni Molintas, “Ang ATC, umaasa lang naman sa intelligence reports ng mga sundalo. At wala naman silang paraan para i-verify ito. Basta na lang pipirmahan ang utos para mag-designate ng terorista. Ang mahirap dito, itinuturing na guilty agad nang walang due process ang biktima samantalang sinasabi ng batas na lahat ay inosente muna hangga’t walang pinal na hatol.”

Tanda ng peligrosong kalagayan ng apat na lider ang presensiya ng mga armadong sundalo sa loob mismo ng Baguio RTC tuwing sila’y may hearing. Sa lahat ng pagdinig nitong Disyembre, Enero at Marso, palaging may nahuhuling isang nakabihis sibilyan na sundalo na may dalang baril.

“Kahit nagtatago ka, nariyan ang possibility na bibirahin ka. Open target ka e. Kahit sabihin ng gobyerno na i-freeze lang ang accounts, e bakit sa bawat hearing may armadong nag-aabang? Sa loob na iyon ng estado a. How much more sa labas?” ani Bolinget.

May dati nang banta sa buhay ng mga lider. Noong 2019, bahagi si Bolinget at Molintas ng mga nilista bilang terorista ng Department of Justice kasama ang halos 600 pang ibang indibidwal. 

Noong August 2022, dinakip ng mga suspetsang elemento Armed Forces of the Philippines si Tauli at natagpuan din matapos ang isang araw. Kapwa si Bolinget at Taggaoa ay kinasuhan ng rebelyon dahil sa nabanggit na raid sa Abra. Kinasuhan din ng murder si Bolinget noong 2021 at naglabas pa ng “shoot to kill” order ang pulisya sa kanya.

Ang lahat ng mga kasong ito’y na-dismiss dahil wala silang katiting na ebidensiya liban sa haka-haka at baluktot na testimonya ng mga police asset. 

Maging ang kanilang mga kamag-anak, tadtad ng banta sa buhay sa social media. Ang isa pang pamangkin ni Taggaoa, dinaan pa sa interogasyon ng apat na lalaking nais daw kunin ang flash drive at iba pang gamit ng kanyang tiyahin.

Ayon kay Taggaoa, may “pattern” ang pakikitungo ng mga sundalo sa kanila. “Dadaanin ka sa harassment at iba pang panggigipit. O kaya kakausapin ka na mag-cooperate sa kanila o surrender. At kapag hindi ka pa rin nila nakuha sa ganoon, lalabas na ang terrorist designation,” aniya.

Kasama si Bolinget sa mga nauna sa 37 na petisyon sa Korte Suprema laban sa ATL, at ayon sa kanya, ngayon nagkakatotoo sa kanya mismo ang kanilang mga dati nang pangamba.

“At ako nga ang nasampolan,” aniya.

Kung sa Covid-19 raw may tinawag na “new normal” ang gobyerno, ang mga binansagang terorista ay dumaranas rin daw ng sarili nilang bersiyon nito. 

“Kailangan maamoy ang panganib. Kapag narinig ang tahol ng aso, dapat magmasid. Dapat may hotline sa pamilya, abogado at iba pa,” sabi ni Bolinget

Naghain ng petisyon para sa writ of amparo sa Korte Suprema ang mga lider ng Cordillera Peoples Alliance noong Hun. 19, 2023 para humingi ng proteksiyon laban sa mga banta sa kanilang buhay, kalayaan at kaligtasan. Cordillera Peoples Alliance/Facebook

Ultimo ang magpatingin sa doktor, hirap. Kailangan daw magpa-appointment sa mga ‘di karaniwang oras at lugar. At ayon sa mga tumitingin sa kanila, madalas, may kinalaman sa stress ang kanilang mga karamdaman.

Sa halos siyam na buwan daw ng ganitong buhay, may naipong epekto na ito sa mental at pisikal na kalusugan nila. Ani Bolinget, “Sa gabi, ‘di ka makatulog, lagi kang nag-iisip. Gising ang kalahati ng utak mo dahil kailangan alerto.”

Gayunpaman, umaasa silang maibabasura ang designation at mapapatunayang wala silang sala. Ang kasong inihain sa Baguio RTC ang unang direktang paghamon sa ATL. Kumpiyansa naman si Molintas na maipapanalo nila ang laban.

Paliwanag niya, malaki ang interes ng gobyerno, mining company, construction company at iba pang ahensiyang magtatayo ng mga proyekto kagaya ng dam na siyang magpapalayas sa maraming komunidad ng Igorot. Kung kaya’t hindi nakakapagtaka na ang mga nagtatanggol sa mamamayan ang kanilang binibira at binabansagang terrorista. 

Ayon kay Bolinget, “Tinik kami sa lalamunan nila. Ito ang tunay na dahilan kung bakit gusto kaming patahimikin.”



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

PRWC » Buwan ng Kababaihan, sinalubong ng mga protesta

Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya Magkakasabay na

Videos DECEPTIVELY use doctors’ vlogs to promote magnetic underwear

Four Facebook (FB) videos advertising magnetic underwear that allegedly enlarge