Diaspora Stories

Peryodista, student leader, kabilang sa 19 pinatay ng Army sa Negros – Pinoy Weekly

Peryodista, student leader, kabilang sa 19 pinatay ng Army sa Negros – Pinoy Weekly


Isang mamamahayag at isang lider-estudyante ng University of the Philippines (UP) ang pinatay sa operasyon ng Philippine Army (PA) sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental nitong Abril 19.

Nitong Miyerkules, kinumpirmang kasama sa mga napatay sa tinawag ng militar na “engkuwentro” sina RJ Ledesma, editor ng Paghimutad Negros at regional coordinator ng Altermidya Network, at si Alyssa Alano, Education and Research Councilor ng University Student Council ng UP Diliman.

Ayon kay PA spokesperson Col. Louie Dema-ala, naka-”engkuwentro” ng tropa ng Army ang mga nakakampong kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Sinugmawan bandang alas-kuwatro ng madaling araw.

Sabi naman ni Brig. Gen. Ted Dumosmog, kumander ng 303rd Infantry Brigade, tinugis ng mga sundalo ang mga kasapi ng NPA hanggang sa Sitio Plariding. Doon na aniya nakuha ang 19 bangkay. 

Sa panayam sa mga mamamahayag pagkatapos ng higit 12 oras na operasyon, pinabulaanan ni Dumosmog na may mga napatay silang sibilyan.

Larawan mula sa Altermidya Network

Sa ulat ng Human Rights Advocates Negros (HRAN), nasa Sitio Plariding si Ledesma nang patayin ng Army. Nag-uulat siya noon sa epekto ng mga windmill at solar power farm project sa mga mamamayan ng Negros.

Ayon sa Altermidya Network, kabilang sa mga huling inilathala ni Ledesma ang pagpapalayas sa mga komunidad para sa renewable energy projects. Nag-ulat rin siya tungkol sa reklamasyon sa Bacolod City, plantasyon ng oil palm sa Candoni City at sa kalagayan ng mga sakada ng Negros.

Matagal na rin anilang nire-red-tag at sinisiraan ng militar ang alternatibong media outfit na Paghimutad Negros na pinamumunuan ni Ledesma mula 2020.

Nagtapos ng Psychology sa University of St. La Salle sa Bacolod City, si Ledesma ay isa ring makata. Naging fellow siya ng Amelia Lapeña-Bonifacio Writers Workshop ng UP Institute of Creative Writing at Silliman University National Writers Workshop.

“Iginagawad namin ang pinakamataas na parangal sa kasamahan naming si RJ, na hanggang sa kanyang huling hininga ay nagsilbi sa mga marhinadong komunidad sa pamamagitan ng paglubog at pag-uulat ng kanilang mga kuwento. Kasama ng kanyang pamilya at mga katrabaho, nananawagan kami ng katarungan para kay RJ Ledesma,” pahayag ng Altermidya Network.

Larawan mula sa Alyssa Alano/Facebook

Sa isang pahayag, sinabi naman ng UP Diliman Student Council (USC) na napatay si Alano nang “nagpaulan ng bala” ang mga sundalo sa sibilyang kabahayan noong Abril 19.

Higit 168 pamilya o 653 residente ang sapilitang napalikas dahil sa walang habas na pamamaril ng militar.

Nakikipamuhay at nakikipag-aralan anila ang lider-estudyante sa mga magsasaka ng Barangay Salamanca para alamin ang kanilang kalagayan sa harap ng “pangangamkam sa lupa, pagsasamantala at militarisasyon.”

Ayon sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), matagal nang nakikibaka laban sa pangangamkam ng lupa ang mamamayan ng Negros, na tinaguriang “hacienda capital” at sugar bowl ng bansa.

“Hindi aksidenteng talamak ang dahas ng militarisasyon kung saan talamak din ang monopolyo sa lupa. Imbis na gumawa ng polisiya para ipamahagi ang lupa, polisiya para supilin ang mga naggigiit ng karapatan sa lupa ang inaatupag ng gobyerno,” sabi ni UMA national chairperson Ariel Casilao.

Inilarawan ng USC si Alano, na nahalal na councilor may pangalawang pinakamataas na boto noong Mayo 2025, bilang “mahusay, masikhay, mapagmahal, at dakilang lider-estudyante at tunay na anak ng bayan.” 

“Nakita at naintindihan ni Councilor Alano ang kahalagahan sa paggamit ng kanyang talino at lakas upang ipaglaban ang mga karapatan ng mga estudyante at batayang sektor,” pahayag ng USC.

Nanawagan naman ang grupong Karapatan para sa “urgent, independent at impartial” na imbestigasyon sa mga naiulat na pagpatay at sapilitang pagpapalayas sa mga sibilyan. 

“Dapat imbestigahan ang posibilidad na masaker ang ginawa ng militar, kabilang ang konteksto ng armadong kumprontasyon,” sabi ni Karapatan secretary general Cristina Palabay.

Sa panayam ng Aksyon Radyo Bacolod, kinilala naman ni Jake Dela Cruz ang isang napatay na si Roel Sabillo. Aniya, hindi NPA si Sabillo kundi isang manggagawang-bukid na paminsang umeekstra sa negosyo ng kaniyang tiyuhin.

“Siblyan man o NPA, ang bilang ng mga napatay ay nag-uudyok ng mga mahalagang pagkuwestiyon sa kondukta ng operasyon kabilang ang paggamit ng proportionate force, mga hakbang para bawasan ang mga kaswalti, at pagsunod sa internasyonal na makataong batas at karapatang pantao,” ani Palabay.

Ayon kay Dumosmog, napatay sa naturang “engkuwentro” si Roger Fabillar na tinawag niyang wanted na “hitman” ng NPA at may P1 milyon pabuyang nakapatong sa ulo. 

Pero ani Marco Valbuena, chief information officer ng Communist Party of the Philippines (CPP), sinisiraan lang at binabansagang terorista o kriminal ang mga aniya’y “nasawing bayani ng bayan” para pagtakpan ang pang-aabuso ng militar sa mamamayan.

“Nagkakandarapa ang pasistang rehimeng [Ferdinand Marcos Jr.] at ang Armed Forces of the Philippines nito na kontrolin ang naratibo at magkalat ng disimpormasyon,” aniya.

Sabi pa ng CPP, mamamayan ng Toboso ang unang magpapatunay kung paano sila “buong pagmamahal na pinaglingkuran ng mga Pulang mandirigma ng NPA.”



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning