Pinsala sa mamamayan ng pagtibag sa kabundukan – Pinoy Weekly


Nitong Hulyo, nanalasa at nagdulot ng matitinding pagbaha ang Bagyong Carina sa Kamaynilaan at katabing lalawigan ng Rizal. Isa ang Marikina City na muling naapektuhan ng malakas na ulan at pagbaha. Naitala ng lungsod ang isang “record high” na bilang ng mga nasa evacuation center, nalagpasan pa ang bilang noong Bagyong Ondoy noong 2009. 

Isang komunidad na palaging nangangamba tuwing bubuhos ang ulan ay ang Agora 2 sa Brgy. Sto. Nino, Marikina City. Ang komunidad ay higit apat na dekada nang nakatirik sa tabi ng itatayo sanang palengke noong panahon ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Sa ngayon nasa humigit-kumulang 150 na pamilya naninirahan sa lugar. 

Isa sa mga matagal nang residente sa lugar si Nanay Narcisa, 59 anyos, tubong Pangasinan, nakipagsapalaran sa Maynila upang buhayin ang sarili at mga anak. Higit tatlong dekada na sina Nanay Narcisa sa Agora 2, dito na lumaki at nagkaroon din ng sari-sariling pamilya ang kanyang walong anak.    

“Una po, bago kami tumira dito, nangungupahan po kami, hanggang sa nakabili po kami ng bahay pero ‘yong lupa po ay hindi po sa amin. Binenta lang po ng pinsan ng asawa ko ‘yong bahay, para lang po may matirhan kami na hindi po kami nangungupahan, kasi kulang naman po ang kinikita ng asawa ko para mangupahan kami, kaysa po na mangupahan kami, pambili na lang po ng pagkain,” ani Nanay Narcisa.

Sa pakikipagkuwentuhan kay Nanay Narcisa, naibahagi nya na sa loob ng 30 taong paninirahan sa lugar, hinding-hindi niya malilimutan ang karanasang sinapit nila noong Bagyong Ondoy. Nalimas ang halos lahat ng kanilang gamit, kamuntikan pa siyang malunod dahil sa malakas na agos ng baha.  

“Lagpas-tao ang baha noon, biglang-taas ang tubig, hindi kami lumikas gawa na mayroon kaming [ikalawang palapag], pero ang mga anak ko lumikas sila. Ang mga gamit namin naanod ang lahat.” 

Sa pagpapatuloy ng kuwento ni Nanay Narcisa, ibinahagi rin niya ang hirap na bumangon muli mula sa baha. 

“Matapos ang bagyo, nagsimula po ulit kami para makabangon po. Nangangalakal po kami para maka-survive po sa aming pagkain sa araw-araw,” sabi ni Nanay Narcisa.

Dagdag pa niya, hindi rin madaling palitan lang ang mga gamit na inanod, lalo pa’t sa araw-araw nasa unahan pa rin ang panlamang-sikmura.   

Pareho ang karanasan ni Nanay Liza, tumatayong tagapangulo ng Samahang Magkakapitbahay ng Agora 2.

Aniya, hindi rin niya malilimutan ang karanasan niya noong Bagyong Ondoy, isang taong gulang pa lang ang kanyang bunsong anak. Isinakay nila sa palanggana ang mga bata para hindi tangayin ng baha, habang silang mag-asawa’y kumakapit kung saan may kakapitan. Nalimas din ang buong bahay nina Nanay Liza.

“Dahil humaharap din kami sa demolisyon, hindi kami makapagpagawa ng bahay na maayos, may mga nakasuhan din sa amin ng [paglabag sa] building code at ikinulong. Kaya noong Ondoy, pasalamat kami sa may pader d’yan, kasi kung wala, wash out kami,” wika ni Nanay Liza. 

Kagaya din ni Nanay Narcisa, nagsimula muli sa wala sina Nanay Liza. Umasa sa mga mapupulot na mga kahoy, yero at iba pang makalakal para muling itirik ang kanilang tahanan.

Malinaw para kay Nanay Narcisa na hindi pagtatapon ng basura ang pangunahing dahilan ng mga pagbaha na kanilang dinaranas. Ayon sa ginang, ang pagkakalbo ng mga kabundukan ng katabing probinsiya ng Rizal ang may kasalanan sa pagragasa ng tubig sa kanilang lugar. Ito rin ang ipinaliwanag ni Nanay Liza.

“Sa kasalukuyan, [ang] nakikita talaga naming dahilan [sa pagbaha ay] ‘yong quarrying, na walang tigil ‘yan. D’yan makikita mo ‘yan sa taas, sa Montalban, sa Antipolo. Walang habas talaga ‘yong pagmimina nila ng bato. Siyempre sa pagmimina nila, nasisira ‘yong pundasyon [ng bundok], tapos iyong illegal logging, nand’yan din. So, imbes na merong nag-hold ng tubig para hindi diretsahang babagsak sa baba, wala na ‘yon.” 

Sa datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang probinsiya ng Rizal ang isa sa may pinakamaraming Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) o mining permit sa buong bansa.

Nasa 30 ang kabuuang MPSA sa lalawigan at kalahati nito’y nasa Antipolo City. Sumasaklaw sa halos 6,214.43 ektarya ang operasyong pagmimina sa lugar. Karamihan sa mga hinuhukay sa probinsiya’y mga mineral at bato na ginagamit sa konstruksiyon, kagaya ng silica, basalt, aggregates, limestone at marmol. Pinakamalaking opereytor ng minahan sa lugar ang Rapid City Realty and Development Corporation.

Ayon sa grupong Gabriela, ang deka-dekadang operasyon ng mga quarrying at mining firms ay nagdulot na ng malaking pinsala lalo na sa Upper Marikina Watershed na may mahalagang tungkulin sa natural na pagkontrol ng bagsak ng tubig sa Marikina River. Sa kabila ng pagdedeklara sa Upper Marikina Water Basin bilang isang “protected landscape,” patuloy na tina-target ito ng mga mapagsamantalang ekstraksiyon ng mga bato para sa interes ng iilang korporasyon.

Para kina Nanay Narcisa at Nanay Liza, malinaw na ang pinakaepektibong solusyon sa problema ng pagbaha ay ang pagpapatigil sa quarrying at pagsira sa kabundukan ng Sierra Madre.

Ani ni Nanay Liza, kahit na anong gawin ng pamahalaang lokal ng Marikina City, kung patuloy naman sa pagpapahintulot ng mga mapaminsalang proyekto sa kabundukan, patuloy na malalagay sa bulnerableng posisyon ang mga maralitang katulad nila. 

Liban sa pagpapatigil at pag-aalis ng permit sa mga ito, ipinagpapanawagan din ng mga magkakapitbahay ang kompensasyon mula sa gobyerno, bayad-pinsala sa mga maralitang biktima ng deka-dekadang kapalpakan at kapabayaan ng gobyerno, lalo na tuwing panahon ng sakuna.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!