Marahas ang ginawang dispersal at pag-antala ng Philippine National Police (PNP) Tacloban at mga traffic enforcer sa halos 100 estudyante ng University of the Philippines (UP) at delegado ng ika-57 na General Assembly of Student Councils (GASC) sa mapayapang iglap-protesta sa Tacloban City, Leyte nitong Ago. 16.
Pinosasan, marahas na pinadapa at pinagbantaang aarestuhin ng mga elemento ng PNP Tacloban ang isang estudyanteng delegadong lumahok sa protesta sa binansagang “McDiola” ng mga aktibista dahil karaniwang nilulunsaran ng demonstrasyon.
Pinagkukuha din ng mga awtoridad ang mga dalang placard at banner ng mga estudyanteng delegado. Karamihan sa kanila’y nag-ulat ng intimidasyon, pananakit at iba’t ibang pagbabanta.
“Dalawa o tatlong minuto pa lang ang lumipas ay pumunta na kaagad sa amin ‘yong mga pulis para paalisin kami at umabot sa punto na hinabol ang mga kasama. Maraming nadapa, nasubsob at nasugatan,” ani Carla Padilla, regional coordinator ng Anakbayan-Southern Tagalog.
Mayroong hinimatay at sapilitan ding kinuha ng pulisya ang ID ng mga delegado. Binatikos ni Padilla ang pasismong dinanas ng kanilang hanay dahil ang pinaglalaban lang ng mga estudyante ay tuligsain ang mga paglabag sa karapatang-pantao, pagsusulong para sa dekalidad na edukasyon at iba pa.
Dagdag pa rito, inabot ng dalawang oras at halos mag-a-alas-otso ng gabi saka lang pinakawalan ng pulisya ang mga estudyante upang makabalik sa UP Tacloban.
Nangyari ito matapos ang matagumpay na pakikipagdiyalogo nina outgoing UP Student Regent Iya Trinidad at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa PNP Tacloban.
Ito ang unang pagkilos ng mga kabataang aktibista sa Tacloban City simula noong 2020.