Protesta sa Jakarta laban sa pag-angkin ng kapangyarihan – Pinoy Weekly

September 3, 2024


Ramdam sa mga lansangan ng Jakarta, kabisera ng bansang Indonesia, ang sumisidhing galit ng mga mamamayan nito.

Napagpasyahan ng Mahkamah Konstitusi Republik Indonesia (Korte Konstitusyonal ng Republika ng Indonesia) noong Ago. 21 na hindi na kinakailangan ng isang partidong politikal na magkaroonng 20% na representasyon sa loob ng regional assemblies para makapagsulong ng isang kandidato sa halalan. 

Ngunit wala pang isang araw, agarang nagsampa ng isang emergency motion ang parlamento upang ipawalang bisa ang mga desisyon. Tahasan itong kinondena sa buong kapuluan sapagkat nakalitaw daw ang politikal na motibasyon ng kasalukuyang administrasyong Widodo para angkinin ng kanyang mga kaalyado ang kapangyarihan.

Panawagan ng libo-libong mga raliyista na dinumog ang tarangkahan ng parlamento ang agarang pagtigil sa emergency motion sapagkat pabor lang ang kasalukuyang batas ukol sa pangangailangan ng 20% na representasyon sa mga namumunong koalisyon na may hawak sa mayorya ng mga luklukan ng kapangyarihan.

Binarikadahan ng tao ang harapan ng gusali, nagsunog ng mga gulong at binaklas ang isang parte ng bakod. Libo-libo ang nagtungo sa lansangan upang humingi ng pananagutan mula sa pangulong binulag ng kanyang politikal na ambisyon.

Marahas na binuwag ng pulisya ang kilos-protesta ng tear gas at water canon. Sa ulat ng Jakarta Metro Police, mahigit 301 na mga raliyista ang nakadetine sa West Jakarta Metro Police at iba’t iba pang mga police station na sinampahan ng kasong pinsala sa mga pampublikong pasilidad at karahasan.

Dalawang buwan na lang ang natitira sa termino ng kasalukuyang pangulo ng Indonesia na si Joko Widodo na tiningala noon ng mga mamamayan nito bilang isang simbolo ng pag-asa sapagkat siya ang kauna-unahang nahalal na presidente na hindi galing sa pamilyang politikal o militar.

Tiningnan ng pandaigdigang komunidad ang kanyang pagkapangulo bilang isang tanda ng paninindigan ng Indonesia sa mga demokratikong prinsipyo. Ngunit dalawang buwan bago matapos ang kanyang termino, nagkukumahog ang pangulo na panatilihin ang kanyang impluwensiya sa politika.

Inanunsiyo noong Peb. 14 ang pagkapanalo ni Prabowo Subianto, dating defense minister, at ang kanyang bise-presidente na si Gibran Rakabuming Raka, anak ng pangulo, na nakakuha ng 59% ng mayoryang boto.

Kilala si Subianto bilang isang kritiko ng kasalukuyang pangulo na tinuligsa ang bawat pagkapanalo nito sa halalan. Ngunit nag-iba ang tono ng dating kritiko matapos mapangakuan ng pinakamataas na posisyon sa gobyerno ng Indonesia.

Ikinampanya ni Widodo ang pagtakbo ni Subianto bilang presidente bagaman labag ito sa batas ng Indonesia. Bukod pa sa pagiging anak ng pangulo, ilegal din ang pagtakbo ni Raka sapagkat nakasaad sa batas na kinakailangang mahigit 40 anyos ang edad ng tatakbong opisyal. Gayunpaman, inihain ng pangulo ang isang petisyon na hinahamon ang batas kung saan nakasaad ang kinakailangang edad.

Isinantabi ito ng korte matapos agarang payagan ang pagtakbo ng anak ng pangulo. Katuwiran ni M. Guntur Hamzah, isa sa mga hukom sa Korte Konstitusyonal, inhustisya raw ito sa mga kabataan ng Indonesia na may karanasan sa panunungkulan bilang isang pampublikong opisyal kung haharangin ng korte ang pagtakbo ng anak ng pangulo. 

Mula sa napagpasyahan ng korte umusbong ang mga unang kislap ng galit na siyang magdadala sa mga mamamayan sa lansangan. 

Kahina-hinala rin ang desisyon ng korte sapagkat kaalyado ng pangulo ang mga mahistrado nito. Sa konstitusyon ng Indonesia, binubuo ang korte ng siyam na hukom. Tatlo sa mga hukom ay personal na hinirang ng pangulo, habang ang natitirang 6 naman ay pinagbobotohan ng parlamento at ng Korte Suprema. 

Personal na hinirang ni Widodo si Hamzah bilang kahalili ng punong hukom na si Aswanto na pinagbotohan ng Dewan Perwakilan Rakyat Republik Indonesia (People’s Representative Council o DPR), katumbas ng House of Representatives, upang sibakin siya mula sa kanyang katungkulan.

Paliwanag ni Bambang Wuryanto, chairman ng ikatlong komisyon sa DPR, na sinibak ang punong hukom sapagkat hindi na daw niya pinaglilingkuran ang interes ng institusyon. Kilala si Aswanto sa madalas na pagpapawalang bisa ng mga batas na inaprubahan ng DPR. 

Isa sa mga panukalang batas na hinarang ng dating punong hukom ang omnibus law sa paggawa ng mga trabaho na tinutulan din ng mga unyon ng manggagawa sapagkat tinatanggal nito ang mga pundamental na karapatan sa paggawa kagaya ng tamang pasahod at oras ng pahinga.

Sa kasalukuyan, matagumpay na napalitan ng DPR ang dating punong hukom sapagkat hawak-hawak ng Partai Demokrasi Indonesia Perjuangan (PDI-P) ang mayorya ng upuan sa parlamento na partido rin ni Widodo. Dagdag pa rito, si Anwar Usman na pumalit kay Aswanto bilang punong hukom ay bayaw ni Widodo sa kanyang nakababatang kapatid na si Idayati.

Napatunayan ng imbestigasyon ng Honor Council ng Korte Konstitusyonal na lantarang linabag ng siyam na mga hukom, kasama na dito si Usman at Hamza, ang batayang etika sa paghawak ng kaso ng pagtakbo ng anak ng pangulo. Hinggil dito, tinanggal sa poder ang bayaw ng pangulo at binigyan ng kasulatang parusa si Hamzah.

Nabawasan ang kroni sa loob ng hukuman ngunit patuloy pa rin ang paglatag ni Widodo ng mga politikal na pundasyon bilang paghahanda sa pagpasok ni Subianto bilang pangulo.

Noong Ago. 19, binalasa ni Widodo ang gabinete dalawang buwan bago matapos ang kaniyang termino. Limang ministro ang pinapasok ng pangulo upang manungkulan sa mga susing posisyon sa gobyerno. 

Ginawang ministro ng pamumuhunan ang dating tagapamuno ng kampo ng pagtakbo ni Subianto sa pagkapangulo na si Rosan Roeslani. Sa kabilang banda, ginawang ministro ng impormasyon at komunikasyon naman si Angga Raka Prabowo na dating tagapayo ni Subianto ukol sa komunikasyon. 

Pahayag ni Airlangga Hartarto, ministro ng koordinasyon sa mga ekonomikong usapin, na parte lang ito ng proseso ng pagpapalit ng gobyerno ngunit tahasang kinondena pagbabago sa gabinete ng mga opisyal sapagkat isang lantarang halimbawa raw ito ng cronyism sa loob ng gobyerno ng Indonesia. 

Ayon sa inamyendang 1945 Konstitusyon ng Indonesia, pinipili at hinihirang ng pangulo ang bawat ministrong nakatakdang tumugon sa bawat malawak na sangay na sektor na nakaatas sa kanya. Pangunahing tungkulin ng mga ministro ang maging tagapayo at katuwang ng pangulo sa mga hakbanging na isusulong ng gobyerno na tumutugon sa mga pangangailangan ng lipunan. 

Gayunpaman, may kapangyarihan ang pangulo na tanggalin sa panunungkulan ang isang ministro.

Paliwanag ni Kahfi Adlan Hafiz, isang mananaliksik sa paksa ng konstitusyonal na diskurso, nakasaad sa saligang batas ng Indonesia ang awtonomiya ng Korte Konstitusyonal ngunit dulot ng kakulangan ng mga institusyon na maaaring pangasiwaan ang sistema ng “checks and balances” sa Indonesia, lumalaganap lang ang cronyism sa loob ng gobyerno at lantaran ang pangingialam ng pangulo sa mga prosesong labas na sa kanyang kapangyarihan. Isa umano itong unos sapagkat walang magmamasid na siyang hahadlang sa mga kagustuhan ng namumunong pangulo kapag taliwas na ito sa ikabubuti ng nakararami.

Itinatayo na ni Widodo ang mga pundasyon ng pagkapangulo ni Subianto sapagkat makikinabang din siya rito. Isang impukan ng politikal na impluwensiya at kapangyarihan ang mga pundasyong itinatag niya. 

Sa huli, obhetibo ng kanyang mga hakbangin ang gawing kongkreto ang kanyang politikal na impluwensiya at pairalin ang kanyang mga politikal na ambisyon. Hindi lang tungkulin ang ipinamana ni Widodo, ipinasa rin niya ang kultura ng isang mapagsamantalang gobyerno na ginagamit ang kabulukan nito upang palaganapin pa ang kapangyarihang nasa kamay nila.

Ngunit hindi inaasahan ng pangulo ang kakayahan ng mamamayan ng Indonesia. Bulag sa kapangyarihan, nakatuon ang kanyang pansin sa pagpapalawak ng kanyang mga galamay sa loob ng bawat sulok ng gobyerno. Kaya nang mag-alsa ang taumbayan, natinag ang pananamantala.

“Hindi magtatagal, tayo ay magiging isang walang kalaban-laban na tumpok ng mga bagay kahit tayo pa ang nagbigay ng kapangyarihan sa kanila. Kailangan natin  magtungo sa lansangan. Wala tayong magagawa,” wika sa Bahasa Indonesia ni Joko Anwar na isa sa mga raliyista noong sumiklab ang mga protesta sa parlamento. 

Dulot ng masidhing galit ng taumbayan, inurong ng parlamento ang napagdesisyunan at inusog sa susunod na pagpupulong upang mapag-usapan muli ito. Ang katatagan ng kabulukan sa mga pundasyon ng gobyerno at burukrasya ay kadalasan nagiging ugat ng panlipunang ligalig at kawalang pag-asa ng mga mamamayan.

Ano nga ba laban ng isang ordinaryong tao sa isang gobyernong mapaniil? Gayunpaman, tanda ang nagpupuyos na galit ng mamamayan ng Indonesia sa kakayahan ng kolektibong pagkilos. Ang kakayahan nitong pabagsakin ang mga mapagsamantalang politiko na nangungunyapit sa kapangyarihan.



Source link

Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Don't Miss

Taumbayan, sinisi ni Marcos Jr. sa pagbaha – Pinoy Weekly

Sinisi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang taumbayan sa malawakang

Duterte admits threatening to kill Joma, joins Sara in opposing talks with the NDFP

Former president Rodrigo Duterte admitted he threatened to kill the