Nasamsam ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Quezon (Apolonio Mendoza Command) ang limang ripleng M16, mga bala at iba pang kagamitang militar sa ambus na inilunsad nito laban sa yunit ng 85th IB at CAFGU sa Sityo Pag-asa, Barangay Mapulot, Tagkawayan, Quezon noong Setyembre 1. Limang sundalo ang napatay habang apat ang kumpirmadong nasugatan.
Ang mga sundalo ay nakatakdang magrekorida sa palibot ng kanilang kampo nang tambangan ng mga Pulang mandirigma. Naganap ang pananambang 500 metro mula sa kanilang detatsment.
Sa ulat ng BHB-Quezon, gumamit ang mga mandirigma ng command-detonated explosive (CDX) na asintadong pinasabog laban sa mga sundalo. Taliwas ito sa pahayag ng mga sundalo at pulis na sumabog ang bomba nang “maapakan” ito ng nag-ooperasyong tropa ng 85th IB.
Ayon kay Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng BHB-Quezon, ang naturang armadong aksyon ay “pagpapatibay ng katarungan sa lahat ng biktima ng 85th IB.” Dagdag pa niya, ang opensiba ay “para sa mga minamahal naming masa na nakaranas ng tortyur, panggigipit at pamamaslang ng mga berdugong sundalo sa ilalim ng rehimeng US-Duterte at nagpapatuloy sa kasalukuyang rehimeng US-Marcos II.”
Tinatayang aabot sa 20,000 ang kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng isinasagawang mga focused military operation ng AFP sa mga komunidad ng Quezon mula pa sa ilalim ng rehimeng Duterte.