Nitong 20 Nobyembre isa na namang palabas ang ginanap ng AFP sa kabundukan ng Barangay Mataragan, Malibcong, Abra. Ipinamalita ng 50th IB na naka-engkuwentro nila ang NPA sa nasabing lugar. Ilang libong bala at pasabog ang kanilang pinaputok, kasama pa ang pagpapaikut-ikot ng mga helicopter pandigma.
Walang katotohanan ang press release ni 5ID commander MGen. Audrey Pasia na may nangyaring encounter daw sa pagitan ng 50IB at NPA Abra sa Pacgued, Malibcong, Abra noong November 20. Walang nangyaring “15 minutes encounter”. Kaya, peke na balita na may 1 M14, 3 M16, 1 K3 Light Machinegun, at 2 bandolier daw ang nasamsam ng mga kaaway ng mamamayan.
Apat na batalyong mersenaryong sundalo ang tuloy-tuloy na nakakampo sa mga baryo at gumagalugad sa kapaligiran at kabundukan ng buong probinsya. Nagpapalabas sila ng pekeng engkuwentro para bigyang-katwiran ang napakalaking ginagastos ng rehimeng US-Marcos Jr. para tustusan ang AFP.
Ang buong armadong makinarya ng reaksyunaryong estado (AFP, PNP, CAA) ay maihahalintulad sa limatik na mahigpit ang kapit sa kaban ng yaman ng sambayanan. Walang hangganan ang kanilang pagpapakabusog sa kanilang matataas na suweldo at habambuhay na pensyon na di naman sila ang nag-impok. Ito ay pinipiga mula sa pawis at dugo ng naghihirap na mamamayan. Dagdag din nilang hinuhuthot ang badyet na pambili ng mga gamit paniktik at pandigma, at mga pondong di dumadaan sa audit.
Kasalukuyang nilalapastangan ng mga tropa ni Marcos Jr ang mga mamamayan na tribung Mabaka, Banao at Gubang ng Malibcong Abra, pati ang kanilang lupang ninuno. Ipinagbabawal nilang maglibot ang mga mamamayan sa mga bundok kung saan karaniwan silang naghahanap ng dagdag na pagkain. Inoobliga silang umuwi sa sentrong kabahayan tuwing gabi kaya naiiwan ang trabaho sa kabukiran.
Peligro sa buhay at perwisyo sa kabuhayan ang dulot ng AFP sa mga katutubong magsasaka. Pero tulad ng ginagawa ng mga magsasaka sa limatik na nabubuhay sa pagsipsip ng dugo ng iba, ang AFP sa probinsya ng Abra ay lilitisin sa apoy ng digmang bayan.