Binigwasan ng mga mandirigma ng NPA-West Cagayan (Danilo Ben Command) ang nag-ooperasyong tropa ng 17th Infantry Battalion Philippine Army sa Sicalao, bayan ng Lasam, Cagayan noong ika-27 ng Hulyo 2023. Batay sa mga residenteng nakakita sa inilabas na kaswalti ng kaaway, walong sundalo ang kumpirmadong namatay at tinatayang marami ang sugatan. Dahil sa kahihiyan ng 17th IB, hindi pinangalanan at hindi inamin ang kanilang pinsala. Samantala, wala namang nasaktan sa hanay ng mga Pulang mandirigma.
Dahil nasa aktibong-depensang postura, mabilis na naagaw ng mga kasama ang inisyatiba at nabaliktad ang opensa ng umaatakeng kaaway, bagay na hindi inaasahan ng kasundaluhan. Malaking kalamangan ng hukbo ang malalim na paggagap sa kalagayan ng masa at pamilyarisasyon sa kalupaan upang ligtas na makaatras at makapagmaniobra. Sa kabilang panig, dahil sa matinding desperasyon at dagok sa pinsalang natamo sa kabila ng deklarasyong “lubusan nang mahina at walang kakayahang lumaban” ang NPA-West Cagayan, nagbuhos ng dalawang batalyon ang 5th Infantry Division upang maghalihaw sa mga pagitan ng Lasam, Sto. Nino at Rizal. Ginawang tabing ng 5th Division ang kunwa’y humanitarian assistance at disaster relief operations para sa bagyong Egay ngunit ang totoo’y nasa operasyong kombat ang mga tropang ito.
Tatlong taon nang walang-puknat na naghahasik ng teror at takot ang 17th IB sa West Cagayan at Apayao. Sila rin ang nasa likod ng pagmasaker kina Ka Peping (Saturnino Agonoy) at dalawa pang kasama noong 2022 sa Piat, Cagayan.