Nakikiisa kami sa sambayanang Pilipino sa paggunita ng Sigaw ng Pugad Lawin noong Agosto 23, 1898. Sa harap ng pambansang pang-aapi, nagbangon ang sambayanang Pilipino halos 130 taon na ang nakararaan upang ipaglaban ang pambansang kalayaan laban sa kolonyalismong Espanyol. Sa loob ng mahigit isang siglo at sangkapat mula noon, walang humpay silang nakipaglaban upang makamit ang mga adhikaing yaon ng kanilang mga ninuno.
Ang tunay na pambansang kalayaan at katarungang panlipunan ay nananatiling mga mithiin na nagtutulak sa malawak na masa ng sambayanang Pilipino na ipagpatuloy ang kanilang paglaban at magsandata upang maging malaya sa malakolonyal na dominasyon at malapyudal na pang-aapi. Mas determinado pa sila ngayong lumaban sa pasistang rehimeng US-Marcos na lalong nagpapalala sa krisis at pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayan.
Kasama ang sambayanang Pilipino, panata ng Partido Komunista ng Pilipinas, kasama ang Bagong Hukbong Bayan at National Democratic Front, na ipagpatuloy ang pagsusulong ng pambansang demokratikong rebolusyon hanggang makamit ang ganap na tagumpay. Ito ay bilang pagpaparangal sa lahat ng mga bayani ng kasalukuyang henerasyong ito, na inaalala nating ngayong araw:
Jose Maria Sison, Benito Tiamzon, Wilma Austria, Julius Giron, Mariano Adlao, Jorge Madlos, Menandro Villanueva, Antonio Cabanatan, Dionisio Micabalo, Eugenia Magpantay, Alfredo Merilos, Dennis Rodina, Agaton Topacio, Randall Echanis, Rosalino Canubas, Sandra Reyes, Ezequiel Daguman, Emmanuel Fernandez, Rolando Leyson Jr, Helenita Pardalis, Josephine Mendoza, Aprecia Alvarez Rosete, Rogelio Posadas, Jude Fernandez, Vicente Hinojales, Maria Concepcion Araneta-Boca at hindi mabilang na iba pa.
Sila ay mga bayani dahil sa walang pag-iimbot nilang pag-aalay ng kanilang buhay para sa hangarin ng sambayanang Pilipino at para matamo ang kanilang ilang siglo nang adhikain para sa kalayaan at demokrasya. Dinala nila ang tanglaw ng rebolusyong Pilipino, na ipinamana mula pa sa nakaraang henerasyon ng mga mandirigma, kadre, organisador at propagandista. Puspos ng diwa ni Andres Bonifacio, tinahak nila ang mga lumang landas at bumagtas ng mga bago.
Dahil sa kanilang mga ginawa para sa kapwa, nakaipon ang sambayanang Pilipino ng malalaking tagumpay sa takbo ng kanilang pakikibaka. Sa inspirasyon ng kanilang mga sakripisyo, ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino ay determinado na isulong at kamtin ang layunin ng pambansang demokrasya at sosyalismo, gaano man kahirap at gaano man ito katagal.