“Aba, dapat lang! Sa mga NPA, may nasugatan ba?”
Walang pagsidlan ang tuwa at bilib ng mga magsasakang Batangueño matapos mabalitaang binigwasan ng mga Pulang mandirigma ng Eduardo Dagli Command-Bagong Hukbong Bayan ang nag-ooperasyong iskwad ng 59th IBPA nitong ika-16 ng Oktubre at ang kanilang aktibong depensa sa isang labanan noong ika-15 kapwa sa Barangay Bignay sa bayan ng Lobo. Sa kabuuan, hindi bababa sa lima ang natamong kaswalti sa hanay ng mga teroristang 59th IBPA habang wala namang natamo ni anumang pinsala sa NPA, ang tunay na tagapagtanggol naming mga magsasaka.
Paboritong kasangkapan ng Bluebird Merchant Ventures Ltd, isang dayuhang kumpanya ng pagmimina ang 59th IBPA upang magmistulang asong-bantay sa kabundukan ng Lobo sa tabing ng kampanyang kontra-insurhensya, nang sa gayo’y tuluyan nang masimulan ang malawakang pagmimina ng ginto sa ating lalawigan. Sa ganito, masasabing tunay ngang protektor ang 59th IBPA, siyang tunay ay protektor sa interes ng mga dayuhang kapitalista habang walang kaparis na terorismo naman ang inihahasik sa mga mamamayan at magsasakang Batangueño.
Isang taon ang nakaraan, pinaslang ng berdugong 59th IBPA ang 50 taong-gulang at may kapansanan sa pag-iisip na magsasakang si Maximino Digno sa Barangay Cahil, Bayan ng Calaca.
Upang mag-hugas ng kamay, pinalabas ng mga berdugong ito na si Digno ay mandirigma ng NPA. Kaparehong taon din, pinaslang naman ng mga berdugong ito si Kyllene Casao, siyam na taong gulang na batang babae sa Barangay Guinhawa sa Taysan. Nito namang mga nagdaang buwan, sinusuyod ng mga kasundaluhan ang mayaman at malawak na kabundukan ng Lobo partikular sa mga Barangay ng Apar, Balibago, Biga, Bignay, Calo, Calumpit, Jaybanga, Nagtaluntong, Nagtoctoc, Malabrigo, Mabilog na Bondoc, Malapad na Parang, Malalim na Sanog, Pinaghawanan, Sawang, at Soloc. Maging sa mga kumunidad ng magtutubo sa Calaca, Balayan, Tuy at Nasugbu. Walang ibang pakay ang mga ito kung hindi ang maghasik ng terorismo at pambababoy sa aming mga karapatan. Umabot pa ito sa pagpapalabas ng mga pekeng engkwentro at mga pekeng nakumpiskang gamit ng mga Pulang mandirigma. Wala nang kredibilidad at katawa-tawa na lamang ang inabot ng kanilang desperasyon na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa Batangas at gapiin ang BHB.
Sawang-sawa na ang mga magsasakang Batangueño sa kasinungalingang ipinalalaganap ng mga kasundaluhang ito upang pagtakpan ang kanilang mga kasalanan sa sambayanang Batangueño, maging sa Quezon na kanila ring eryang kinikilusan. Kung kaya naman, ang matagumpay na opensibang ito ng BHB-EDC ay nagdulot ng galak at tuwa sa aming mga magsasaka dahil unti-unti nang nasisingil ang 59th IBPA sa kanilang mga inutang na dugo, at perwisyong hatid sa aming karapatan, lupa at kabuhayan. Kung kaya nama’y inaasahan pa namin ang mas marami pang opensiba ng NPA laban sa mga berdugong ito.
Anumang hagupit ng reaksyunaryong estado at ng mga aso nitong militar, asahan ng Bagong Hukbong Bayan na hinding hindi mauubusan ng suporta at tiwala mula sa uring magsasaka at mga mamamayang kanilang pinaglilingkuran. Dahil unawa naming walang ibang wastong landas kung hindi ang lumahok, tahakin, at sumuporta sa pambansa–demokratikong rebolusyon upang ipagwagi ang aming lupa, kabuhayan at karapatan.
Panata ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid-Batangas ang patuloy na pagpapalawak at pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusang magsasaka sa lalawigan para sa pagpapasiklab ng suporta at pakikilahok sa armadong pakikibaka.
Magbubukid ng Batangas, kamtin ang tunay na reporma sa lupa!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!