PRWC » Apat na opensiba, inilunsad kontra-FMO sa Sultan Kudarat


Hindi bababa sa 22 sundalo ng 37th IB ang napatay sa serye ng mga opensiba na inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa kontra-kampanya nito laban sa nakapokus na operasyong militar (focused military operation o FMO) ng 6th ID sa Kalamansig, Sultan Kudarat. Mahigit dalawang buwan na ang laking-dibisyong operasyon na sinimulan noong Hunyo 15. Liban sa 37th IB, sangkot sa mga operasyon ang mga yunit ng 57th IB, 7th IB at mga tropa ng Special Forces Battalion.

Hindi naman bababa sa 18 ang nasugatan sa mga taktikal na opensibang ito na inilunsad sa pagitan ng Hunyo 17 at Hulyo 26.

Noong Hunyo 17, pinaputukan ng BHB-Sultan Kudarat ang isang kolum ng 37th IB sa Sityo 30, Barangay Hinalaan. Sa kasunod na araw, pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang isa pang yunit ng 37th IB sa bulubunduking bahagi ng parehong barangay. Lima ang kabuuang bilang ng napatay na sundalo habang walo ang nasugatan sa magkasunod na opensibang aksyon.

Inambus naman ng BHB ang nag-ooperasyong yunit ng 37th IB sa Barangay Datu Wasay noong Hunyo 19. Nasa 15 minuto lamang ang itinagal ng pag-atake ng mga Pulang mandirigma ngunit dahil sa takot at pagkataranta ay nagpaputok sa loob ng dalawang oras ang tinamaang mga sundalo. Sa nakalap na ulat, hindi bababa sa pitong sundalo ang napatay at 10 ang nasugatan.

Noong Hulyo 9, nagsagawa ng operasyong haras ang mga Pulang mandirigma laban sa tatlong kolum ng mga sundalong nag-ooperasyon sa Sityo Sorong, Barangay Hinalaan. Sa tindi ng takot ng mga sundalo, tatlong oras itong walang pakundangang nagpaputok. Hindi rin bababa sa 17 bala ng kanyon ang pinakawalan ng AFP.

Sa ulat ng mga residente, tinatayang hindi bababa sa 10 sundalo ang napatay sa operasyong ito ng BHB. Ang mga bangkay ng sundalo ay dinala sa sentro ng barangay kung saan nakahimpil ang nag-ooperasyong tropa ng 37th IB. Ayon pa sa ulat, itinago ng yunit na nagkaroon ng mis-engkwentro sa kanilang hanay sa kasagsagan ng putukan na nagdulot ng pagkamatay ng sarili nitong mga tropa.

Para kontrolin ang impormasyon at maghasik ng takot, tatlong komunidad ang hinamlet ng mga sundalo kung saan pinagbawalan ang mga residente na lumabas. Labis nitong naapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka sa lugar.

Samantala, binigo ng BHB ang tangkang reyd ng mga sundalo sa temporaryong kampo nito sa Barangay Batang-Baglas, Palimbang noong Hunyo 26. Nagawang makapagmaniobra ng mga Pulang mandirigma at makapaghatid ng pinsala sa umaatakeng kaaway. Hindi bababa sa pitong sundalo ang napatay at 10 ang nasugatan. Samantala, walong mandirigma ng BHB ang nagtamo ng minor na mga sugat sa insidente.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!