PRWC » Bukas na liham para sa saradong isipan ng 59th IB

October 24, 2023


Batid namin na iniinda pa rin ninyo ang mga pinsalang inyong tinamo sa mga labanan sa pagitan natin noong Oktubre 15 at 16 sa Barangay Bignay sa bayan ng Lobo. Hindi makakatulong sa inyong mga kaswalti, na malamang ay pinanghihinaan na ng loob, kung itatago pa ninyo ang inyong pagkabigo sa dalawang labanan. Todo-todo pa naman kayo kung bansagan ang inyong mga sarili bilang matitikas na kalalakihan ngunit wala kayong lakas ng loob na tumanggap ng pagkatalo at akuin ang inyong mga kaswalti.

Ang lahat ng kagamitang pandigma kabilang ang mga explosives o pampasabog ay sadyang ginawa upang magdulot ng pinsala. Ang kaibahan lang, ang inyong mga pampasabog, sampu ng mga bala ng kanyon, mortar, at mga bombang bitbit ng mga eroplano ng Philippine Air Force na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong dolyar ay labis-labis na ibinabagsak sa mga bukid, kaingin, at iba pang pookan ng mga magsasaka. Samantala, ang aming mga pampasabog ay makatuwiran naming ginagamit laban sa mga lehitimong armadong target gaya ninyo upang depensahan ang mga mamamayan at ang aming mga sarili. Mismong kayo ang kumikilala na command-detonated na pampasabog ang aming ginamit sa taktikal na opensiba noong Oktubre 16. Para sa inyong kaalaman, kabilang ito sa mga ipinapahintulot na gamitin sa digmaan sa ilalim ng International Humanitarian Law (IHL), Geneva Convention, at sa CARHRIHL na pinirmahan mismo ng inyong Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Tutal ay napakarami ninyong oras na basahin ang aming pahayag at maghabi ng kasinungalingan, maano man lamang ay basahin niyo na rin ang mga batas at alituntuning ito ng digma, na bagaman alam naming hindi niyo susundin, kahit papaano’y alam niyo man lamang at hindi kayo mangmang sa usapin ng karapatang tao lalong-lalo na ang mga utak-pulbura ninyong opisyal.

Hindi kinikilala ng rebolusyonaryong kilusan ang saligang batas ng GRP na nagsisilbi lamang bilang ligal na kapangyarihan ng naghaharing uri sa pagsasamantala sa mga mamamayan. Ang tanging kinikilalang lehitimong gubyerno ng mamamayan ay ang Demokratikong Gubyernong Bayan sa kanayunan, na binubuo at pinatatakbo ng masang anakpawis sa ilalim ng gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas. Kami rin, bilang lehitimong pwersang nakikidigma na isa sa nirerepresenta ng National Democratic Front of the Philippines, ay tumatalima sa internasyunal na makataong batas, karapatang tao, at mga kasunduan sa pagitan ng GRP at NDFP.

Samantala, ano kayang pakiramdam ng mga sundalo niyong mismong nagpaputok ng bala na pumatay kina Kyllene Casao at Maximino Digno habang paulit-ulit niyo pa rin itong itinatanggi at ipinaparatang sa amin? Malamang, unti-unti silang binabagabag ng kanilang konsensiya, at paulit-ulit na napapanaginipan ang imahe ng isang munting paslit na babae na may tama ng bala sa ulo matapos nilang walang habas na paputukan. Talagang pinanghahawakan ninyo ang huwad ninyong naratibo na engkwentro ang pumatay kay Maximino Digno gayong ang katotohana’y walang awa ninyong pinaslang ang matandang magsasakang may sakit sa pag-iisip. Hanggang ngayon, inaasam pa rin ng kanilang mga pamilya ang tunay na hustisyang kailanma’y hindi ibibigay ng inyong gubyerno.

Hanggang kailan kayo magpapakamangmang at ipupuntong kami ay humarap sa inyong korte, lalo na’t para ito sa kasalanang inyong ginawa? Alam ninyong kapag may nagkasala mula sa aming hanay ay ihinaharap ito sa Hukumang Bayan, at hinahatulan batay sa makatarungang paglilitis at kung mahatulang nagkasala ay amin itong inaako sa mga mamamayan. Ang kapal ng inyong mukhang sabihing patas ang inyong korte gayong napakatagal nang mulat ang mamamayan na hindi kailanman naging patas ang sistema ng hustisya ng GRP para sa karaniwang Pilipino.

Isa pa, hindi baga kayo nahihiya sa iba ninyong tropa na matapos niyo silang ideploy at mapinsala sa pagharap sa Bagong Hukbong Bayan ay isa lamang sa kanila ang inyong aakuin gayong hindi bababa sa lima ang kumpirmadong kaswalti? Kasuklam-suklam na para lamang mapagtakpan na nabigwasan kayo ng NPA ay hindi ninyo kikilalanin ang sarili ninyong kawal. Walang duda kung bakit mayroong mga dating CAFGU at mga kawal ng AFP na sa inyo’y tumiwalag at sumapi o sumusuporta na ngayon sa NPA at sa rebolusyonaryong kilusan.

Sadyang namang kaawa-awa ang mga CAFGU – kaya nga kami nananawagan sa kanilang pagtiwalag mula sa inyong hanay kasama ang mabababang opisyal at kawal. Mantakin ninyong mas marami pa yata ang inyong mga ‘parangal at pagkilala sa kabayanihan’ ng mga CAFGU kaysa kanilang buwanang sahod? Buti sana kung makatuwiran ang inyong ipinaglalaban, ngunit kaawa-awa naman ang gaya nilang sa pang-aapi na nga ginagamit, napakababa pa ng pasahod, inaabuso pa ng inyong mga nagpapakasasang opisyal! Sa kabila nyan, kami ay naglilinaw sa mamamayan na ang sinumang nananatili sa inyong hanay bilang miyembro ng AFP-PNP ay mga lehitimong military target sa ilalim ng internasyunal na batas ng digma gaya ng limang napatay na CAFGU-85th IBPA sa ambus ng NPA-Quezon sa Tagkawayan. Kung babalikan, mga kasapi rin ng CAFGU, sa ilalim ng 59th IBPA ang nagdetine at paulit-ulit na nanggahasa sa 15-anyos na si “Belle” sa probinsya ng Quezon noong 2020. Muli, kami ay nananawagan sa lahat ng mga karaniwang kawal at mabababang opisyal ng AFP-PNP-CAFGU na tularan ang inyong mga dating kasamahan na tumiwalag na mula sa pagiging tuta ng naghaharing uri at ngayon ay sumusuporta na sa makabayan at rebolusyonaryong adhikain ng mga mamamayan.

Sa NPA, bagaman walang sahod ang mga Pulang mandirigma, nananatiling mataas ang diwa namin at buo ang kapasyahang durugin ang kaaway ng sambayanan tulad ng 59th IBPA at pagsilbihan ang masa ng kanayunan. Taliwas sa inyong mga paratang ng kurapsyon, patuloy na tinatanganan ng NPA sa pamumuno ng Partido ang ‘simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka’ sa paglulunsad nito ng digma. Tatanungin namin kayo, kaya ba ninyong mabuhay nang wala ang ayudang militar ng US, wala ang sandamukal na pondo mula sa buwis ng mga mamamayan at walang sahod ang bawat isa sa inyo? Malamang, wala nang matitira, sapagkat huwad kayong makabayan. Ang isang ipinagtataka at ikinagagalit ng mga magsasaka, napakalaki na nga ng pondo ng inyong teroristang institusyon pero ninanakaw pa rin ng inyong mga lasinggerong tropa ang kanilang mga alagang hayop para pulutanin!

Sa isang banda, maaaring tama kayo sa pagsasabing walang masang babalikan ang NPA, dahil kailanman ay hindi kami nahiwalay sa kanila. Saanman magpunta ang Pulang Hukbo, malugod kaming tinatanggap at kinakanlong, lalo ng mga magsasaka sapagkat malalim kaming nakaugat sa masang aming pinagsisilbihan. Sa kabila ng matinding pananakot at panunupil, may isanlibo’t isang pamamaraan ang masang anakpawis upang tangkilikin at pangalagaan ang kanyang Hukbo.

Bilang panghuli, tunay na ikinagagalak namin ang tagumpay na ambus laban sa mga kaaway at perwisyo sa masa na gaya ninyo! Hindi naman kami katulad niyo na ang ipinagdiriwang ay ang walang-awang pagpaslang, panghaharas, at sapilitang pagpapasuko sa mga inosenteng bata at sibilyan na ginagamit pa ninyong tropeo sa inyong mga operasyon. Hinding-hindi namin tatalikuran ang mga masang magsasaka na matagal nang naghahangad na kayo ay lumayas sa kanilang mga komunidad at mga bukirin sampu ng mga amo ninyong panginoong may lupa. Ang bawat taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan ay pagkamit ng hustisya para sa mga mamamayan na inyong pinapaslang, pinahihirapan, at patuloy na binubulabog.

Kahit maglabas muli kayo ng pahayag at bawat letra ay sulitin, tandaan na ang kasinungalingan ay kasinungalingan, ilang beses mang ulitin.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

BTWT – Pinoy Weekly

Matagal nang maalamat sina Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon sa

Not subject to audit is the new norm

The proliferation of confidential funds has reached a fragile state