PRWC » Comrade Kathryn Tribute Message for Josephine Mendoza


Binibigyang-pugay ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Timog Katagalugan at lahat ng yunit sa ilalim ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog si Josephine “Ka Sandy” Mendoza sa pag-aalay ng kanyang kaisa-isang buhay para sa bayan.

Kasama ang buong sambayanan, nagluluksa ang Pulang hukbo sa rehiyon sa pagpanaw ng isang mahusay na proletaryong lider. Dinadakila siya ng Pulang hukbo, masang magsasaka, manggagawa, kabataang estudyante, kababaihan, pambansang minorya at iba pang aping uri at sektor sa lipunan sa kanyang mahusay na pagdidirihe sa pakikibakang masa sa rehiyon.

Inspirasyon para sa amin, laluna sa’ming mga kabataang kababaihan, Pulang mandirigma at batang kadre ang dakilang buhay at alaala ni Ka Sandy. Namulat siya sa gitna ng lagim ng diktadurang US-Marcos. Mula nang sumapi sa Kabataang Makabayan noong 1982, tuluy-tuloy siyang kumilos hanggang sa maging kasapi ng Partido at Pulang mandirigma. Buong tapang siyang tumugon sa panawagang sumapi sa NPA at ipundar ang mga sona at larangang gerilya sa rehiyon. Hindi matatawaran ang kanyang husay at ambag sa pagsusulong ng rebolusyon sa Timog Katagalugan at buong bansa.

Hindi nalalayo ang sitwasyon natin ngayon sa marahas na Martial Law na hinarap at binigo ng henerasyon nina Ka Sandy. Nananatiling nakalukob sa ating bayan ang karimlan dahil nananatili ang paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Tulad ni Ka Sandy, hamon sa ating mga kabataang kadre at Pulang mandirigma na magsilbing liwanag sa gitna ng pagdurusa ng mamamayan. Gamitin nating tanglaw ang rebolusyonaryong mga aral at alaala ng mga dakilang martir upang walang kapagurang isulong ang rebolusyon.

Tayong mga naiwan ni Ka Sandy at iba pang minamahal na mga kasama ay nararapat na magpursige at magpunyagi sa gitna ng mga kahirapan, sakripisyo at kamatayan. Ito ang ating sagradong tungkulin upang matupad ang minimithing pagpapalaya sa bayan. Buong sikhay nating imulat, organisahin at pakilusin ang masang Pilipino. Mahalin natin ang sambayanan nang higit sa ating sarili! Ang walang pag-iimbot na pag-aalay ng sarili ay tatak ng isang tunay na proletaryado’t komunista at siyang dahilan kaya’t minamahal at sinusuportahan tayo ng masang api.

Ipinakita ni Ka Sandy sa kanyang buhay at pakikibaka na kaakibat ng pagmamahal sa uring api ang makauring poot at galit sa nang-aapi at nagsasamantalang uri. Ibaling natin ang pagluluksa sa rebolusyonaryong galit at determinasyon na gapiin ang imbing kaaway. Ngayong nakapanumbalik sa kapangyarihan ang mga Marcos at nangangarap na muling itatag ang kanilang diktadura, nararapat na magbangon ang lahat ng mga rebolusyonaryong pwersa. Sa ganito natin tunay na madadakila ang ating minamahal na mga martir at mabibigyang hustisya ang mamamayan.

Patuloy nating ipagtanggol at payabungin ang ipinundar ng mga rebolusyonaryong martir sa higit limang dekadang pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon. Mataba ang lupa para ibayong sumikad ang pakikibaka ng bayan. Ubos-kaya nating biguin ang lahat ng pang-aatake at pakana na ihiwalay ang masa sa rebolusyon. Napakalaking tagumpay na nananatiling nakatayo ang mga sona at larangang gerilya sa rehiyon sa kabila ng walang puknat na pang-aatake ng estado. Napakalaki ring tagumpay na hindi nadurog ang pakikibaka ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, pambansang minorya at iba pang aping uri at sektor sa harap ng puting lagim sa bisa ng Anti-terrorism Act.

Gayunman, kailangan nating higit na patatagin ang ating hanay at itaas ang antas ng ating paglaban. Itayo at palawakin natin ang mga muog na baseng masa sa mga sonang gerilya at kabayanan. Buong sikhay nating tupdin ang mga tungkulin sa armadong pakikibaka kasabay ng pagpapanibagong sigla at lakas ng kilusang masa sa kalunsuran.

Makakaasa si Ka Sandy at ang buong sambayanan na gagawin natin ang lahat para sa pagtatagumpay ng rebolusyon. Libu-libong kadre ng Partido at kumander ng NPA ang nakahandang humalili, tumangan at gumampan sa naiwan at nakaatang na mga tungkulin. Bahagi ito ng patuloy nating pagpupugay sa kanilang kabayanihan at kadakilaan.

Sa pag-igting ng pakikibaka at tunggalian, higit pang mapapanday ang mga kadre ng Partido, mandirigma ng NPA at rebolusyonaryong masa. Nararapat lamang na patuloy nating tanganan ang rebolusyonaryong diwa sa gitna ng mas mahihirap na sakripisyo, pagbalikat sa mas mabibigat na tungkulin at pagsuong sa lumalaking mga responsibilidad.

Buong puso nating ialay ang ating lakas, talino at kaisa-isang buhay para sa bayan. Hanggang sa huli, hanggang sa tagumpay!

Mabuhay ang alaala ni Josephine “Ka Sandy” Mendoza!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Click here to download.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!