Tulad ng marami na niyang nagdaang deklarasyon, ang pahayag ni Marcos ngayong araw na wala nang ni isang larangang gerilya ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) ay hindi mapaniwalaan ng mamamayan at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa.
Kung totoo nga ang mga deklarasyon ni Marcos, bakit mayroon pang 60-70,000 tropang pangkombat ang militar at pulis (o nasa 150 batalyon ng AFP at PNP na mga yunit para sa kontra-insurhensya) na nananatiling nakapakat laban sa BHB sa buong bansa? Sa sinasabi ni Marcos, dapat niyang sagutin bakit patuloy pa ring nakapokus at nakapakat ang AFP pangunahin laban sa BHB, sa halip na naghahanda para ipagtanggol ang bansa laban sa armadong sigalot sa pagitan ng US at China?
Bakit patuloy na kumakain ang AFP ng malaking bahagi ng pambansang badyet na para lamang lustayin ang ilandaang milyong piso para paliparin ang kanilang mga jet fighter at drone, maghulog ng mga 250-lb na bomba at manganyon gamit ang mga howitzer? Bakit patuloy silang gumagasta ng dang-daang milyong piso para panatilihin ang 50,000-lakas na pwersang paramilitar at nagtatayo ng mga kampo sa daan-daang mga barangay sa buong bansa? Bakit nagsingit si Marcos ng ₱6 bilyon para higit na dagdagan ang badyet ng AFP?
Nananaginip si Marcos Jr sa pagpapahayag na wala nang aktibong mga larangang gerilya ang BHB. Ang totoo, nananatiling aktibo ang BHB sa 14 na panrehiyong kumand nito sa buong bansa na mayroong kani-kanyang ilang mga larangang gerilya. Sa kabila ng pagdurusa sa mga pag-atras sa nagdaang mga taon, malayo sa pagkagapi ang BHB. Sa ilalim ng gabay ng Partido, natuto ang BHB sa mga aral at determinadong biguin ang brutal na mga opensiba ng AFP. Pinuspos ng kilusang pagwawasto ng PKP ang mga Pulang mandirigma at kumander ng BHB ng panibagong rebolusyonaryong lakas para paglingkuran ang sambayanan.
Sa harap ng malubhang krisis at lumalalang pang-aapi sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema, nananatiling superyor sa pulitika ang BHB at ang digmang bayan laban sa AFP at sa suportado-ng-US na gera ng terorismo ng estado nito. Kinakatawan ng BHB ang mithiin ng mga magsasaka at manggagawa na bumubuo sa malawak na mayorya ng mamamayang Pilipino, habang kinakatawan ng AFP ang mga interes ng maliit na minorya ng malalaking burgesyang kumprador, malalaking panginoong maylupa, at korap na mga burukrata na patuloy na nagtatanggol sa bulok na naghaharing sistema.
Patuloy na nagsasagawa ang BHB ng mga maniobrang gerilya para basagin ang pagkubkob ng AFP, para tuluy-tuloy na magbuo ng mas malaking baseng masa at mapalawak ng mga larangang gerilya nito. Patuloy itong maglulunsad ng taktikal na mga opensiba para patamaan ang mahihinang mga bahagi ng kaaway kung saan lubos silang mabibigla. Titiyakin ng BHB na dadaigin nito si Marcos, tulad paanong dinaig nito ang kanyang ama at lahat ng mga suportado-ng-US na mga gubyerno sa nagdaang 35 taon na lahat ay nagyabang na dudurugin ang BHB.
Ang mga deklarasyon ni Marcos ay ipinahayag alinsunod sa kagustuhan ng dayuhang mga mamumuhunan na desperado niyang inaakit gamit ang mga pangako ng walang limitasyong akses sa lupa at likas na yaman ng bansa.
Para paglingkuran ang interes ng dayuhang malalaking kapitalista, gumasta ang AFP ng daan-daang bilyong piso sa nagdaang anim na taon para maglunsad ng madugong kampanya ng terorismo ng estado, partikular na sa kanayunan. Naglunsad ito ng mga aerial bombing at panganganyon, at nagsagawa ng daan-daang mga kaso ng ekstrahudisyal na pagpaslang, pagdukot at tortyur. Pinakabrutal ang kampanyang ito sa mga erya kung saan pinakaagresibo sa pag-agaw sa lupa ng mga magsasaka at lupang ninuno ang malalaking kumpanya sa mina, plantasyon at ekoturismo at mga proyektong imprastruktura.
Sa kabila nito, o dahil nga dito, ang mamamayang Pilipino, laluna ang masang magsasaka at kanilang mga kabataan, ay patuloy na sumusuporta at sumasapi sa BHB dahil alam nilang tanging sa paglulunsad ng armadong pakikibaka nila maipagtatanggol ang kanilang mga karapatan sa ekonomya at pulitika. Alam ng mayorya ng inaaping magsasaka at manggagawang bukid na nagdurusa mula sa pang-aagaw ng lupa, pang-aagaw sa kanilang kabuhayan at pampulitikang panunupil, na kung wala ang BHB, wala silang kahit ano.