Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng NDFP-ST kay Josephine “Ka Sandy” Mendoza, isang ulirang lider ng rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan. Namartir siya bunsod ng isang karamdaman. Ang kanyang walang pag-iimbot na paglilingkod sa masang Pilipino ay punumpuno ng maniningning na alaala at aral na nagbibigay-inspirasyon sa kasalukuyang henerasyon ng mga rebolusyonaryo. Hamon sa mga naiwang kasama na ipagpatuloy at ibayong isulong ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya hanggang sa huling hininga, tulad ni Ka Sandy at ng lahat ng mga rebolusyonaryong martir.
Larawan si Ka Sandy ng isang walang kapagurang pinuno na laging inuuna ang kapakanan ng mamamayan at mga kasama kaysa sarili. Kahit nasa banig ng karamdaman ay patuloy siyang gumampan ng mga rebolusyonaryong gawain sa abot ng kanyang makakaya. Bilang isang rebolusyonaryong ina, tiniyak niyang tumimo sa isip ng kanyang mga anak na siya’y una sa lahat, ay para sa bayan. Nakita ng mga kasama sa kanya ang larawan ng isang proletaryong lider na nagwaksi sa sariling interes upang buumbuong makapaglingkod sa rebolusyon sa gitna ng mga kahirapan, panunupil ng estado at maging pasakit sa kanyang kalusugan.
Matapos ang ilang panahong pakikipaglaban sa kanyang karamdaman, pumanaw si Ka Sandy sa edad na 59 taong gulang nitong Nobyembre 10. Nagluluksa ang lahat ng mga rebolusyonaryo at demokratikong pwersa ng rehiyon, laluna ang kanyang mga nakadaupang palad at nakasama sa gawain na itinuring siyang guro, kaibigan at ina sa pakikibaka. Laging maalaala ng mga kasama ang mahigpit na atensyon sa detalye ni Ka Sandy, na lumalabas hindi lamang sa pagpapatupad ng mga gawain kundi maging sa kanyang pag-aasikaso sa mga kasama.
Napakaraming humahanga at nagnanais na tularan ang huwarang halimbawa ng pagiging rebolusyonaryo ni Ka Sandy. Naging tatak niya ang walang kaparis na dedikasyon at kasigasigan sa pagtupad sa tungkulin mula nang umanib siya sa pambansa demokratikong kilusan noong 1982. Namulat siya sa loob ng eskwelahan at sumapi sa Kabataang Makabayan sa gitna ng marubdob na pakikibakang bayan laban sa diktadurang US-Marcos I. Noong 1984, sumampa siya’t naging kasapi ng Bagong Hukbong Bayan sa larangang gerilya ng Mindoro. Doon siya namalagi at nagsilbi bilang edukador, propagandista at kadre ng larangan hanggang komite ng Partido sa isla. Pagsapit ng 1994, itinalaga siya sa mahalagang gawain para sa pagtatayo ng sonang gerilya sa Palawan. Lubos niyang minahal ang masang Mindoreño at Palaweño kabilang ang mga katutubong pamayanang inabot ng kanilang yunit. Baon niya para sa kanyang mga anak ang mga kwento ng magiting na pakikibaka ng masang magsasaka at katutubo para sa lupa at kanilang karapatan.
Kinalaunan, binalikat ni Ka Sandy ang mabigat na tungkuling idirehe ang hayag na demokratikong kilusan sa kalunsuran sa Timog Katagalugan. Katangi-tangi ang kanyang papel sa pagpapasikad ng kilusan at kampanyang masa sa rehiyon at paglulunsad ng malalaking aksyong protesta na nag-ambag sa mga pambansang pagkilos. Bilang pinuno ng masa, malalim niyang sinapul ang kanilang kalagayan at kahilingan. Isinapraktika niya ang wastong linya sa pagpapalawak ng nagkakaisang prente at tinurok ang interes ng nakararami upang ibunsod ang kanilang pagkilos. Pinangunahan niya ang matapang na pagharap sa mga palalong kaaway. Anumang balakid para ipagtagumpay ang gawain ay kanyang hinahanapan ng solusyon sa pamamagitan ng pagiging mapanlikha at mapamaraan.
Kung kaya’t sa direksyon ni Ka Sandy, malakas na itinambol ng mamamayan ng Timog Katagalugan ang kanilang mga karaingan hanggang sa pambansang kabisera mula panahon ng rehimeng Estrada, Arroyo, BS Aquino, Duterte at hanggang sa ilehitimong rehimeng Marcos II. Hindi nanahimik ang mga demokratikong pwersa ng TK sa harap ng matutunog na isyung pambansa habang ang mga lokal na pakikibaka ng rehiyon ay itinambol sa mas malawak na entablado. Nakaukit na sa kasaysaysan ng pakikibaka sa rehiyon kung papaano itinaguyod ni Ka Sandy ang panawagang “Lahat para sa pagtatanggol ng mga larangang gerilya at baseng masa!” sa panahon ng pananalasa ng Oplan Bantay-Laya I at II ni Arroyo. Hawak ang mga aral at tagumpay sa panahon ni Arroyo, saksi din ang Partido sa TK kung paano nya tinipon ang lakas ng demokratikong kilusang masa sa kalunsuran para ipagtanggol ang South Quezon Bondoc Peninsula noong 2012. Inani nito ang di matatawarang suporta sa loob at labas ng rehiyon para ipagtanggol ang masang magsasakang hinahambalos ng matinding teroristang pang-aatake ng AFP-PNP. Naging materyal itong bagay sa pagbigo ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ng Quezon sa imbing pakana ng rehimeng US-BS Aquino na wakasan ang rebolusyonaryong paglaban sa probinsya.
Ilan lamang ang pukpukang pagharap sa pananalasa ni Palparan sa Mindoro noong 2002-03, pagsagip sa SQBP noong 2012 sa napakaraming pagkakataong nagtatanghal kay Ka Sandy bilang isa sa pinakamasugid na tagapagtanggol ng karapatang tao. Sa buong panahon ng kanyang pamumuno sa kilusang masa, mahusay niyang ginabayan ang mga demokratikong pwersa upang salagin at biguin ang pang-aatake ng pasista at papet na estadong malakolonyal at malapyudal na kontrolado ng US. Nasa unahan siya ng paglaban sa puting lagim at pagbigo sa pagtatangkang igupo ang pambansa demokratikong pakikibaka sa mga eskwelahan, pagawaan, komunidad at sa mga susing bayan sa rehiyon. Hindi niya pinalalampas ang mga krimen ng estado at uring PML-MBK laban sa mamamayan. Pangunahin niyang atas ang paglalantad sa mga salaring berdugo at pagpapakilos sa pinakamaraming mamamayan upang kundenahin ang mga pasista. Matalinong ginamit ang lahat ng arsenal ng kilusang masa mula sa pakikibaka sa mga korte, hayag at lihim, ligal at iligal na mga aksyon at pagpapalawak ng nagkakaisang prente-alyansa sa mga panggitnang pwersa. Sa kanyang mahusay na direksyon, matagumpay na ipinagtanggol ang karapatang tao ng mga magsasaka, manggagawa at iba pang aping uri’t sektor. Pinanghawakan ng mga pwersa sa TK, sa pamumuno ni Ka Sandy, ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law sa paggigiit ng karapatang tao.
Isang tunay na tagapagtaguyod ng kapayapaan si Ka Sandy na sumuporta sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Itinambol sa TK ang programa sa pamamagitan ng kampanyang edukasyon at propaganda sa kanayunan at kalunsuran. Ipinalaganap sa mamamayan ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms na siyang puso at laman ng negosasyong pangkapayapaan. Ipinaglaban ni Ka Sandy ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon sang-ayon sa programa ng pambansa demokratikong rebolusyon. Batid niya na ang daan tungong tunay at pangmatagalang kapayapaan na nakabatay sa hustisyang panlipunan ay nasa katuparan ng pambansa at demokratikong kahilingan ng masang Pilipino.
Tiniyak ni Ka Sandy na magsisilbi ang kilusang masa sa kalunsuran sa pagpapalakas ng armadong pakikibaka sa rehiyon. Nagsikhay siyang palawakin at palalimin ang balon ng suportang moral at materyal para sa Pulang Hukbo. Marami sa kanyang mga sinanay na kabataan at kadre sa lungsod ang kalauna’y naging mga kadre sa mga larangang gerilya sa TK.
Tunay na walang sinayang na sandali si Ka Sandy sa mahigit apatnapung taong kanyang inialay sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon.
Dapat tularan ng kasalukuyang henerasyon ng mga rebolusyonaryo ang ipinamalas niyang katatagan sa pakikibaka at katapatan sa mithiing palayain ang bayan hanggang maitatag ang sosyalistang lipunan.###