PRWC » Determinado ang mamamayan at rebolusyonaryong kilusan na lumaban hanggang sa ganap na tagumpay!

August 28, 2024


Pawang mga kasinungalingan at puro hangin ang laman ng huling pahayag ng sagad-sagaring paisistang si Eduardo Año, kasalukuyang National Security adviser ng rehimeng US-Marcos II, hinggil sa usapang pangkapayapaan.

Ayon kay Año, hindi maaring mailunsad ang usapang kapayapaan sa pagitan ng reaksyunaryong Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) dahil sa hindi pag-kompromiso ng NDFP na itakwil ang armadong pakikibaka at hindi kuno pagsunod ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa tigil-putukan—patunay diumano ng di pagiging sinsero ng rebolusyonaryong kilusan sa usapang pangkapayapaan.

Para sa kaalaman ni Año at mga katulad niyang utak pulburang heneral ng AFP-PNP, sa lahat ng pagkakataong humarap ang NDFP sa usapang pangkapayapaan ay seryosong hinangad nito ang kalutasan ng ugat ng digmang sibil sa bansa. Laging pinapanguna ng NDFP ang mga susing usapin ng paggalang sa karapatang tao sa gitna ng digmang sibil, mga repormang sosyo-ekonomiko tulad ng tunay na reporma sa lupa at pagtitindig ng pambansang industriya at iba pang rekisito para matamasa ng mamamayan ang kanilang mga batayang karapatan at umiral ang hustisyang panlipunan. Ang NDFP ay di kailanman nagsara ng pinto sa usapang pangkapayapaan dahil mulat na sinasagpangan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang lahat ng pagkakataon para tugunan ang kahirapan ng sambayanan.

Samantala, ang GRP—sa udyok ng mga militaristang heneral ng AFP at mapandigmang amo nito na imperyalistang US—ay ilang beses nang tusong ginamit ang usapang pangkapayaan upang ilihis ang rebolusyonaryong kilusan mula sa makatwirang linya ng armadong pakikibaka at brasuhin ang CPP-NPA-NDFP sa pagbitiw sa sandata at paglusaw sa Hukbong Bayan. Ito’y sa kabila ng pagpirma ng GRP sa kasunduang nagsasaad na dapat unang talakayin at pagkasunduan ng GRP at NDFP ang mga repormang sosyo-ekonomiko at pampulitika bago pag-usapan ang pagtigil ng mga labanan at disposisyon ng mga pwersa.

Bukod pa rito, ginawa nang patakaran ng GRP ang paglabag sa mga unang kasunduan sa usapang pangkapayapaan. Hindi lang iilang mga NDFP peace consultant ang ikinulong sa gawa-gawang kaso, binansagang terorista, dinukot at pinatay ng mga pwersa ng estado sa kabila ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Pinandidirihan at kinamumuhian naman ng malawak na hanay ng masa ang AFP-PNP dahil sa brutal na digmang kontra-insurhensya nito na kinatangian ng kabi-kabilang paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Buong kasinungalingan ding ipinagkakalat ni Año na may tunggalian daw sa hanay ng CPP-NPA-NDFP hinggil sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan (DRB) upang palabasing napahina ng mapanlinlang na localized peace talks ang pambansang pagsulong ng armadong pakikibaka. Mula nang ilinaw ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang mga patakaran nito sa usapang pangkapayapaan, wala ni isang larangang gerilya ang nahulog sa patibong na ito.

Ang kawalang kaseryosohan ng GRP sa usapang pangkapayapaan upang lutasin ang ugat ng armadong sigalot ang pangunahing hadlang sa pagtutuloy at pagtatagumpay ng usapang pangkapayapaan. Taliwas sa pagmamayabang ni Año, hindi kailanman magiging lipas o mawawalan ng saysay ang DRB hanggat walang lupa ang mga magsasaka, busabos ng napakababang sahod at kawalan ng regular na trabaho ang mga manggagawa at pinagkakaitan ang masa ng kanilang mga pangangailangan at karapatan para sa ganansya ng iilang lokal naghaharing uri at ng imperyalistang US.

Anumang pagtatangkang palabasing nanghihina o malapit nang matalo ang rebolusyon, patuloy na maniniwala, susuporta at lalahok ang masang api sa DRB. Mulat ang masa na rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang natatangi at pinakamaaasahan nilang sandigan laban sa bulok, mapagsamantala at pahirap na sistema. Ang buong pusong pagyakap ng masa sa rebolusyon ang dahilan bakit determinado ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa Mindoro at sa buong bansa na magpalakas at isulong sa mas mataas na antas ang DRB.

Ating pasubalian ang mga kasinungalingan ng rehimeng US-Marcos II sa mas mahigpit na pagtangan sa wastong linya ng DRB. Magpunyagi tayo sa pagmumulat, pag-organisa at pagpapakilos sa masa para sa kanilang pambansa demokratikong interes. Ibayo nating palakasin ang BHB at armadong pakikibaka, isulong ang rebolusyong agraryo at palawakin at patibayin ang ating baseng masa. Isulong at ipagtagumpay natin ang matagalang digmang bayan para sa tunay, pangmatagalan at makatarungang kapayapaan.

Mamamayang Mindoreño, makibaka para sa katarungan at kapayapaan! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Sagot sa kahirapan, digmang bayan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

European Lawmakers Call for Cooperative EU Approach to China

On Tuesday, some members of the European Parliament (MEPs) called

Paninindigan para sa paninirahan, kabuhayan, at karapatan –

“Hindi kami aalis!” halaw ito sa liriko ng kanta ng