PRWC » Food Stamp program ng administrasyong Marcos Jr, isang malaking insulto sa masang Pilipinong nagugutom

November 4, 2023


Tunay ngang pulubi ang pagtingin ni Marcos Jr sa bawat pamilyang nagugutom sa ilalim ng kanyang administrasyon. Ito ay kasunod ng inilabas nitong Executive Order no. 44 o ang “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program” na kung saan ay ipinagmalaki pa ng adiministrasyon nito na isa umano sa mga mayor na programa ng gobyerno para ibsan ang kagutuman at malnutrisyon sa bansa.

Sa ilalim ng programang ito ay bibigyan ng Electronic Benefit Transfer Card (EBTC) ang bawat pamilyang kumikita ng mas mababa sa ₱8,000. Ang EBT-card ay naglalaman ng ₱3,000 at isang beses lamang ito maaaring gamitin.

Ngunit para sa masang CamNorteño isa lamang itong maituturing na “limos” at lalo’t higit hindi ito makatarungang ipagmayabang. Masahol pa, na tawagin bilang solusyon sa laganap na kagutuman at malnutrisyon sa bansa ng inutil na reaksyunaryong estado. Ang eskemang ito ay daan lamang para sa kurapsyon ng mga opisyal ng gobyerno. Tiyak ba na ang mabibigyan ay iyong talagang mahihirap? Lahat ba na ilalaang badyet ay tiyak na mapupunta sa pagpapatupad ng nasabing programa?

Halos araw-araw gumagapang ang taumbayan sa labis-labis na krisis: walang makain dahil sa mababang sahod, kawalan ng istableng trabaho at kabuhayan. Sa tindi rin ng presyo ng mga bilihin at bayarin ngayon, saan aabot ang ₱3,000.

Ayon pa sa datos, mula 2020 hanggang sa kasalukuyan ay nangunguna pa rin ang Pilipinas sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya na mayroong laganap na kagutuman at malnutrisyon bunsod ng kawalan ng akses sa sapat at mga masusustansyang pagkain at kawalang katiyahan ng pagkukunan ng pagkain o Food Insecurity. Kung pagbabatayan ang isang milyong target ng food stamp ni Marcos ay napakalayo nito sa aktwal na bilang ng nakararanas ng krisis sa pagkain.

Batay sa datos na inilabas ng IBON Foundation ay umaabot ng 50.9 milyong populasyon o katumbas ng 44.7% ng kabuuang 110 milyong populasyon ng bansa ang direktang nakararanas ng matinding gutom, kulang o hindi nakakakain ng tatlong beses sa isang araw.

Patunay nito, kahit sa prubinsya ay laganap ang malnutrisyon at/o maituturing na hindi nakakakain ng sapat at masustansya. Lalot higit naitala sa prubinsya nito lamang buwan ng Agosto ang pinakamataas at mabilis na pagsirit ng implasyon. Pinakamataas ito sa buong rehiyon ng Bikol.

Hindi kailanman sagot ang mga patse-patseng solusyon sa krisis na nararanasan ng taumbayan. Hindi rin kailanman sagot ang mga panandaliang pantapal sa mga sikmurang dekada ng kumakalam.

“Hindi pulubi ang mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan upang inyong limusan sapagkat sila ang bumubuhay sa lipunan”.

Kinakailangan na ipaglaban ng uring magsasaka ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang walang lupa o kulang ang lupang binubungkal. Kasabay ang suporta, subsidyo sa mga ito at pagpapalakas ng produksyon sa agrikultura na tiyak na pakikinabangan ng taumbayan habang hindi iniiwan ang pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon. Ganito dapat ang ginagawa ng isang matinong estado. Sa ganito rin tiyak na magkakaroon ng matibay na seguridad at akses sa pagkain ang bawat pamilyang Pilipino.

Ipatupad ang Tunay na Reporma sa Lupa!
Ipatupad ang Pambansang Industriyalisasyon!



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss