Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa mamamayang Pilipino sa pagtuligsa sa desisyon ng Korte Suprema na nagpapatibay sa naunang desisyon ng Sandiganbayan na nagbasura sa kaso para bawiin ang ₱1.05 bilyong halaga ng nakaw na yaman ng mga Marcos, kabilang ang mga sapi sa stocks at ari-ariang lupain. Ang kaso ay orihinal na isinampa noong 1987. Ang desisyon ng Korte Suprema ay may petsang Marso 29 ngunit isinapubliko lamang noong nakaraang Miyerkules.
Ang desisyon ng Korte Suprema ay bahagi ng serye ng mga desisyon ng mga korte na pabor sa mga Marcos. Lalo nitong hinahawan ang daan para bawiin ng mga Marcos at kanilang mga kroni ang bilyun-bilyong pisong ari-arian at kayamanang kinamal sa pamamagitan ng burukratikong korapsyon at pribilehiyo ng diktadurang militar noong 1972-1986.
Ang desisyon ng Korte Suprema ay malinaw na palatandaan ng lumalakas na awtokratikong kapangyarihan ni Ferdinand Marcos Jr. Ibinabalik nito ang alaala ng awtoritaryang paghahari ni Marcos Sr na humawak ng labis-labis na kontrol sa buong naghaharing estado para magkamal ng napakalalaking halaga ng yamang tinatayang aabot nang higit $10 bilyon.
Epektibong kinokontrol ngayon ni Marcos ang lahat ng sangay ng gubyerno. Kamakailan, pinirmahan niya ang Maharlika Investment Fund (MIF) na naunang inaprubahan ng sunud-sunurang kongreso. Binibigyan ng MIF si Marcos Jr ng kontrol sa ₱500 bilyong pondong pampubliko na maaari niyang gamitin pabor sa mga kroni, pambili ng katapatang pampulitika, at pampalawak at pampanatili ng kanilang dinastisyang pampulitika.
Ang desisyong ito ng Korte Suprema, at lahat ng iba pang mga hakbanging nagbibigay kay Marcos ng higit na burukratikong pribilehiyo at pagkakataong dambungin ang pondo ng estado, ay nag-uudyok ng galit ng mamamayang Pilipino na hindi nakalilimot sa hindi pa bayad na mga krimen ng pamilyang Marcos, mula sa bilyun-bilyong dolyar na nakaw na yama, hanggang sa daan-daanlibong biktima ng pampulitikang panunupil.
Galit ang sambayanan sa pagbabalik sa kapangyarihan ng naghaharing pangkating Marcos at kung paano nilang ginagamit ang gubyerno para kumakamkam ng yaman at kapangyarihan, habang nagdurusa ang mga manggagawa, magsasaka at karaniwang mamamayan sa lumulubhang kalagayang sosyo-ekonomiko. Habang tumatanggi si Marcos Jr na bayaran ang higit ₱203.8 bilyong buwis, naglalamyerda sa buong mundo at nagpapapiging sa Malacañang, nagdurusa ang sambayanang nagdurusa sa sumisirit na presyo, mababang sahod, kawalang trabaho, kawalang lupa at malawakang pagkakamkam sa kanilang kabuhayan.