PRWC » Hiwalay sa kongkretong sitwasyon ng mayora ng taumbayan ang SONA ni Marcos


Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa kanyang ikatlong state of the nation address (SONA) ngayon, nagsalita si Marcos mula sa isang fantasy bubble, ganap na hiwalay sa mga katotohanan ng pang-aapi at pagsasamantala na kinakaharap ng karamihan ng mamamayang Pilipino. Nagsimula siyang magsalita tungkol sa karaniwang reklamo ng mataas na presyo ng pagkain, nang hindi nag-aalok ng mga konkretong solusyon, at mabilis na ibinaon ang katotohanan sa pamamagitan ng paglipat ng pahina at pagsatsat tungkol sa kanyang mga tunog-engrandeng tagumpay.

Hindi pinansin at tinakpan ni Marcos ang matinding panlipunang realidad na kinakaharap ng milyun-milyong magsasaka at manggagawa, mangingisda, pambansang minorya, mga walang trabaho, mga maralitang tagalungsod, mga estudyante at kabataan, kababaihan, at iba pang sektor ng masang anakpawis.

Lumikha si Marcos ng isang larawan ng alternatibong katotohanan. Sinadya niyang imenos ang mga problema tulad ng pagsirit na presyo ng pagkain, serbisyo at yutiliti (lalo na ang nakabimbing matarik na pagtaas ng singil sa kuryente), labis na kulang na sahod, matinding kawalan ng trabaho at kontraktwalisasyon, kung paano ninanakawan ang mga karaniwang tao ng kanilang lupa at kabuhayan, at kung paano sila pinapatay o ikinukulong dahil sa pagtindig para sa kanilang mga karapatan.

Maling inilarawan ni Marcos ang kanyang sarili bilang isang makabayan para sa diumano’y paggigiit ng soberanya ng Pilipinas at pagdala ng linyang “atin ang West Philippine Sea,” habang pinalalabo ang katotohanan na siya ay ganap na sumuko sa dikta ng kanyang imperyalistang amo ng US na gawing base militar ng Amerika ang bansa, para ipwesto ang kanilang mga tropa, ipakat ang kanilang mga sandata, at kaladkarin ang bansa sa sigalot nito sa China.

Ang tanging nasiyahan sa pagsasalita ni Marcos ay ang malalaking negosyo, dayuhang kapitalista, at burukrata-kapitalista. Lahat sila ay nakinabang sa kanyang katiwalian, sa patakaran ng kanyang gobyerno sa todong liberalisasyon sa pag-aangkat, sa mga proyektong imprastrukturang pinondohan ng dayuhan at may garantiya ng gubyerno na mahigpit na tinututulan ng mga tao (tulad ng Jalaur at Wawa dam), at sa patakaran ng murang paggawa, at pagpapalit-gamit sa libu-libong ektarya ng lupa upang makaakit ng dayuhang pamumuhunan.

Ang tunay na kalagayan ng bansa ngayon ay malinaw na narinig sa mga lansangan sa labas ng Kongreso, gayundin sa mga probinsya, at sa sigaw ng mga migranteng manggagawa sa ibang bansa. Inilahad ng mga ordinaryong tao ang kanilang pang-araw-araw na problemang panlipunan at pangkabuhayan, at kung paano sila nahaharap sa pampulitikang panunupil at terorismo ng estado.

Umalingawngaw sa buong bansa ang sigaw nila para sa pagtaas ng sahod, pagbaba ng presyo, disenteng trabaho, libreng pampublikong serbisyong pangkalusugan, libreng edukasyon, tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ipinahayag nila ang kanilang sama-samang poot sa rehimeng US-Marcos at ang kanilang determinasyon na ipaglaban ang kanilang pambansa at demokratikong adhikain.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!