PRWC » Hustisya para kay Cristina Miguel!


Ang artikulong ito ay may salin sa English

Napopoot ang buong rebolusyonaryong pwersa, ang masang magsasaka at lahat ng mga kaibigan at alyado ng rebolusyonaryong kilusan sa Cagayan Valley sa mapaniil na estadong nagpiit hanggang mamamatay sa bilangguan si Kasamang Cristina Miguel o mas kilala ng masa bilang Ka Asad o Ka Sig.

Dahil sa katandaan, may iniinda na siyang mga karamdaman tulad ng asthma, hypertension at osteoarthritis bago pa man siya ikinulong dahil sa mga gawa-gawang kaso. Lumala ang mga karamdamang ito sa loob ng apat na taong pagkakabilanggo.

Noong nakaraang taon, dinapuan siya ng COVID-19 at kalauna’y nagkaroon ng pneunomia. Ilang beses siyang nawalan ng malay dahil sa kahirapan sa paghinga. Makaraan siya ay nadayagnos na may kanser sa baga. Ito ang ikinamatay niya sa edad na 67, na hindi man lamang nabigyan ng karampatang propesyunal na atensyong medikal habang nakapiit sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Tuguegarao City. Sa kabila ng mga panawagan at apela ng kanyang abogado at grupo ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao na siya ay makalaya at agarang maipagamot, ipinagkait ito ng korte, kahit pa marami nang na-dismiss sa mga kasong isinampa sa kanya.

Hindi hiwalay ang kalagayan ni Ka Sig sa kalagayan ng marami pang detenidong pulitikal na kalakhan ay matatanda at may mga iniindang sakit. Ang pagkakait sa kanila ng karapatang-medikal ay hindi makataong pagtrato at tahasang paglabag sa mga batayang karapatan ng isang detenido at lalo na bilang tao.

Pinakamataas na pagkundena ang ipinapaabot ng National Democratic Front-Cagayan Valley sa pagkakait ng mga karapatan ni Ka Sig na humantong sa kanyang paghihirap at pagkamatay at sa pagsahol ng mga kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao sa mga katulad niya na biktima ng pasismo at pandarahas ng estado. Itinuturing ng mapanupil na estado na “kalaban” at “banta sa lipunan” ang mga tulad ni Ka Sig na buong-buhay na naglingkod sa mamamayang api at pinagsasamantalahan, at “krimen” ang pagkamuhi sa pang-aapi at pagsasamantala at pagtataguyod sa isang lipunang tunay na malaya, makatarungan at may pagkakapantay-pantay.

Hustisya para kay Cristina Miguel at sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang-tao!
Palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal!
Panagutin ang rehimeng US-Marcos Jr!



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!