Inilunsad sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga pagdiriwang, pagtitipon at pulong pag-aaral ng mga sangay at komite ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), ng National Democratic Front of the Philippines at mga alyadong organisasyon nito, sa huling dalawang linggo ng Disyembre 2023. Ito ay bilang paggunita sa ika-55 anibersaryo ng Partido noong Disyembre 26.
Pangunahing tinalakay sa mga pagtitipon ang pahayag ng Komite Sentral (KS) ng Partido sa okasyon ng anibersaryo. Tampok sa mga talakayan ang kilusang pagwawasto na isinusulong ng Partido sa pangunguna ng KS.
Ipinanawagan ng Partido na “mapagpasya at masigasig na isulong ang isang kumprehensibong kilusang pagwawasto para sa mahalagang pakikibaka para itakwil ang mapaminsalang mga epekto at impluwensya ng iba’t ibang hibo ng burges at petiburges na suhetibismo.”
Sa ilang mga larangan, nagsagawa ng simpleng salu-salo at programa kasama ang masa. Nagkaroon din ng mga pangkulturang pagtatanghal. Inilunsad ang mga aktibidad na ito sa harap ng focused military operations sa ilang larangan, at lingid sa kaalaman ng kaaway sa sikretong tipunan sa kalunsuran.
Bago at sa araw ng anibersaryo, nagsagawa rin ng mga panunumpa ang mga kadre at kasapi ng Partido, kabilang ang mga nasa loob ng hukbong bayan, para patatagin ang kanilang paninindigan sa konstitusyon at programa nito.
KM sa Southern Tagalog
Kabilang sa mga nagdiwang ang daan-daang kabataan sa iba’t ibang panig ng Southern Tagalog sa pangunguna ng Kabataang Makabayan (KM) sa rehiyon. Tinalakay ng mga balangay nito ang pahayag ng KS at Komiteng Rehiyon ng Partido. Ang ilan sa kanila ay nagdiwang sa loob ng larangang gerilya, kasama ang BHB.
Ayon kay Karina Mabini, tagapagsalita ng panrehiyong balangay ng KM, marapat lamang na balik-aralan kapwa ang mga tagumpay at kahinaan upang patuloy na dumaluyong kasama ang sambayanan. Mainit umano ang naging pagtanggap ng kanilang kasapian sa panawagan para sa kilusang pagwawasto.
Pagbabahagi ng KM-Southern Tagalog, sa pagtitipon ng mga balangay nito sa kalunsuran, kabilang sa naging programa ang pagpaplano sa paglulunsad ng paglubog sa mga yunit ng BHB. Nagbahagi rin ng karanasan sa naturang aktibidad ang mga kasapi ng KM-Southern Tagalog na dati nang pumasok sa yunit ng hukbong bayan.
Samantala, naging masaya at panatag umano ang loob ng mga miyembro ng KM sa naging pagdiriwang sa loob ng yunit ng hukbong bayan. Pagkukuwento ng ilang dumalo, “nakatataas ng diwa sa pagpapatuloy ng kampanyang masa at pagsulong ng rebolusyon.” Sa isang kapihan bago bumalik sa lungsod, ibinahagi ng mga bumisita na kagyat na gumaan ang dibdib nila at nawalan ng kaba nang makarating sa larangang gerilya at makitang nandoon ang mga kasamang Pulang mandirigma. Ang ilan sa mga miyembro ng KM-Southern Tagalog ay nagpaiwan na sa yunit upang magsilbing pultaym na mandirigma.
Internasyunal na mga pagbati
Nagpaabot rin ng pakikiisa at pagbati ang iba’t ibang internasyunal na mga partido at organisasyon sa okasyon ng anibersaryo ng Partido. Naglabas ng pahayag ng pakikiisa ang mga organisasyong mula sa India, Turkey, United States, at Ireland, at ang Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS).
Sa bidyo-pahayag ng Komite Sentral ng Communist Party of India (Maoist), pinagpugayan nito ang PKP sa higit limang dekadang pamumuno sa pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayang Pilipino.
“Simula higit limang dekada na ang nakararaan, sumusulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka ng Pilipinas sa gabay ng Komite Sentral ng PKP sa harap ng hindi mabilang na mga pagsubok at pangingibabaw sa mga kamalian at kahinaan at mga liko’t ikot,” ayon sa CPI (Maoist).
Kinilala naman ng Anti-Imperialist Action-Ireland ang “matapang na bagong hakbang” ng Partido sa paglulunsad ng kilusang pagwawasto. Anang grupo, “magbubunga ito ng bagong henerasyon ng mga magbabandila ng rebolusyon at rebolusyonaryo mula sa hanay ng sambayanang Pilipino.” Dagdag pa nila, buo ang kanilang tiwala sa Partido at maipagmamalaking nasasaksikhan nila ang isang panibagong mahalagang yugto sa rebolusyong Pilipino.