PRWC » Ilitaw at palayain ang mga hors de combat na kasapi ng NPA Mindoro


Dapat ilitaw at palayain ng AFP-PNP sina Ka Ed (Sonny Rogelio) at Ka Omeng (Sonny Sambutan), mga mandirigma ng Lucio de Guzman Command – NPA-Mindoro na nabihag ng 203rd Brigade at PNP-SAF matapos ang isang engkwentro noong Oktubre 17 sa Bongabong, Oriental Mindoro. Sugatan si Ka Ed at isang hors de combat o wala sa katayuang lumaban.

Kasama ang dalawa ng yunit ng NPA na nakasagupa ng mga pwersa ng 10th Special Action Battalion at 76th IBPA sa ilalim ng 203rd Brigade sa Sitio Manambao, Barangay Santa Cruz, Bongabong 12 araw na ang lumipas. Ang mga tropa ng SAF na sangkot sa operasyon ay pinamumunuan ng isang Police Lt. John Stephen A. Garna, ayon sa pahayag ng PNP.

Matapos ang nasabing labanan, napahiwalay sina Ka Ed at Ka Omeng mula sa umatras na mayor na pwersa ng yunit ng NPA. Nagsikap ang mga Pulang mandirigma na hanapin at kontakin ang dalawa subalit hanggang ngayon ay hindi pa nakikita o nakakausap man lamang kahit sa cellphone ang sinuman sa kanila.

Batay sa imbestigasyon ng NPA Mindoro, nasugatan sa labanan si Ka Ed at nalagay sa katayuang hors de combat kung kaya inabot ito’t nahuli ng kaaway kasama ang kanyang kabadi na si Ka Omeng. Kinumpirma ito ng mga impormasyong nakalap ng NPA Mindoro mula sa hanay mismo ng ilang elemento ng 203de Bde at PNP-MIMAROPA. Ganoonman, labag sa internasyunal na makataong batas, inilihim ng 203rd Bde at ng PNP-MIMAROPA ang pagkakahuli sa dalawa. Katunayan, naglabas ng pahayag si PMaj. Darwin B. Hernandez, acting Battalion Commander ng 10th SAB kaugnay sa naganap na labanan, kasama ang mga pictures ng mga nakumpiska nilang mga kagamitan ni Ka Ed, ngunit hindi nila inilakip ang pagkakahuli nila sa dalawang mandirigma ng BHB.

Labis na nag-aalala ang NPA-Mindoro sa kalagayan nina Ka Ed at Ka Omeng lalo’t sugatan ang isa sa kanila. Hinahamon namin ang AFP-PNP, lalo ang mga opisyal ng 203rd Brigade at PNP-SAF na naka-engkwentro nina Ka Ed at Ka Omeng, na ilabas ang dalawa at ipakitang nasa maayos silang kalagayan. Higit pa, dapat kagyat na bigyan ng atensyong medikal si Ka Ed.

Ang dalawang kasama ay maituturing na mga bihag ng digma (prisoner of war o POW) na nagtataglay ng mga karapatan sa ilalim ng Geneva Convention Relative to the Treatment of Prisoners of War (August 12, 1949). Nakasaad sa Part II, Article 13 ng nasabing kumbensyon na ang mga POW ay dapat makataong tratuhin sa lahat ng pagkakataon. Ipinagbabawal ang pananakit, pagtortyur at pagganti sa kanila ng kalabang pwersa na siya ring nagdedetine sa kanila.

Kinokondena namin ang tuso at mapanlinlang na pagtatago sa dalawang mandirigma ng NPA Mindoro at pagkakait sa kanilang karapatan sa ilalim ng internasyunal na makataong batas.Nangangamba ang NPA-Mindoro sa sinapit at maaaring sapitin nina Ka Ed at Ka Omeng sa kamay ng AFP-PNP na may madugong rekord pagdating sa karapatang tao. Hindi rin kami mapapalagay lalo’t sa buong panahong nawawala ang mga kasama ay walang imik ang AFP-PNP kung nahuli at ipiniit nila ang dalawa. Ang paglilihim sa tunay na estado ng dalawang kasama ay nagpapahiwatig na hindi maayos ang kanilang kalagayan.

Sinumang may impormasyon sa kalagayan nina Ka Ed at Ka Omeng ay hinihikayat na makipag-ugnayan sa NPA-Mindoro o sa mga grupong nagtatanggol sa karapatang tao at maaari rin, sa nyutral na organisasyong International Committee of the Red Cross. Dapat igalang at itaguyod ang karapatan ng mga POW at ng mga kasapi ng NPA bilang nakikidigmang pwersa, at sa pinakabatayan, bilang mga tao na mayroon ding dignidad at karapatang mabuhay.###



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!