PRWC » Insulto sa mga magsasaka sa Masbate ang pamamahagi ng lupa ng DAR-5 sa mga paramilitar, CAFGU at ex-NPA

April 2, 2023


Malaking insulto sa aming magsasaka ang pamamahagi ng Department of Agrarian Reform – Bikol (DAR-5) sa mga taksil na CAFGU, mga retiradong militar at pulis maging sa mga rebel returnees. Marami sa kapwa naming magsasaka sa prubinsya ang wala o kulang ang lupang binubungkal. Sila ang nararapat na mga benipisyaryo na dapat pinamahagian ng lupa.

Ang nasabing mga benipisyaryo ng DAR – Bikol ay sangkot sa paghahasik ng takot at teror sa mamamayang Masbatenyo. Imbwelto ang nasabing mga armadong grupo mula sa pagnanakaw ng mga alagang hayop hanggang sa pagpaslang sa mga magsasaka laluna sa mga palibot sa mga lupaing target ng pangangamkam ng estado.

Patunay ang pamamahagi ng DAR – Bikol sa pamumuno ni pangulo at Department of Agriculture Sec. Bongbong Marcos Jr. na hindi nagsisilbi sa kapakanan at interes naming magsasaka ang programa ng Comprehensive Agrarian Reform.

Inangkin ng rehimeng Marcos Jr. ang mga lupang sakahan na napagtagumpayan sa ilang dekadang pakikipaglaban mula pa sa aming mga henerasyon. Napasakamay sa mga magsasaka ang malawak na lupang sakahan matapos mapabagsak ang ama nitong diktador na si Marcos Sr. At tuluyang mapahina ang kapangyarihan ng mga malaking haciendero at rantsero sa prubinsya.

Ginamit ng rehimen ang kanyang armadong pwersa na Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) at muling pinalayas ang kapwa naming magsasaka na matagal nang nagbubungkal ng lupa. Kabilang sa napayalas ang mga magsasaka sa lupain ng Pecson sa bayan ng Cawayan at Luis A. Yulo sa Barangay Matagbac, bayan ng Milagros.

Kabaligtaran sa kanyang ipinangako, malawakang ibinukas ng rehimeng Marcos Jr. kasabwat ang mga lokal na upisyal sa Masbate sa pangunguna ni Gov. Antonio Kho sa mga dayuhang kapitalista ang likas na yaman at lupaing agrikultural ng prubinsya.

Tadtad ng mga proyektong neoliberal tulad ng ekoturismong M-Park, Filminera – Masbate Gold Project, pagratantso at pagtatayo ng paliparang pang-internasyunal na kapwa nagtataguyod sa interes ng dayuhang kapitalista kasabwat ang lokal na mga burukrata at panginoong maylupa.

Tulad sa panahon ng kanyang ama, pinatindi ni pangulong Marcos Jr. ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa masang magsasaka sa prubinsya. Nananariwa at muling mararanasan naming mga magsasaka ang walang kaparis na krisis at pagdurusa.

Nananawagan ang PKM – Masbate sa DAR – Bikol na muling irebyu ang mga benipisyaryo na pamamahagian ng lupa. Ipatupad ang inyong mandato sang-ayon sa interes naming magsasaka. At ipatupad ang tunay na reporma sa lupa sa prubinsya at sa buong rehiyong Bikol.

Nananawagan rin ang kilusan ng mga magsasaka sa masang anakpawis na sama-samang kumilos upang ipagtanggol ang ating lupang sakahan. Higit pang palakasin ang pagkakaisa at magpaloob sa mga samahan. Panghawakan ang aral sa ating naunang mga pakikibaka upang hadlangan ang malawakang pangangamkam ng lupa sa prubinsya.##



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Ang Bayan » NTF-Elcac, kinasuhan ng mamamahayag

Naghain ng kasong sibil sa Quezon City Regional Trial Court

Statement on the Ongoing Ethnic Cleansing in India’s Manipur Since May 3, 2023

I. Introduction Hundreds have been killed and injured, thousands have been