PRWC » Ipagdiwang ang ika-59 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan! Ibayong palakasin ang rebolusyonaryong kilusan ng kabataan at estudyante! Lumahok sa digmang bayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya!


Rebolusyonaryo at mapulang pagbati mula sa Kabataang Makabayan-Lucille Gypsy Zabala!

Taas-kamaong pagbati sa ika-59 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan. Sa deka-dekadang pagpupunyagi, malaki at makasaysayan ang papel na ginampanan nito sa pagpupundar, pagpapalawak at pagpapalakas ng demokratikong rebolusyong bayan sa buong kapuluan.

Sa paghahangad ng pagbabagong panlipunan, ginamit ng kabataang estudyante ang lakas at talino upang maging binhi sa muling pagbubuo ng Partido Komunista ng Pilipinas sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tse-Tung noong 1968 at Bagong Hukbong Bayan noong 1969. Isa rin ang ating organisasyon sa nanguna sa malawak na pagkilos ng mga manggagawa, magsasaka, kabataang-estudyante at propesyunal noong First Quarter Storm ng 1970 hanggang ipatupad ang karumal-dumal na Martial Law noong 1972 at pagpapabagsak sa diktador noong 1986.

Sa kasalukuyang panahon, nangunguna ang KM sa pagpapayabong ng rebolusyonaryong pakikibakang lihim sa kalunsuran katuwang ang Partido upang buong-giting na itinaguyod ang mga pambansa at demokratikong kahilingan ng mamamayan habang nilalabanan ang nagdaang mga papet na rehimen. Ngayon, mahigpit nating tinutunggali ang lumalalang krisis sa ilalim ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II.

Danas na danas ng kabataang Pilipino ang krisis na ito na dulot ng pag-igting ng tatlong ugat ng kahirapan ng sambayanang Pilipino—ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.

Patuloy silang pinapahirapan ng kolonyal, komersyalisado at represibong sistema ng edukasyon na nag-aanak ng samu’t saring problema kagaya na lamang ng mga pagtaas ng tuition fee sa mga pribadong unibersidad; kapabayaan ng estado at kakulangan ng pondo para sa mga pampublikong unibersidad; at pagsupil sa kanilang kalayaang pang-akademiko at karapatan sa pag-oorganisa. Ang lahat ng ito ay para sanayin ang kabataan na maging mura at kiming lakas-paggawa para sa interes ng mga malaking burgesya komprador at ng imperyalistang US.

Nariyan rin ang pagratsada ng rehimeng US-Marcos II sa panunumbalik ng Mandatory ROTC na tulak ng imperyalismong US para gamitin ang kabataang Pilipino bilang pwersang panlaban para sa inihahanda nitong gyera ng agresyon laban sa China. Nagsisimula na ito sa pagtatayo ng mga base-militar sa ating kapuluan.

Sa ibang dako ng mundo, sumisiklab ang mga digmaang tulak ng imperyalismong US kagaya na lamang ng gyera sa pagitan ng Russia at Ukraine maging ang okupasyon ng Zionistang Israel sa Palestine. Kagaya ng ibang mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan sa buong daigdig, dakilang tungkulin ng sambayanang Pilipino na labanan ang imperyalistang digmaan ng agresyon at itransporma ito sa isang digmaang mapagpalaya sa loob ng ating bayan.

Sa kanayunan at kalunsuran, sumisigaw ang mamamayan ng hustisya para sa lahat ng biktima ng harassment, pag-aresto sa mga gawa-gawang kaso, pagwawala at pagpaslang ng mga pasistang AFP at PNP sa ilalim ng ilehitimong rehimeng US-Marcos. Hindi nakakalimot ang masa at ang rebolusyonaryong kilusan gaano man katagal ang panahong lumipas at pananagutin sila ng mahabang kamay ng rebolusyonaryong hustisya.

Nananaginip nang gising ang rehimen sa hibang na pangarap nito na sa ibayong dahas at panunupil na mapipigilan, maibabao’t makikitil ang ating adhikain. Nakatuntong na ito sa napakarupok na pundasyon sa harap ng pangkalahatang krisis ng imperyalismo, walang kaparis na kronikong krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal, at kumukulong galit ng kabataan kasama ang malawak na hanay ng sambayanan

Pinagpupugayan ng KM-Lucille Gypsy Zabala Brigade ang lahat ng mga kabataang martir na nagbuwis ng kanilang buhay, patunay na handa ang kabataan at ang mamamayan upang isulong ang hindi magagaping demokratikong rebolusyong bayan ng sambayanang Pilipino. Ito rin ang nagsisilbing hamon sa marami pang kabataan na laksa-laksang tumungo sa kanayunan upang tanganan ang armadong pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya.

Sa ating sama-samang pagsisikap, nakatakdang kamtin ng rebolusyon, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang paglakas ng ilampung ulit sa mga susunod na taon sa pakikibaka ng sambayanan laban sa ilehitimo, papet, pahirap at pasistang rehimeng US-Marcos II.

Mabuhay ang ika-59 na Anibersaryo ng Kabataang Makabayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Pambansang Nagkakaisang Prente!

Kabataan, laksa-laksang tumungo sa kanayunan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!