PRWC » Karapatan sa kabuhayan at tunay na makamasang publikong transportasyon, ipaglaban!


Buung-buo ang suporta ng rebolusyonaryong mamamayan ng TK sa mga driver at maliliit na operator ng mga jeep at UV express vans na kasalukuyang lumalaban para sa kanilang karapatan sa kabuhayan at tunay na makamasang sistema ng pampublikong transportasyon. Makatarungan ang pagpoprotesta at paglulunsad ng tigil-pasada lalo ngayong nalalapit na ang deadline ng franchise consolidation sa ilalim ng mapanlinlang na PUV Modernization Program (PUVMP). Kailangang humugos ang laksang mamamayan sa mga lansangan upang pigilan ang pagpapatupad ng imbing pakanang magreresulta sa pagmasaker sa kabuhayan ng libu-libong manggagawa sa transportasyon.

Ramdam na ramdam ang galit ng mga driver at operator, pati ng mga commuter at buong bayan sa lansakang akomodasyon ni Marcos II sa mga dayuhang kapitalista at lokal na malaking burgesya kumprador na nagnanais kumopo sa sektor ng transportasyon. Nitong nakaraang linggo, nagmatigas si Marcos II na iurong ang deadline ng konsolidasyon na Disyembre 31, 2023 sa katwirang “minorya” lamang umano ang mga tumututol at lumalahok sa tigil-pasada. Aniya, hindi pwedeng ipauna ang interes ng “minorya” kaysa sa mga pumasok na sa franchise consolidation, at mga bangko at kumpanyang naglagak na ng puhunan sa programa. Malinaw na kumikiling ang reaksyunaryong gubyerno sa mga kapitalistang nakaabang sa bilyun-bilyong pisong kikitain sa tabing ng modernisasyon sa mga publikong sasakyan at ruta. Kabilang sa mga ganid na negosyante ang mga Ayala, Aboitiz, at mga kumpanyang Korean at Japanese na gumagawa ng de-kuryenteng sasakyan.

Sa kabilang banda, hayagang minamaliit ng reaksyunaryong gubyerno ang pagkilos ng mga driver at maliliit na operator sa layuning tabunan ang kanilang lehitimong kahilingan para sa kabuhayan. Nagbibingi-bingihan sa problemang kinaharap ng mga driver-operator na nasubukan ng magpailalim sa hungkag na programa sa modernisasyon. Nilabusaw pa nito ang mga numero at pinalalabas na “minorya” ang tutol sa PUVMP, ngunit ang totoo’y signipikante pa rin ang bilang ng mga driver at operator na hindi pa nagpapailalim sa franchise consolidation sa buong bansa. Department of Transportation na ang nagsabi na may 71,395 na yunit ng mga jeep at UV van na hindi pa konsolidado. Katumbas ito ng 140,000 driver na mawawalan ng kabuhayan. Apektado rin ang 28.5 milyong commuter. Pinanangambahan ang pagkaroon ng krisis sa transportasyon sa pagbungad ng taon. Tiyak namang mababawasan ang kita kundi tuluyang mawalan ng pagkakakitaan ang mga may-ari ng maliliit na tindahan, karinderya, mga barker at iba pang maralitang nakaugnay at umaasa sa publikong tranportasyon.

Sa kabila ng wala pang sapat na pag-aaral kaugnay dito at malinaw na negatibong epekto, hayok na hayok pa rin ang gubyerno na iratsada ang kontra-mamamayang PUVMP. Pati opinyon ng nagbibiyaheng publiko at ng ilang nakokonsensyang pulitiko pabor sa pagrerepaso ng planong “modernisasyon” ay ipinagwawalang-bahala nito. Nakagagalit ang kahambugan at kawalang konsensya na ipinapakita ng reaksyunaryong gubyerno, samantalang kung tutuusin, ito ang dapat managot sa sinasabi nitong kawawang kalagayan ng publikong transportasyon. Napakatagal nang pinabayaan ng gubyerno ang sektor na ito, kasama ng pag-aabandona nito sa iba pang pampublikong serbisyo at yutilidad. Halimbawa na lang ang kawalang aksyon ng gubyerno sa hiling ng sektor ng transportasyon na i-deregularisa ang industriya ng langis at pag-alis ng excise tax sa produktong petrolyo sa gitna ng tuluy-tuloy na pagsirit ng presyo nito. Nagresulta ito sa pagliit ng kita ng mga driver na hindi pa man lamang nakakabangon mula sa pananalasa ng lockdown noong pandemya.

Hindi masisisi ang mga driver at maliliit na operator kung piliin nilang patuloy na maglunsad ng tigil-pasada kahit panahon ng Pasko at hanggang sa katapusan pa ng taon. May batayan ang kanilang pangamba na pagkawala ng kanilang kabuhayan lalo ngayong napakatindi ng krisis pang-ekonomiko sa bansa. Sa harap ng kawalang puso ng gubyernong Marcos II at pagkaganid ng mga pribadong interes na makikinabang sa PUVMP, wala silang ibang pagpipilian kundi magkaisa at sama-samang igiit ang kanilang karapatan sa kabuhayan.

Ang hangarin ng mga driver at maliliit na operator ay hangarin ng bawat mamamayang Pilipino. Ipinaglalaban nila ang kanilang kabuhayan, para mapakain at mabuhay ang kanilang pamilya. Nakikibaka rin sila para sa interes ng nagbibiyaheng publiko na binubuo ng mga manggagawa, estudyante at maralitang lungsod. Lahat sila’y mapeperwisyo kung mawawala sa kalye ang libu-libong jeep at UV van na naghahatid sa kanila sa mga pook-trabaho at eskwelahan. Obligasyon ng gubyerno na tiyakin ang abot-kaya at de-kalidad na pangmasang transportasyon kasabay ng kagalingan ng lahat ng mga nagtatrabaho dito. Dahil wasto ang ipinaglalaban, tinatamasa ng mga nagpoprotesta ang suporta mula sa iba’t ibang uri at sektor ng lipunan.

Dapat makiisa at lumahok ang mas malawak pang hanay ng mamamayan sa laban ng mga driver at maliliit na operator. Ipahayag ang suporta sa social media at sa mismong pagsama sa mga pagkilos sa lansangan. Kundehahin ang kawalang pakialam ng rehimeng Marcos II sa hinaing ng mga apektadong driver at operator ng PUV, habang lantarang pinapaburan ang interes ng mga bangko at mga dambuhalang pribadong negosyante. Bulabugin ng maingay at marubdob na protesta ang hungkag at marangyang pagdiriwang ng pamilya Marcos ng Pasko habang nagdurusa ang malawak na mamamayan sa ilalim ng kanyang pahirap na rehimen. Ipakita nating marangal ang makibaka kaysa manahimik sa gitna ng sumasahol na pang-aapi’t pagsasamantala ng iilang naghaharing-uri sa nakararaming mamamayan.###



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!