Nakikiisa ang Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan Masbate sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Tao sa panatang paigtingin ang digmang bayan upang tuluyang matuldukan ang deka-dekadang panunupil at pagyurak ng estado sa karapatan ng mamamayan.
Makatarungan para sa mamamayang Masbatenyo na maghimagsik. Karapatan nilang humawak ng armas at makidigma laluna’t ang estado mismo ang pumapatay sa kanila.
Kailangan ng mga Masbatenyo ang armadong paglaban upang ipagtanggol ang kanilang karapatang mabuhay. Sa loob ng anim na taon, higit isandaan na ang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa prubinsya, 23 rito ay sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Karamihan sa kanila’y mga masang magsasakang walang kalaban-labang pinatay ng mga militar at pulis. Naghahari sa prubinsya ang terorismo ng AFP-PNP-CAFGU at nagdudulot ng matinding takot at ligalig sa mga komunidad.
Kailangan ng mga Masbatenyo ang armadong paglaban upang ipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan. Mapayapang pinupundar ng mga magsasaka ang malalawak na sakahan at taniman ng lupaing Pecson nang brutal silang palayasin ng mismong gubernador ng prubinsya gamit ang militar at armadong goons nito. Hindi na matukoy saang lupalop ng bansa dinala ang mga napalayas na magsasaka samantalang ilanlibong ektarya ng lupain ang kinamkam ni Gov. Kho.
Kapalit ng suhol at kikbak, pinayagan ng gubyerno ang pagpapalawak ng mapaminsalang operasyong mina na Masbate Gold Project ng kumpanyang Filminera. Nang walang anumang konsultasyo sa komunidad, niratsada ang pakanang exploration ng naturang kumpanya sa bayan ng Uson at kalauna’y sa Mobo at Milagros.
Sa sitwasyong inaagawan ang masa ng lupa, pinagkakaitan ng kabuhayan at kinabukasan, at pinapatay sa gutom at bala, dapat ba silang manahimik at tulad ng alipi’y tanggapin ang kanilang abang kapalaran? Hindi. Kailangan nilang magkaisa, lumaban at mag-armas—para sa dignidad at kinabukasan ng kanilang mga mahal sa buhay at mga susunod pa nilang henerasyon.
Programa ng pambansa-demokratikong rebolusyon na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas na matamasang lubos ng mamamayan ang kanilang mga demokratikong karapatan at kalayaang sibil. Mangyayari lamang ito kung maibabagsak ang sistemang malakolonyal at malapyudal at ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na siyang nagluwal nito.
Sa nalalapit na ika-55 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas, panata ng Jose Rapsing Command – Bagong Hukbong Bayan na samahan ang mamamayang Masbatenyo sa kanilang makatarungang paghihimagsik. Lagi’t laging bukas ang mga sonang gerilya sa mga Masbatenyong nagnanais sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at pagsilbihan ang sambayanan!
Isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!
Suportahan ang usapang pangkapayapaan!
Mabuhay ang ika-55 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Kabataan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Makatarungang maghimagsik!