PRWC » Katutubong Palaweño, ipaglaban ang karapatan sa lupaing ninuno, kabuhayan at karapatan!

August 23, 2024


Kasabay ng paggunita sa Pandaigdigang Buwan ng mga Katutubo, nakikiisa ang NDFP-Palawan sa malaon nang pakikibaka ng mga pambansang minorya sa Palawan, buong bansa at buong daigdig para ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupaing ninuno, kabuhayan at demokratikong karapatan. Ang pakikibaka ng mga tribo at komunidad ng mga katutubong Cuyunon, Palaw’an, Tagbanwa, Batak, Agutaynen, Cagayanen, Molbog, at Tao’t Bato ay pakikibaka ng lahat ng uring inaapi at pinagsasamantalahan sa lipunang Pilipino.

Sa Palawan, nananatiling numero unong usapin ng mga katutubo ang kanilang karapatan sa lupaing ninuno at ang pangangamkam dito ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri. Pinatindi ng kasalukuyang rehimen at lokal na reaksyunaryong gubyerno ng Palawan ang pagbubukas ng kalikasan ng Palawan para sa mga negosyo ng malalaking burgesya kumprador at imperyalistang mga bansa tulad ng mina, plantasyong monocrop at ekoturismo. Dahil dito, pinalalayas ang mga katutubo sa kanilang lupain, pinagkakaitan ng kabuhayang nakatali sa lupa at kabundukan at winawasak ang kapaligiran.

Habang pumuposturang maka-katutubo at maka-kalikasan ang rehimeng US-Marcos II, lokal na gubyerno at iba pang ahensya, ipinapakita ng kanilang mga aksyon ang paninikluhod sa malalaking negosyo. Tusong pinapurihan ni Marcos Jr ang mga pambansang minorya sa kanyang mensahe noong Agosto 9 at nangako pang ibibigay ang kanilang mga pangangailangan na magpepreserba sa kanilang kultura at paraan ng pamumuhay, gayong siya naman ang pangunahing responsable sa malawakang dislokasyon ng mga katutubo sa kanilang lupain at kabuhayan. Itinutulak pa nga ni Marcos Jr na maipatupad ang rasyunalisasyon ng pagbubuwis sa pagmimina na lalong aakit sa mga dayuhang mamumuhunan. Ang mga ahensyang tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) ay nagpapakana ng mga programa para sa diumano’y “sustenable at responsableng pagmimina”. Pinagtatakpan nito ang nakukubra nilang malaking pakinabang sa pagpapahintulot ng operasyon ng mina sa probinsya, habang maingay na nagbabawal sa pagkakaingin ng mga katutubo.

Maituturing nang panimulang tagumpay sa malakas at maingay na panawagan ng mga katutubo, tagapagtanggol ng kalikasan, at kanilang mga tagasuporta sa paglaban sa mina ang inilunsad na kauna-unahang Provincial Stakeholders’ Congress on Mining and the Environment nitong Abril. Nagresulta ito sa deklarasyon ng moratoryum o pansamantalang pagpapatigil sa pag-apruba sa aplikasyon ng mga bagong proyekto sa mina sa probinsya. Dagdag sa idineklara ang pagkakaroon ng mga restriksyon para sa mga kumpanya ng mina tulad ng pagtataas ng multa sa mga paglabag ng mga kumpanya ng mina, pagtataas ng mining royalty share o bahagi ng kita na ibibigay sa mga komunidad ng katutubo, at iba pa. Nasandal sa pader si Gov. Socrates, ang PCSD, mga burukrata kapitalista at malalaking burgesya kumprador na paburan ang sigaw ng mayorya ng mamamayang Palaweño kontra-mina.

Gayunman, masusukat pa ang kaseryosohan ng nasabing deklarasyon sa mga susunod na panahon. Partikular sa malakas na laban kontra pagmimina ng Ipilan Nickel Corporation nitong mga nakaraan, wala pa ring ibinibigay na mining royalty share ang INC sa mga katutubo at magsasaka sa Brgy. Maasin, Brooke’s Point isang buwan matapos ang nasabing deklarasyon. Sa halip, nilason ng INC ang isip ng mga katutubong Palaweño sa pagdudulot ng diumano’y kaunlaran sa nasabing komunidad, at pinasasabik lang sila sa ibibigay na royalty share ng INC kapalit ng pagpayag ng mga katutubo sa pandarambong at pangwawasak sa kanilang lupaing ninuno.

Kinakamkam din ng malalaking burgesya kumprador tulad ng Cavdeal, Cargill, Agumill, Nestle at Del Monte ang lupaing ninuno ng mga katutubong Palaweño para gawing plantasyong monocrop na tatamnan ng oil palm at iba pang pananim na pang-eksport sa pandaigdigang pamilihan. Ang masang katutubo ay ginagawang manggagawang bukid sa mga kapitalistang plantasyong ito na tumatanggap ng mas mababang sahod kumpara sa iba. Masahol pa, niloloko sila sa presyuhan at upahan ng lupa at ibinubuslo sa mga kasunduang kalauna’y kakamkam at sisira lamang ng kanilang lupa.

Kinakasangkapan ng mga naghaharing uri ang preserbasyon ng kalikasan at higit na pagpapaganda rito para pagnegosyohan. Sa pangangalandakan ng mga proyektong ekoturismo, ipinagbabawal sa mga katutubo na gamitin ang lupaing ninuno nito para sa kanilang kabuhayan at pagkuhanan ng pang-araw-araw na pangangailangan, ni ang maligo sa mga sapa at ilog na saklaw nito. Pinapalayas ang mga katutubo sa kanilang tahanan para pagpasyalan ng mga turistang lokal at dayuhan!

Inaagawan na nga, pinapabayaan pa ng rehimen ang mga katutubo sa kanilang atrasado at hilahod na pamumuhay. Tulad ng mayorya ng mamamayang Palaweño, pinagkakaitan din sila ng abot-kayang serbisyong panlipunan. Kabalintunaang nagbigay ang National Irrigation Administration (NIA) MIMAROPA ng mga kagamitan sa opisina sa komunidad ng Tagbanua sa Aborlan ngayong buwan bilang kompensasyon para sa Ibato-Iraan Small Reservoir Irrigation Project, gayong ang mas kailangan ng mga katutubo ay ang mga kagamitan sa pagsasaka at ayuda sa di pa makabangong tanim at ani resulta ng El Niño. Hanggang sa kasalukuyan, umaasa pa rin sila sa sahod-ulan para sa patubig sa kanilang sakahan. Kaya nitong nakaraang El Niño na ang probinsya ang isa sa pangunahing naapektuhan, wala na nga silang naani at kinita sa kanilang sahod-ulang sakahan, halos wala pa silang natanggap na ayuda mula sa reaksyunaryong gubyerno.

Lahat ng mga panlilinlang at pakitang-taong proyekto sa Palawan ay para magsilbi sa pasipikasyon at pagpapatahimik sa mga katutubo upang lumaban. Nilalapastangan ang kanilang kultura at pamana, at binubura ang kanilang diwang palaban. Ginagamit nitong instrumento ang lahat ng makinarya at institusyon para ilayo ang mga pambansang minorya sa rebolusyonaryong kilusan. Sa pamamagitan ng Western Command, kunwa’y nagbibigay ito ng “serbisyo” sa mga katutubo sa pamamagitan ng mga brigada at karaban pero ang totoo’y ipinupuslit nito ang mga kontra-rebolusyonaryo at anti-komunistang kampanya.

Gayunman, hindi palilinlang ang mga katutubong Palaweño sa mga pakana ng WesCom. Nagpupuyos ang kanilang galit sa walang humpay na paglabas-masok ng mga pasistang sundalo sa kanilang lupaing ninuno, mga kaingin at kagubatan para maglunsad ng operasyon at pagsasanay-militar kasama ang mga imperyalistang tropa. Labis nilang kinamumuhian ang WesCom at mga sundalong Amerikano sa pagpapasabog ng mga bomba, pagpapaputok ng mga baril at panghahalihaw sa kanilang mga komunidad. Tinututulan din nila ang pagtatayo ng mga baseng militar at pasilidad ng imperyalismong US sa probinsya. Humihingi sila ng katarungan para sa kapwa katutubo at tagapagtanggol ng karapatan at kalikasan na biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng mga berdugong armadong pwersa ng estado.

Dapat na magkaisa ang mga katutubong Palaweño upang tuluy-tuloy na isulong at ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupaing ninuno, kabuhayan at demokratikong karapatan. Dapat silang mamulat na hindi habampanahong maliligtas ang kanilang lupaing ninuno sa pangangamkam at pandarambong ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri hangga’t hindi nawawakasan ang sistemang malakolonyal at malapyudal na kinukubabawan ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Dapat silang makipagkaisa sa iba pang aping uri at sektor ng mamamayang api at pinagsasamantalahan para buuin ang malakas at malawak na kilusan para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya. Walang ibang kalutasan sa kanilang kaapihan at pagdurusa kundi ang lumaban at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan. Ito lamang ang paraan para bigwasan ang imperyalismong US na pangunahing kaaway ng lahat ng pambansang minorya sa buong mundo at ng iba pang mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan. Sa pagtatagumpay ng DRB, isasakatuparan ang programa nito na magtitiyak sa paggalang sa pambansa at demokratikong mga karapatan ng mga pambansang minorya.



Source link

PRWC

News and information about the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People's Army (NPA), and the Philippine revolution.

Don't Miss

Israeli Attack On Syria’s Aleppo Airport | News

Syrian state media reported on Monday that an Israeli attack

Sisenta y kwatro – IBON Foundation

(tagulaylay sa alburuto ng karaniwang tiyan) Ang matabil