PRWC » Kumilos at hadlangan ang bantang pagbomba ng Filminera – MGP at 2nd IBPA sa bundok ng Bagulayag sa bayan ng Uson


Kasuklam-suklam at isang kahibangan ang planong pagbomba ng 2nd Infantry Battalion Phil. Army sa bundok ng Bagulayag sa bayan ng Uson. Ilalagay sa panganib ng militar ang buhay at kabuhayan ng mga residente upang bigyang-laya ang ekspansyon ng Filminera – Masbate Gold Project sa mga bulubunduking nagdudugtong sa mga bayan ng Uson, Milagros at Mobo.

Ipinatawag ng militar ang Mayor sa bayan ng Uson na si Salvadora Sanchez upang pasabihan at bigyan ng pormat ng barangay resolution ang mga barangay Kapitan ng Madao, Simawa at Bonifacio na magpapahintulot sa pagbomba sa bundok ng Bagulayag.

Balak ng militar na gamitin ang bagong isyu sa prubinsya na attack drone sa tatlong araw na pagbomba sa bundok ng Bagulayag mula Setyembre 16 – 18. Hindi isinasaalang-alang ng militar ang magiging troma ng mga matatandang maysakit, buntis at mga bata sa kanilang kahibangan.

Kagyat na maaapektuhan ang 12 barangay na nasa paanan at palibot ng bundok kabilang ang Centro, San Vicente, San Ramon, Matagbac, Sawmill, Barag, Mapuyo, San Antonio at San Carlos kung matutuloy ang pagbomba. Iilang residente na ang bumakwit sa mga sentrong baryo matapos mabalitaan ang planong pagbomba sa takot na mapahamak ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ang pag-bakwit ng mga residente ang pinaka-inaasam ng militar at dayuhang kumpanyang Filminera upang higit pang mapadali ang kanilang operasyon sa lugar. Aasahang mas pinasinsin pang mga operasyong militar ang ilulunsad ng 2nd IB upang itaboy ang magmamatigas na mga residente sa maaapektuhang mga barangay.

Matagal ng nangangamba ang masang Masbatenyo sa magiging epekto sa kanilang buhay at kabuhayan ng ekspansyon ng Filminera na tiyak ay matutulad rin sa bayan ng Aroroy at Baleno. Subalit, binalewala lang ng inutil at taksil sa masang Masbatenyo na si gubernador Antonio Kho ang mga hinaing at panawagan ng masa. Sa halip, tinalikuran nito ang kanyang mandato sa mamamayan kapalit ng suhol at kurakot na makukuha mula sa Filminera.

Sa halip na sumunod sa dikta ng militar, hinihikayat ng pamprubinsyang kumand si Mayor Salvadora Sanchez na tulungan at makiisa sa mga barangay upisyal at residente sa paghadlang sa bantang pagbomba at ekspansyon ng Filminera sa kanyang bayan. May pananagutan po kayo sa inyong nasasakupan at hindi sa militar.

Hinihikayat rin ng JRC – NPA Masbate ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tuparin ang kanilang tungkuling proteksyunan ang kalikasan at kagubatan. Ang inyong kagawaran ay may kakayahang sampahan at panagutin ang lumalabag sa batas na mga mapaminsalang kumpanya ng mina. Nawa ay magamit niyo ang inyong tungkulin hindi upang piringan ang iyong mga mata ng salapi kundi upang paglingkuran ang interes ng masa.

Sa mga incumbent at kumakandidato sa eleksyong pambarangay hamon ngayon sa inyo na patunayan sa inyong nasasakupan na kaya niyong pangalagaan at protektahan ang kanilang kabuhayan at buhay. Ipakita niyo sa militar na mayroon kayong otoridad bilang mga lokal na upisyal ng gubyerno. May mandato kayong dapat gampanan sa inyong mamamayan. Pinili at pipiliin nila kayo hindi para sila ay ipahamak at pagtaksilan sa pagiging takot at sunud-sunuran sa kagustuhan ng militar.

Hindi dapat magpatinag ang masang Masbatenyo sa anumang pakana at banta ng 2nd IB at Filminiera – MGP upang wasakin ang mga bundok ng Bagulayag, Uac at Irong-irong. Sa halip, dapat tularan ng mga residente sa pangunguna ng kanilang mga barangay upisyales ang ginawang pagpalayas sa 2nd IB ng mga residente ng So. Baclay, Barangay Bacolod, Milagros. Sa sama-samang pagkilos, pagpasa ng petisyon at barangay resolusyon ay napalayas ang militar sa dati nilang hedkwarters. Tiyak na magagawa rin ito ng mamamayan sa mga bayan ng Uson, Milagros at Mobo na higit na mas marami kung magkakaisa at magtutulungan.

Dapat tandaan ng masang Masbatenyo na walang imposible basta’t sama-samang kumikilos at lumalaban. Makakayang tibagin ng kapangyarihan ng mamamayan kahit ang tatlong salot pa ng ating lipunan – ang imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo na nasa likod sa lahat ng paghihirap at pagdurusa ng sambayanang Pilipino.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!