PRWC » Kundenahin ang paglapastangan ng 37th IB sa mga batas ng digma


Mariing kinukundena ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Sultan Kudarat ang sadyang pagpatay ng 37th IB sa nadakip ng militar na mandirigmang si Rafael Zambrano (Ka Dodong/Tres), 27 anyos, residente ng Sityo Surong, Barangay Hinalaan, Kalamansig, Sultan Kudarat noong Oktubre. Pinailalim siya sa tortyur at pinilit na maggiya bago paslangin sa isang pekeng engkwentro. Naulila niya ang kanyang tatlong anak.

Dinakip ng mga elemento ng 37th IB si Zambrano sa isang bahay sa Sityo Bugkog, Barangay Limulan, bandang alas-7 ng umaga noong Oktubre 8. Ginapos siya at pinaputukan sa harap mismo ng mga kapitbahay. Sa araw na iyun, sinalakay ng militar ang isa pang bahay kung saan panandaliang nakahimpil ang isang yunit ng BHB. Hindi gumanti ng putok ang yunit, sa kabila ng walang pakundangang pamamaril ng militar, para iwasang madamay ang mga sibilyan. Ligtas na nakaatras ang yunit ng BHB.

Makalipas ang dalawang araw, nagpakana ng putukan o engkwentro ang 37th IB sa Sityo Kalamagan, Barangay Limulan nang bandang alas-11 ng gabi. Walang yunit ng BHB sa lugar sa panahong iyun. Kinabukasan, Oktubre 11, bandang alas-10 ng umaga ay natagpuan ang bangkay ni Zambrano na pinalabas ng militar na napatay sa isang “engkwentro.”

Hindi na bago ang mga kasinungalingan at traydor na pamamaraan ng 37th IB. Katulad ito sa kaso ng pagdakip at sadyang pagpatay kay Jan Rowee Libot noong Hulyo 27 sa Sityo Pusot, Barangay Hinalaan.

Gustong pagmukhain ng 37th IB na lehitimo ang kanilang pagpatay para pagtakpan ang karumal-dumal na krimen at paglabag sa internasyunal na makataong batas. Pinakikinabangan ng 37th IB ang mga pagpatay sa pagkubra ng pabuya sa pinatay nitong lider o kasapi ng hukbong bayan.

Pinatutunayan ng mga kasong ito tunay na mukha ng AFP: mabangis, bayaran at pasista.” Kahit magtago pa ito sa mga palamuting proyekto sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP), alam ng taong bayan kung gaano kabangis at pasista ang mga sundalo. Hindi nila matitinag ang paninindigan ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa na lumalaban para sa totoong demokrasya at kalayaan, kasama ang mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan ng kasalukuyang sistema.

Ipinapaabot ng BHB-Sultan Kudarat ang taos-pusong pakikiramay sa pamilya at mga anak ni Rafael Zambrano at sa lahat ng biktima ng paglapastangan sa karapatang-tao.

___
Download: PDF



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!