PRWC » “Kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid ito’y kapalaran at tunay na langit.”


 

“Sa inyong pamimiyapis mangyayaring abutin ang kayo’y tanghalin bangkay sa gitna ng parang ng pakikidigma; nguni’t ito’y isang kapurihang inyong maipamamana sa ating Bayan, sa ating lahi, at sa ating angkan.” Andres Bonifacio circa 1897

Ang lahat ng kasapian ng Kaguma, sampu ng mga makabayan at progresibong kaguruan, ay nagbibigay ng pinakamataas na papupugay sa ika-160 na kapanganakan ng pinakadakilang rebolusyonaryong proletaryong si Ka Andres Bonifacio. Malaki ang ambag ni Bonifacio, hindi lamang sa pagpapalaya ng ating bayan laban sa mga kolonyalista, ngunit lalong higit na rin sa rebolusyunaryong kilusan sa buong daigdig.

Ang Kaguma ay walang pasubali na naniniwala na ang armadong pakikibaka na pinili ni Bonifacio, ang marahas na paghihimagsik na kanyang isinulong sa harap ng pag-aalinlangan ng mga ilustrado, ay wasto, tumpak, makatuwiran at makatao. Sa kasalukuyan, maaaring maituring si Bonifacio bilang isang mapanganib na “terorista”—isang rebelde na walang pagpapahalaga sa mga demokratikong institusyon. At tulad ng mga aktibistang dinudukot at pinapatay ng mga armadong pasista ng estado, si Bonifacio ay nasawi rin sa kamay ng mga kapwa Pilipino na sumampalataya sa kaligtasang ipinangako ng imperyalistang US. Napatunayan na natin ito sa kasaysayan, sa panahon ng pagtraydor ni Emilio Aguinaldo sa 1896 na rebolusyon, na mandarambong ang imperyalistang US. Sa kasalukuyan, walang duda na magagamit ulit ang ating bayan para sa proxy war ng imperyalistang US para pagharian ang Asya Pasipiko.

Nananatiling tumpak ang armadong pakikibaka na isinulong ni Bonifacio dahil sa walang humpay na pangangayupapa ng papet na rehimeng Marcos-Duterte sa dambana ng imperyalistang Presidenteng si Biden. Binigyan tayo ng huwad na kalayaan ng mga imperyalista noong 1946, pero hawak pa rin tayo sa leeg hanggang sa kasalukuyan. Kaya sinuot ng mga tutang Pangulo ang tanikala ng Visiting Forces Agreement, Enhance Defense Agreement Cooperation, ang Mutual Defense Treaty, at pagpapahintulot ng pagbabalik ng mga base ng US sa Pilipinas. Malaking kahihiyan ang pangangayupapa na ito sa alaala ni Bonifacio, sampu ng mga Katipunero na nag-alay ng kanilang mga buhay para sa ating kasarinlan. Ngayon higit kailan man ay dapat natin mabatid na ang desperasyon ng rehimeng Marcos-Duterte na igiit ang ating soberanya laban sa Tsina ay hindi magtatagumpay sa pagpapatirapa sa kapangyarihan ng imperyalistang US at pagsampalataya sa mga huwad na pangako nito. Isasadlak lamang tayo nito sa panibagong Cold War laban sa Tsina at mga alyadong bansa nito.

Bilang mga rebolusyunaryong guro, ang Kaguma ay nananawagan sa kapwa naming mga guro na balikan ang kasaysayan ng 1896 rebolusyon at ituro sa ating mga mag-aaral ang kadakilaan ni Bonifacio. Ang edukasyon ay hindi dapat maging sagka upang pagdudahan ang kakayahan ng mga proletaryado na magkaisa at mag-aklas para pabagsakin ang isang estadong nakasandal sa mga imperyalista. Datapwa’t ang edukasyon ay dapat magpaalab sa damdaming mapaghimagsik laban sa mga naghaharing uri.

Halina’t gamitin ang kasayasayan at mga aral mula sa buhay ni Bonifacio, Jacinto at iba pang rebolusyunaryo, upang lumabas ng mga paaralan at makiisa sa mga manggagawa at magsasaka, upang pag-ibayuhin pa ang bagong tipong rebolusyong isinulong ni Bonifacio—ang Pambansa demokratikong rebolusyon. Imulat natin ang sambayanan laban sa mga buktot na anti-komunismong propaganda ng NTF-ELCAC at ang pagkakawing ng lahat ng paglaban sa pasistang estado bilang sa terorismo alinsunod sa Anti-Terror Law. Ilantad natin na ang rehimeng Marcos-Duterte na may basbas sa imperyalistang US ang tunay na terorista. Tulad ni Bonifacio, sumandal at manalig tayo sa masang anak-pawis, para sa katubusan ng ating bayan, at hindi sa mga imperyalistang mandarambong at mga kasabwat nilang lokal na mga burgesya.

Tulad ng mga Propagandista, hikayatin natin ang ating mga estudyante at kapwa guro na tumungo sa kanayunan upang maging mga edukador ng magsasaka at manggagawa. Hindi ang mga burgesya at peti-burgesya ang pangunahing magsusulong at magpapatuloy ng lumang rebolusyong sinimulan ni Andres Bonifacio. Ang mga makabayang guro ay magsisilbing tagapagmulat sa mga magiging lider ng armadong pakikibaka sa kanayunan mula sa hanay ng mga magsasaka, magtuturo sa mga organisador sa kalunsuran mula sa hanay ng mga proletaryado, at mga lider ng pangkulturang gawain.

Mga makabayang guro, ikinikintal sa atin ni Bonifacio na hindi terorismo ang maghimagsik. Hindi terorismo ang maghangad ng tunay na pagbabago. Hindi ang mga api ang nagpapasimuno ng karahasan. Ang bulok na sistemang mapagsamantala ang marahas at pumapatay. Kaya ngayong ika-30 ng Nobyembre, isulong natin ang kawastuhan ng armadong pakikibaka na pilit na hinihiwalay sa paggunita sa kadakilaan ni Bonifacio. Hindi magiging dakila si Bonifacio kung hindi siya gumamit ng dahas at sandata. Dakila si Bonifacio dahil niyakap nya ang karahasan bilang pinakamataas na pamamaraan sa pagkamit ng Kalayaan. Walang Andres Bonifacio kung walang tabak. Mga talipandas ang mga burukrata kapitalista at kanilang mga bayarang pantas na nagsasabing lipas na ang armadong pakikibaka! Dahil hindi maikakaila na ang rebolusyunaryong dahas ay ang pangunahing armas ng mga uring api upang ibagsak ang lipunang walang humpay sa pangdarahas sa mga magsasaka, pang-aalipin sa mga manggagawa, pagsasamantala sa mga kababaihan at kabataan. At ang Bagong Hukbong Bayan na ginagabayan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mga makabagong Katipunero na nagpapatuloy sa sinimulang himagsikan ni Andres Bonifacio. Sila ang mga bagong bayani, mga mabalasik na anak ng bayan. KAYA MAGHIMAGSIK! MAKIBAKA! HUWAG MATAKOT!

Mabuhay ang rebolusyong 1896!
Mabuhay si Bonifacio at uring proletaryo!
Isulong ang bagong tipo ng rebolusyong 1896!
Isulong ang Pambansa demokratikong rebolusyon!



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!