Sa panahon ng pasismo, lalaya lamang ang sining kung pipiglas ito mula sa tanikala ng paniniil at mangangahas na ilahad ang tunay na mukha ng brutal na estado.
Sinikap itong gawin ng “Alipato at Muog” ni JL Burgos, isang dokumentaryong binuo mula sa mapait at masakit na karanasan ng pamilya Burgos na mawalan at hanapin ang kanilang mahal sa buhay, ang desaparecido na si Jonas Burgos. Si Jonas, na kapatid ni JL, ay isang aktibista at organisador ng mga magsasaka sa Central Luzon. Dinukot siya ng mga ahente ng militar noong 2007 sa Quezon City, at sapul nito’y hindi na siya muling nakita. Sa loob ng 17 taon, walang nasumpungan ni anino o labi ni Jonas.
Hindi birong katapangan ang ipinamalas ng pamilya Burgos sa pagharap sa mga berdugo sa loob ng napakatagal na panahon, at maging hanggang sa ngayon, sa pagpapasyang ilabas ang dokumentaryong ito sa gitna ng nagpapatuloy na sapilitang pagdukot ng militar sa mga indibidwal na itinuturing nitong “kalaban ng estado”. Mahihinuhang nauunawaan nilang lampas na sa personal, sa usapang pamilya, ang kanilang paghahanap kay Jonas—usapin na ito ng pagkakamit ng hustisya, ng paglaban sa sistematikong karahasan sa lipunan. Sa salita mismo ng ina ni Jonas, pagmamahal ang nagtutulak sa kanila na kayanin ang mga bagay na ito.
Sa kontekstong ito nakagagalit ang paggawad ng MTRCB ng X rating sa Alipato at Muog dahil sa tasa ng ahensya, “the film tends to undermine the faith and confidence of the people in their government and/or duly constituted authorities”. Sa madaling sabi, sinisira umano ng pelikula ang tiwala at kumpyansa ng mamamayan sa kanilang gubyerno. Kaakibat ng X rating ang pagbabawal na ipanood sa publiko ang dokumentaryo.
Mariing kinukundena ng ARMAS-TK, kaisa ng iba pang mga artista at tagapagtaguyod ng kalayaan sa pagpapahayag, ang malinaw na censorship ng estado sa Alipato at Muog. Pangita sa kasong ito ang garapalang pambubusal ng gubyerno sa mga kritiko at sinumang naglalahad ng katotohanan tungkol sa mga kaganapan sa lipunan. Ugali ito ng mga awtokratikong rehimen at patunay na ang kasalukuyang rehimeng US-Marcos II ay tulad din ng sinundang rehimeng Duterte at ng diktadura ng matandang Marcos. Ipinapaalala nito ang pailalim na pang-aatake at hayagang pagse-censor ni Marcos Sr. sa mga artista at midya noong panahon ng Martial Law. Kung hindi papaloob o sasalungat sa pantasyang katha ng Bagong Lipunan ang isang artista, manunulat o manggagawang pangkultura, hindi siya makatatanggap ng suporta ng gubyerno o di kaya’y sasagkaan ng gubyerno ang kanyang karera.
Hindi pinahintulutan ng rehimeng US-Marcos II na ipalaganap sa publiko ang Alipato at Muog dahil nangangamba itong mamulat ang sinumang manonood nito sa tunay na kalagayan ng karapatang tao sa bansa. Bilang isang pelikula, mabilis nitong naipaparating at kaya pa ngang ipadama sa manonood ang makadurog-pusong kwento ng pamilya Burgos na paghahanap sa isang taong sapilitang winala ng estado. Mula sa personal na karanasan ng kanilang pamilya, nalantad ang kainutilan ng mga institusyon sa pagpapanagot sa AFP at kahungkagan ng hustisya sa loob ng bulok na lipunang Pilipino. Sapat ito upang pukawin ang manonood na magtanong: Bakit nga ba ganito ang sinapit ni Jonas at kanyang pamilya? Paano babaguhin ang ganitong klase ng kalakaran? Likas na bahagi ito ng interaksyon ng isang likhang-sining sa kanyang manonood o tagatanggap, subalit para sa isang teroristang estado, ito ay bukal ng mapanganib na ideyang maaaring maging banta sa kanyang malagim na paghahari.
Ang Alipato at Muog ay nagtataglay ng kapangyarihan ng tunay na maka-masa, makatotohanan at mapangahas na sining na dapat nating payabungin at kilanlin sa bansa. Dapat nating ipaglaban ang mga ganitong tipo ng likhang-sining at ipagtanggol ang kalayaan sa pagpapahayag ng mga artista ng bayan at ng bawat Pilipino. Bahagi ito ng ating pangkalahatang pakikibaka para sa pambansa demokratikong interes ng sambayanan.
Nananawagan ang ARMAS-TK sa mamamayan na biguin ang censorship ng rehimeng US-Marcos II sa Alipato at Muog. Mainam na ilunsad ang maramihang pagpapalabas (screening) nito sa mga eskwelahan, komunidad, pagawaan at iba pang lugar na madaling maakses ng mamamayan. Dapat ding ipopularisa ang mga pelikulang pumapaksa at nagtatanghal sa paglaban ng masa sa pang-aapi’t pagsasamantala. Bukod dito, ipalaganap at basahin ang mga progresibo at rebolusyonaryong sulatin at iba pang likhang sining at panitikan, lalo na yaong gustong tanggalin ng gubyerno mula sa mga pampublikong silid-aklatan at mga eskwelahan dahil sa subersibong laman ng mga ito. Kabilang dito ang mga akda ni Prop. Jose Maria Sison at mga dokumento ng rebolusyong Pilipino.
Ang kabuluhan ng mga kwento ng pakikibaka ng mamamayan laban sa karahasan ng estado ay tiyak na tatagos sa sinumang manonood. Nawa’y magbigay ito ng inspirasyon sa kanila na tanganan ang mahirap ngunit kinakailangang tungkulin na tumindig laban sa pasismo at makibaka para sa tunay na pagbabagong panlipunan.