Malugod na tinanggap ng Koalisyong Makabayan ang mga anunsyo nina Liza Maza, dating kinatawan ng Gabriela Women’s Party at isa sa tagapangulo ng koalisyon, at Ronnel Arambulo, bise presidente ng Pamalakaya, ang kani-kanilang deklarasyon para tumakbo sa Senado. Isinagawa ni Maza ang kanyang deklarasyon noong Agosto 15 sa isang maralitang komunidad, habang nag-anunsyo si Arambulo sa komunidad ng mangingisda sa Navotas noong Agosto 19. Ang dalawa ay kilalang mga lider masa na matatag na naninindigan para sa interes ng mamamayan at laban sa imperyalistang US. Si Arambulo, isang mangingisda ng Laguna de Bay, ay aktibo sa kampanya laban sa panggigipit ng China at para sa paggigiit ng karapatan ng mamamalakaya sa tradisyunal at teritoryal na mga pangisdaan.
Samantala, kinundena ni Maza at ng Makabayan ang pagtatangka ng rehimeng Marcos, sa pamamagitan ng NTF-Elcac, na pigilan ang deklarasyon ni Maza. Inipit nito ang mga residente ng komunidad sa North Caloocan na orihinal na benyu ng kanyang pulong masa, kaya kinailangang ilipat ang benyu.
Panawagan ng Makabayan na suportahan ang kandidatura nina Maza at Arambulo, gayundin ng tatlong una nang nagdeklara na mga kandidato nito na sina Rep. France Castro ng ACT Teachers Party, Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party, at Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno.