Mariing binatikos ng iba’t ibang sektor ang rehimeng Marcos dahil sa kabulastugang sinabi kamakailan ng mga upisyal nito sa ekonomya na ₱64 kada araw lamang ang kailangan para masabing hindi naghihirap o nagugutom ang isang Pilipino. Garapalang binibilog ni Marcos ang ulo ng taumbayan para pagtakpan ang tunay na dami ng mga naghihirap at nagugutom sa Pilipinas.
Sa pagtatakda ni Marcos ng napakababang pamantayan sa disenteng pamumuhay, pinalalabas ngayon ng kanyang gubyerno na isa lamang sa sampung Pilipino ang mahirap. Tahasang hinahamak ni Marcos ang mayorya ng mga Pilipino na araw-araw sa pagkakayod-kalabaw subalit hindi tumatanggap ng sapat na sahod o kulang na kulang ang kita para tustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Sadyang pinagtatakpan ni Marcos at ng kanyang mga upisyal ang tunay na halaga ng pamumuhay sa Pilipinas. Naghahabi siya ng ilusyon na dumarami ang mga Pilipinong antas ng “panggitnang uri,” upang ikubli ang katotohanan na karamihan sa mga Pilipino ay sadlak sa kahirapan.
Ang imposibleng napakaliit na estadistika sa gutom at kahirapan ay nagsisilbi sa patakaran ni Marcos na ipako sa napakababang antas ang sahod at sweldo ng mga manggagawa at karaniwang mga kawani. Sa nakalipas na dalawang taon, nagbingi-bingihan si Marcos sa daing at kahilingan para sa makabuluhang umento. Napakalaking insulto sa mga pampublikong guro at kawani ng gubyerno ang ipinagmalaki niya kamakailan na ₱26/araw pagtaas sa sweldo, na mistulang mumong inilaglag mula sa hapag ng mga nagpipiging sa Malacañang.
Mabilis na bumubulusok ang antas ng buhay ng masa ng sambayanang Pilipino. Sa ilalim ni Marcos, walang patlang ang pagsirit ng presyo ng pagkain, laluna ng bigas, pati na ang langis, pamasahe, kuryente at iba pang saligang pangangailangan at mga serbisyo. Nananatili namang mababa ang sahod, at labis na kakarampot ang dagdag na ipinag-utos ng gubyerno. Nasa ₱1,200 na ang halaga ng minimum na pamantayan ng makataong antas ng pamumuhay ng isang lima-kataong pamilya.
Sa harap ng malaking agwat sa pagitan ng sahod at sweldo, sa isang panig, at ng arawang pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino, sa kabilang panig, kailangang kailangan na ipaglaban ng mga manggagawa at masang anakpawis ang pagkilala sa kanilang saligang karapatang panlipunan at pang-ekonomya. Dapat nilang igiit, sa partikular, ang kanilang karapatan sa mas mataas na pamantayan ng pamumuhay at mas mahusay na kalidad ng buhay, at kaakibat na umento sa sahod, trabaho at kabuhayan.
Dapat singilin ng sambayanan ang rehimeng Marcos sa lubos na kabiguan nitong pigilan ang pagsirit ng presyo ng pangunahing mga bilihin, serbisyo at kagamitan, at sa patakaran nitong pigilan ang pagtaas ng sahod at sweldo. Walang walang ginagawa ang gubyernong Marcos para tuparin ang inaangkin nitong responsibilidad bilang estado na siguruhin ang kapakanan ng mamamayan.
Ang mga patakarang neoliberal ni Marcos sa ekonomya ay nakasentro sa pag-akit at pagsalalay sa dayuhang pamumuhunan, liberalisasyon sa importasyon, walang awat na pangungutang, at pagpapataw ng karagdagang mga buwis. Ang mga ito ang sanhi ng paglala ng krisis sa ekonomya at pagsahol ng kalagayan ng masa. Nagsisilbi ang mga ito sa interes ng mga dayuhang kapitalista, ng kasosyo nilang lokal na malalaking negosyo, malalaking panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista. Tumatabo sila ng bilyun-bilyong piso mula sa mga proyektong pang-imprastruktura ng gubyerno, pandarambong sa yaman ng bansa at pagsasamantala sa murang paggawa.
Ang mga patakarang ito ang dahilan ng walang tigil na pagbagsak ng lokal na produksyon ng pagkain at iba pang saligang pangangailangan, pagtaas ng presyo ng mga inaangkat na bilihin, masidhing problema ng kawalang trabaho (laluna sa mga kabataan), napakababang sahod, pag-agaw ng kabuhayan at dislokasyon ng mga mangingisda at mga maralita, pangangamkam ng lupa, pagpapalayas sa mga magsasaka, pagkawasak ng kapaligiran at pagsasaid sa yaman ng bansa.
Ang mga patakaran ng rehimeng Marcos ay gumagatong sa karaingan ng malawak na masa ng sambayanan. Lalong lumalalim ang kanilang poot kay Marcos sa ginagawang pagbawi sa daan-daang bilyong pisong yaman ninakaw ng kanilang pamilya sa panahon ng diktadura ng kanyang ama. Lalo pang tumindi ang kanilang diskuntento sa paglulustay ng bilyun-bilyong piso sa maya’t mayang pagbyahe ni Marcos sa labas ng bansa, mga piging sa Malacañang, pagkontrol sa ismagling ng bigas, asukal at iba pa, garapalang pagnanakaw sa mga proyekto ng gubyerno, paghawak sa Maharlika Investment Fund upang paburan ang negosyo ng kanyang mga kroni, at iba pang kaso ng garapalang korapsyon.
Mas masahol pa, ginagamit ni Marcos ang armadong pwersa ng estado para maghasik ng pasistang terorismo laban sa mamamayan upang supilin ang mamamayan, wasakin ang kanilang pagkakaisa at pigilan silang lumaban.
Sa harap ng kalagayang ito, dapat magpunyagi ang mga pwersang pambansa-demokratiko sa pagpukaw at pagbuklod sa pinakamalapad na hanay ng mamamayan, laluna sa masang pinakanagdurusa sa ilalim ni Marcos. Dapat puspusang itaas ang kamulatan ng masa na ang dinaranas nilang hirap at gutom ay hindi kagagawan ng kapalaran, hindi malulutas ng sipag at tiyaga, at lalong hindi dapat tiisin na lamang. Dapat nilang makita na ito’y tuwirang resulta ng mga patakaran at programa ng rehimeng Marcos at ng kanyang mga among imperyalistang dayuhan.
Dapat ipabatid sa malawak na masa na kailangan nilang magsama-sama at kumilos sa iba’t ibang paraan ng paglaban upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at isulong ang kanilang interes. Dapat buklurin ang kanilang hanay sa mga unyon at iba’t ibang anyo ng mga organisasyon sa mga pabrika, komunidad sa kalunsuran at kanayunan, mga paaralan, mga tanggapan, at iba pa.
Ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa anti-mamamayan at anti-nasyunal ng rehimeng Marcos ay bahagi ng pangkalahatang paglaban para wakasan ang buong sistemang malakolonyal at malapyudal sa pamamagitan ng pakikibakang pambansa-demokratiko, kabilang ang iba’t ibang anyo ng paglaban, higit sa lahat, sa pamamagitan ng armadong pakikibaka. Dapat wakasan ang paghahari ng mga uring nagsasamantala at nang-aapi. Bilang pinakakonsentradong mukha ng bulok na sistemang ito, ang pasista, papet, pahirap at pabigat na rehimeng US-Marcos ang pinakasentrong target ng paglaban ng sambayanan.