Magkakasunod na gerilyang aksyon ang inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate noong huling hati ng Marso. Bahagi ang mga ito ng pagsisikap ng hukbong bayan na ipagtanggol ang masang Masbatenyo at lansagin ang umiiral na paghaharing militar sa prubinsya.
Hindi bababa sa 20 pwersa ng berdugong 2nd IB, CAFGU at mga pulis ang napatay sa apat na aksyong gerilya ng mga Pulang mandirigma sa tatlong bayan ng prubinsya.
Una sa serye ang koordinadong aksyong gerilya sa Barangay Locso-an, Placer at Barangay Gaid, Dimasalang noong Marso 22. Napatay sa mga armadong aksyon ang 10 tropa ng 2nd IB at pulis habang hindi bababa sa pito ang nasugatan. Ilan sa mga sugatan ay namatay rin kinalaunan.
Noong Marso 24, pinasabugan ng mga operatiba ng BHB ang detatsment ng CAFGU sa Barangay Manlut-od, Placer. Isinagawa ang operasyon ng alas-11 ng gabi na ikinagulantang ng mga armadong pwersa ng kaaway sa detatsment. Apat na sundalo at tauhan ng CAFGU ang napatay. Winasak din ng mga operatiba ng BHB ang tatlong kubo ng naturang detatsment.
Sinundan ito ng isa pang operasyong demolisyon noong Marso 27 ng BHB sa Barangay Marcella, Uson laban sa Task Force Sagip na binuo ni Marcos Jr. Samantala, iniulat ng yunit ang aktibong depensa nito laban sa umaatakeng pwersa ng 2nd IB sa Barangay Villahermosa, Cawayan noong Marso 20. Napatay dito ang kumander ng umaatakeng yunit ng AFP.
Paglabag ng AFP sa internasyunal na makataong batas
Sa kasagsagan ng mga aksyong gerilya ng BHB, nagpakalat ng kasinungalingan ang AFP na umatake diumano ang BHB malapit sa paaralan. Inulit-ulit pa ng kalihim ng Department of Education (DepEd) na si Sara Duterte ang kasinungalingang ito.
Ang totoo, malayo sa sibilyang populasyon at mga eskwelahan ang naganap na mga sagupaan sa pagitan ng BHB at AFP. Pero dahil sa matinding pagkagulantang at takot, nagsitakbuhan ang mga pwersa ng 2nd IB at nagpaputok sa loob ng mga eskwelahan sa dalawang barangay. Noong Marso 20, nagpaputok ng baril at nagpasabog ng M203 ang mga sundalo malapit sa Villahermoso National High School sa Cawayan. Noon namang Marso 22, umatras sa Locso-an National High School ang tropa ng militar at pulis matapos maengkwentro ng BHB. Nagdulot ang mga insidenteng ito ng matinding takot sa mga estudyante at guro.
Kinutya ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) sa isla ang nakakalat na tropa ng AFP-PNP-CAFGU na anito’y “bahag ang buntot” at “nangangatog ang tuhod.” Ginagamit nila ang mga sibilyan, kahit mga bata, bilang pananggalang para hindi sila atakehin ng BHB.
Samantala, inaresto ng mga pulis ang apat na sibilyan sa bayan ng Cawayan sa akusasyong “pinatuloy” nila ang mga Pulang mandirigma sa kani-kanilang mga bahay isang araw bago ang mga sagupaan. Sinampahan ang apat ng kasong pagpatay.
Para ibayong maghasik ng takot at lagim sa prubinsya, nagbuhos ng karagdagang 500 tropa ang AFP sa tabing ng pagtatanggol sa kagalingan ng mga estudyante at guro. Dagdag ang mga ito sa hindi bababa sa limang batalyon ng militar at pulis na dati nang naghahasik ng terorismo sa hanay ng masang Masbatenyo.
Ayon sa BHB-Masbate, layunin ng bagong pakat na tropang militar na protektahan ang interes ng malalaking negosyo, kumpanya sa pagmimina at mga proyektong ekoturismo na nakapamiminsala sa kagalingan ng masang Masbatenyo.